Mabini, marubdob

0
222

Ito ang pagtatanghal na kailangan sa ating panahon.

Una naming pinanuod ang Mabining Mandirigma, steampunk musical ng Tanghalang Pilipino, noong 2015. Sa pagtatanghal na ito, si Delphine Buencamino ang gumanap sa pangunahing karakter, ang bayani ng unang rebolusyong Pilipino na si Apolinario Mabini. Nakamamangha si Delphine (pati na rin si Arman Ferrer at ang buong cast). Makabagbag-damdamin at napapanahon ang kuwento, at mahusay ang pagkakalikha ng entablado at mga kanta. Sa pagkakagamit ng temang steampunk* lang ako naguluhan.

Ganoon pa man, nauukol pag- usapan at matanghal ang ganitong teatro. Nakapupukaw rin naman ito ng damdamin. Dahil dito, pinalakpakan namin ang produksiyon.

Itong ika-apat na pagtatanghal ng Mabining Mandirigma naman ang nagpadama sa akin ng pagdako at pagsisiwalat. Sa pangunguna ni Monique Wilson bilang bagong Mabini at pagbabalik ni Ferrer bilang Emilio Aguinaldo, para bang lalong nanggagalaiti, nagdidiin ang pagtatanghal. Mas may dating ang katatawanan at mas nakapangingilabot ang drama at trahedya. Kahit pa ang steampunk, nadama ko na ang pagkakaakma.

Marahil dahil sa panahon ngayon, sa kasalukuyang pasistang rehimen at dala nitong kaliwa’t kanang kataksilan, kaya mas marubdob, hindi lang ang pagtatanghal, kung hindi pati ang aming panonood.

Nang magmakaawa si Mabini kay Aguinaldo na huwag bumigay sa panunulsol ng mga ilustrado at imperyalista, dama ng mga manunuod ang bigat ng pagkabigo tulad noong sunod-sunod mabaon sa kabiguan ang pangako ng mga nagdaang pangulo.

Nang dumanak ang dugo ni Antonio Luna sa entablado, naramdaman namin ang pighati, tapos galit, tulad noong isa-isang nakawin ng mga pasista ang buhay at kinabukasan ng mga martir ng Batangas, Bicol, Negros at Mindanao. At nang nakabalik si Mabini sa isang Pilipinas kung saan sumisibol muli ang pagkamakabayan, naramdaman namin ang pag-asang tangan ng mga aktibista at rebolusyonaryo na nagpapatuloy sa kabila ng panganib, pangungutya ng trolls, at iba pang hamon.

Pinakita ng lahat ng ito na kailangan natin ng ganitong pagtatanghal, ng ganitong sining, upang maramdaman ang lalong nag-aalab na mga damdamin, ang galit, ang pagpupumiglas sa pagkatalo at paghihikahos. Sa dilim ng CCP Little Theater, nagsalitan ang pag-iyak, pagtawa, at indignasyon. At sa gawi ng mga militanteng pagtatanghal tulad nito, dala-dala namin ang galit (at pag-asa) sa pagbalik namin sa buhay (at laban) sa labas ng tanghalan. Gagamitin namin ang galit, panghahawakan namin ang pag-asa, at magpapatuloy sa pagkilos.

*Isang genre ng science fiction na may setting sa nakaraang siglo o panahon at kinatatampukan ng mga imahen ng pagsisimula ng rebolusyong industriyal. Isipin na lang ang damitan sa Van Helsing at kung ano-anong makinarya na nakalapat sa konteksto ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng Espanya sa bansa.

Salin mula sa Ingles ni Jobelle Adan
Featured image: Tanghalang Pilipino/@Kventurillo