Macario Sakay: Ang tulisan bilang bayani

0
235

Hindi kaila sa nakararami na naganap ang pirmahan sa Kasunduan sa Paris noong 1898 sa gitna ng pagtatagumpay ng Himagsikang Pilipino laban sa mga Espanyol. Isa nang ganap na malayang bayan, nagdeklara na ang Pilipinas ng pagsasarili kalahating taon pa bago pa ang naganap na pagpupulong sa Paris. Nagsisimula na rin ang Kongreso sa Malolos at ibinabalangkas na ang Konstitusyon na gagabay sa isang malayang bayan. Sa totoo lang, kasunduan ng mga imperyalistang bayan at pag-agaw sa kalayaan at karapatang magsarili ng isang dating nasasakupan ang naganap na Kasunduan sa Paris. Hindi pinakinggan ng Amerika ang paggigiit ng mga Pilipino na kilalanin ang kanilang kalayaan bagkus nagsimula ito ng kanyang pananakop na naging isang ganap na Digmaang Pilipino-Amerikano noong ika-4 ng Pebrero 1899, ilang linggo matapos ang deklarasyon ng Republika sa Barasoain noong ika-23 ng Enero sa bisa ng Konstitusyong naratipikahan noong ika-21 ng Enero.

Isa sa naging bungang kalagayan ng pagsiklab ng digmaan ang pagpapatuloy ng digmaan at pakikihamok sa bagong mananakop. Naiba lamang ang kaaway ng mga Pilipino – mula sa Espanya tungo sa Amerika. Upang matanggalan ng lehitimong katangian ang kilusang anti-Amerikano, ilang batas ang isinagawa ng pamahalaang kolonyal sa pagtatangka nitong gawing katanggap-tanggap ang kanilang pananakop. Nagpatupad sila ng Batas Sedisyon (Sedition Law), na nagsasabing sedisyoso at maaaring hatulan ng kamatayan ang lahat ng mga tumututol sa pamamahala ng Amerika sa Pilipinas. Isinakatuparan din nila ang Batas Bandila (Flag Law) na nagbawal sa pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas, pagsuot ng rebolusyonaryong kasuotan ng mga Katipunero, pagpapatugtog ng pambansang awit at pagsambit ng katapatan sa Pilipinas sa halip ng sa Amerika. Ang Batas Rekonsentrasyon (Reconcentration Law) ang naglagay sa mga pamayanang kumakampi sa mga rebolusyonaryong Pilipino sa mga kampong rekonsentrado na maihahambing sa concentration camps nina Hitler noong ikalawang digmaang pandaigdig. At panghuli, ibinaba ang batas Bandolerismo (Bandolerismo Law) na nagsasabing matapos ang deklarasyon ng mga Amerikano ng “Kapayapaan” sa Pilipinas noong ika-4 ng Hulyo 1901, ituturing ang lahat ng mga tumututol at kumakalaban sa Amerika bilang mga bandido at tulisan na papatawan ng kaparusahan gaya ng ordinaryong kriminal.

Ang ganitong konteksto ang naglagay kay Macario Sakay bilang isa sa mga kontrobersyal na personahe sa kasaysayan. Kasama nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto sa orihinal na Katipunan, itinuturing na isa sa mga di kilalang bayani ng bayan si Macario Sakay. Subalit dahil tumutol at nakipaglaban siya sa pamahalaan ng Amerika hanggang mahuli siya noong 1907, kasama siya sa binansagang tulisan at bandido ng mga Amerikano. Itinuring siyang sedisyoso at kaaway ng kapayapaan. Sa kasong bandolerismo, kinasuhan ng mga salang kriminal gaya ng pagpatay at pangnanakaw si Sakay sa halip na litisin bilang bilanggong politikal.

Lalong naging notoryus ang imahe ni Sakay nang magdesisyon siyang hindi magpagupit hanggang hindi napapaalis ang mga Amerikano sa Pilipinas. Kakaibang kalagayan ito sa dahilang isang dating barbero sa Tondo si Sakay. Isang barberong hindi nagpagupit; isang taong labas na anak sa labas (Sakay ang apelyido ng kanyang ina); isang bargas na taga-Tondo sa panahong ang mga malumanay na mga principalia gaya nina Pedro Paterno, Felipe Buencamino, Gregorio Araneta at Andres de Luzuriaga ang nagsimula nang makipagkasundo at tumulong sa mga Amerikano sa pagtatatag ng kolonyal na pamahalaan.

Sa kanyang kuta sa kabundukan na tinawag nilang Dimas Alang, idineklara ni Sakay ang pagtatatag ng Republika ng Katagalugan noong ika-2 ng Mayo 1902. Siya ang nagsilbing pangulo nito, kasama sina Francisco Carreon bilang Pangalawang Pangulo at Julian Montalan bilang Punong Tagapagpaganap. Bilang republika, nilinaw ni Sakay na ang kanyang pamahalaan ay sumasaklaw sa lahat ng mga bayang nasa kapuluan, kasama ang Ilocos, Sulu, Kabisayaan at Kabikolan. Katulad ito ng ideya ni Bonifacio ukol sa saklaw ng Katagalugan bilang buong kapuluan, sa kanyang sulating ‘Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog”. Gaya din ng Katipunan, nagkaroon ng sariling pagbabatas ang pamamahala ng Republika ng Katagalugan – mayroong sariling bandila, panunumpa ng katapatan ng mga kasapi, at konstitusyon. Tuwiran nitong hinamon ang Batas Sedisyon at Batas Bandila sa pagkakaroon ng pantapat ng simbolo ng kalayaan at katapatan sa mga mamamayan. Bilang mga hukbo, ilang pagkakataong nagkaroon ng mga operasyong militar ang tropa ni Sakay sa pananalakay sa mga bayang nasasakop ng mga Amerikano, gaya ng San Francisco de Malabon sa Cavite; Paranaque at Las Pinas sa dating lalawigan ng Morong (Rizal sa kasalukuyan) ; at ilang mga bayan sa Laguna, Tayabas (Quezon) at Batangas.

Sa loob ng higit sa dalawang taon mula 1904 hanggang 1906, malawakang kumilos ang mga hukbo ni Sakay bilang ganap na armadong pwersa na tumututol sa mga Amerikano. Sa mga panahon ding ito, hindi maisakatuparan ang ipinangako ng mga Amerikano na pagkakaroon ng halalan para sa mga pinunong Pilipino dahil sa limitasyon ng Philippine Bill of 1902 na dapat magkaroon ng ganap na kapayapaan (ibig sabihin, walang armadong kumakalaban sa hukbong Amerikano) dalawang taon matapos ang paglalathala ng Census ng 1903. Nailathala ang Census noong 1905, at itinakda ang halalan noong 1907. Habang buhay si Sakay, walang maituturing na ganap na kapayapaan dahil sa armadong pagtutol ng kanyang hukbo. At habang walang maituturing na ganap na kapayapaan, hindi magaganap ang halalan. Si Sakay at ang Republika ng Katagalugan ang pangunahing mga balakid sa pagkakaroon ng kolonyal na halalan!

Malawakang pagtugis ang ginawa ng mga tropang Amerikano at ng mga kolaborador nitong mga politikong Pilipino. Malawakan din ang pagpapakalat ng kontra imahen na si Sakay at ang mga kasamahan nito ay mga tulisan, mga madudungis na mahaba ang buhok at naghahasik ng kaguluhan. Hindi ipinakilala ang Republika ng Katagalugan bilang lehitimong pagpapatuloy ng kilusang Katipunan, ng ipinahayag na kalayaan sa Kawit at ng itinatag na Republika sa Barasoain.

Nang hindi magtagumpay ang mga operasyong militar, sinubukan naman ng mga Amerikano ang paghimok at panlilinlang. Hinimok ni Dr. Dominador Gomez ang tropa nina Sakay na bibigyan sila ng malayang pases sa pagkilos (safe conduct pass) at papayagang mapayapang makapunta sa mga bayan nang hindi hinuhuli ng mga hukbong kolonyal. Mula sa kampo nito sa may Tanay, bumaba ng bundok si Sakay kasama ang mga pinuno ng Republika ng Katagalugan na sina Francisco Carreon, Lucio de Vega, Julian Montalan, at Leon Villafuerte. Mahahaba ang buhok, nakauniporme ng rayadillo at sukbit ang mga armas, mainit na tinanggap sa Kamaynilaan sina Sakay simula ng Hulyo 1906. May mga pagkakataong inaalayan sila ng pagkain, bulaklak at mga regalo. Tila pyesta ang nagaganap saan man magpunta sina Sakay – may mga sayawang ginaganap, may mga awitan, handaan at inuman sa mga lugar na iniimbitahan silang magpunta. Sa piging na inihanda ng Gobernador ng Cavite na si Col Louis Van Schaick sa pagdiriwang ng ‘kapayapaan’, pataksil na dinisarmahan ang tropa ni Sakay at hinuli sa bisa ng mga Batas Sedisyon, Bandolerismo, at Bandila. Nilitis at ikinulong sa Bilibid sina Sakay. Matapos ang paglilitis, hinatulan ang mga nasasakdal ng bitay para kina Sakay at de Vega, samantalang pagkakakulong sa iba pa nitong kasamahan. Noong umaga ng 13 Setyembre 1907, binitay sina Sakay at doon na nagtapos ang buhay at kilusan ng bayaning itinuring na tulisan ng mga Amerikano.

Sa mga siniping mga dokumento ni Jose P. Santos na nalathala noong 1936, ilang mga sulatin ni Sakay ang naglilinaw sa kanyang mga ideya ukol sa pagkilos at pagkakakilanlan.

Bilang pagpapahayag sa kanilang tunay na pakay, nilinaw ni Sakay na sila ang tunay na kumakatawan sa Bayan, at hindi ang mga dayuhang mananakop. Sila anila ang nag-aasam ng kagalingan ng bayan at humihimok sa mga kababayan na umayon sa kalayaan bilang kalagayang dapat isakatuparan sa kapuluan. Sabi ni Sakay sa pahayag noong 1904,

Kameng mga tagalog na ngayon na sa kabundukan ng aming lupang tinubuan, nakikipagbakang masidhi laban sa Gobierno ng EE UU ng Amerika ayon sa pangtatanggol ng tunay na kalayaan ng aming Bayan, ay sa pag-uusig namin ng tunay na katwiran, ay ipinatatalastas at ipinatatanghal:

UNA: – Kaming may mga dangal at tunay na anak na gumigiliw sa Inang Bayan, ay umiibig at maibigin sa pananarili gayon din sa Kalayaan.

IKALAWA: – Kaming tunay na Revolucionario sa gawa at panununton sa tunay na katuiran; at hindi tulisan gaya ng pagpapalagay ng mga taga Gobierno ng Amerika, kundi kami ay mga viligerantes. Hindi mangyayaring tawagin tulisan ang mga nakikipagmook sa pagka’t kami ay may isang banderang tunay ng Gobierno, at may sadyang Constitusyon. Hindi at hindi mangyayari, inuulit-ulit namin na, ang mga nakikipagbaka sa labas, ay pawang may dalisay na puso na nagsusumakit ipagtangol ang kasarinlan, at nanunton sa tunay na katuirang nararapat sa aming kulang palad na Bayan; sa bagay na ito, ay sa banal naming ninanasa, kami ay may kabuoan ng Gobierno natatag na kasalukuyan ngayon na na sasa bundok ng tinatawag na Dimas Alang hindi kaila marahil sa inyo.

IKATLO: – Aming isinasamo ng buong puri at dangal na yayamang kayong tunay na pinakakatawan ng inyong bantog na Gobierno dito sa Y. Pilipinas ay mangyayaring ninyong ipatalastas ng buong katotohanan sa pamamagitan ng magandang puso ng inyong kalooban ang nasasabing Gobierno ang aming patanghal na pawang katwiran paris ng sinasabi sa itaas upang kanilang gawin ang lalong nararapat; sa bagay na ito ay hindi aalintunahin ang isinasamo at ipinatatanghal ay ngayon pa’y aming ipinatatalastas sa kalahatan ang buong kaliwanagan na walang agam agam na kami hindi mananagot kailan paman, sa mga kasiraan at bagabag na mangyayari sa kaninopaman, lubha pa nga na ang bagay na mangyayari ayon sa banal na nasa na ikalalaya at ikadadangal ng aming kulang palad na Bayan.

Marami pang paglilinaw sa kasaysayan ang dapat isakatuparan sa loob at labas ng mga klasrum. Ang pagbitay kay Sakay noong 13 Setyembre 1907, sa salang pambabandido at pagiging tulisan ang isa lamang sa ironiya sa kasaysayan. Wala na halos kumikilala na makabuluhang bahagi ang petsang 13 Setyembre sa kasaysayan ng Pilipinas. Maraming bayaning ikinukulong, ipinapatapon, binibitay batay sa kasong kriminal na ipinapataw sa kanila. Hindi kinikilala ang tunay na rebolusyonaryo at makabayang ambag nila sa pagkilos laban sa estado at mga mananakop para isulong ang kalayaan ng bayan. Ang paglilinaw na bayani at hindi tulisan si Sakay, na dapat kilalanin bilang Pangulo ng Republika ng Katagalugan na kanyang pinamunuan, ang isa sa dapat isulong ng makabayang kasaysayan.
Ref.

Jose P. Santos. 1936. Ang Tatlong Napabantog na “Tulisan” sa Pilipinas. Gerona, n.p. (https://www.bulatlat.com)

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Macario Sakay: Ang tulisan bilang bayani appeared first on Bulatlat.