Mag-ingat at makibaka

0
187

May mga nagsasabi na sa gitna ng krisis, hindi dapat nagsisisihan. Magtulungan na lang daw. Sumunod na lang daw sa mga awtoridad. Pero pinakikita sa kasaysayan ng pagtugon ng mga mamamayan sa nakaraang mga kalamidad na kayang gawin nito pareho: agad na tumulong at tumugon, at maningil.

Habang nagaganap ang krisis, sa kasong ito ang pandemic (o malawakang pagkalat ng sakit sa buong mundo) na Coronavirus Disease 2019 (Covid-19), pinag-uusapan sa publiko ang mga sanhi nito, at mga bagay na maaaring nagpalala rito. Pinag-uusapan sa pagitan ng mga mamamayan kung ano ang naging tugon ng gobyerno sa krisis na ito, at kung tama ba ang tugon na ito. Sa gitna ng mga pag-uusap na ito, nagagawa pa ring magtulungan: magbigay ng ayuda sa mga nangangailangan, sumaklolo sa mga kailangan ng tulong, magbigay-imporasyon sa mga kapos sa kaalaman.

Hindi kaiba sa ibang sakuna o kalamidad ang pandemic ng Covid-19. Habang umaayuda, nag-iingat para sa sarili at sa pamilya, at madalas na naghuhugas ng kamay at umiiwas sa maramihang tipunan ng mga tao, kaya pa ring punahin ang mga dapat punahin. Katunayan, bilang responsableng mga Pilipino, tungkulin natin ito.

Una, sabi nga ng TedX lektyur eksperto sa global health na si Alanna Shaikh sa US, ang mga epidemyang katulad ng sa Covid-19 ay resulta ng pakikitungo ng tao sa kapaligaran ng mundo. Iniluwal ng kapitalismo ang walang-habas na pagluwal ng surplus na produksiyon at pagsasamantala sa likas-na-yaman ang pag-init ng temperatura ng mundo. Dahil sa pagbabagong ito sa klima ng mundo o climate change, mas nabubuhay at lumalaganap ang iba’t ibang virus at bacteria. Sabi pa niya, sa bawat pagsunog at pagbuwal ng mga puno sa mga kagubatan para ikombert para sa agroindustriya, nagkakaroon ng kontak ang mga tao sa mga populasyon ng wildlife na may dalang bacteria at viruses.

Ani Shaikh, ang mga epidemya na katulad ng Covid-19 ang hinaharap ng mundo. Hindi na tanong kung mauulit pa ito. Ang tanong ay kung kailan ito mauulit.

Sa Pilipinas, kailangan ding ituro kung bakit umabot pa sa ganitong antas ang krisis. Enero pa lang, napag-alaman na ng Department of Health ang mga kaso ng sinususpetsahang maysakit na mula China na nakarating ng Pilipinas. Hinintay pa nito ang mahigit isang buwan bago ipinagbawal ang pagbiyahe mula sa bansang ito. At kahit may travel ban noon sa China, Macau, Hong Kong (at dinamay pa ang Taiwan), marami pa rin ang balita hinggil sa mga turistang Tsino na nakakalusot sa Pilipinas – dumadaan sa iba’t ibang pandaigdigang paliparan at daungan sa bansa.

Noong Pebrero, ibinukas na muli ang pagbiyahe sa Pilipinas mula sa China (maliban sa probinsiya ng Hubei). Samantala, isang mistulang  ang iniutos ni Duterte. Bago ang pormal na implementasyon nito, dagsaan na ang mga komyuter sa mga terminal ng bus pauwi ng probinsiya. Tiyak, nakahalo na rito ang maysakit, dahil wala namang pamamaraan ang terminal para salain ang walang sakit sa mayroon. At noong ipinatupad ang checkpoint, iba-iba naman ang pamamaraan ng pagtsek ng mga militar at pulis: mayroong walang mask, may nangangapkap, may nanghihingi ng mga dokumento (certificate of employment o residence) gamit ang di-protektadong mga kamay na ginamit sa pangangapkap ng ibang tao, at iba pa. At siyempre, hindi lahat ng labasan-pasukan sa Maynila ay nababantayan.

Dapat mag-ingat sa pagkalat ng Covid-19, pero dapat ding maging kritikal sa anumang polisiya o hakbang na ginagawa ng gobyerno. Dapat suriin ang pakay ng mga hakbang na ito batay sa resulta nito. Ang isinagawang lockdown o community quarantine, maraming butas at hindi epektibo. Kaya ano ang tunay nilang pakay? Gusto lang nilang takutin ang mga mamamayan. Di kaila sa mga nag-aaral ng mga lipunang mapanupil kung papaano ginagamit ang mga krisis tulad ng Covid-19 para bigyan-katwiran ang panunupil, pagkait sa mga karapatang sibil ng mga mamamayan, at pangungunyapit sa kapangyarihan.

Lalong itinutulak ni Duterte ang mga mamamayan na magalit at, sa takdang panahon, mag-alsa laban sa kanya dahil sa sobrang panunupil niya sa halip na aktuwal na tumugon sa krisis sa Covid-19. Sa kabila ng walang suporta ng gobyerno sa mga mamamayang pinagkakaitan ng serbisyong medikal at kabuhayan, kakayanin nitong tumugon sa krisis. Kasabay nito, kakayanin din nitong magalit, tumuligsa, at magpatalsik.