Maikling mensahe sa DDS

0
178

Isa ka ba sa mga tinaguriang Duterte Diehard Supporter (DDS)? May dalawang tanong lang po ako sa puntong ito: Taga-Mindanao ka ba? Apektado ka ba ng lindol? Para sa iyo ito kung ang sagot mo ay oo. Pero kung hindi, sana nama’y bigyan mo rin ako ng kaunting minuto. Maikli lang ito dahil mahalaga ang oras mo.

Huwag kang mag-alala. Hindi po ito pangungutya kundi pangungumusta. Bagama’t mayroong magsasabi ng “Buti nga!” sa mga katulad mo, hindi ito ang panahon para piliin ang mga taong dapat tulungan. Sa panahon ng pangangailangan, nasa tradisyon natin ang bayanihan.

Oo, matindi ang ating tunggalian. Malamang na isa ka sa maraming troll na nag-post ng mga personal na atake bunga ng pulitikal na pagkakaiba sa kapwa. Binayaran ka man o hindi para gawin ang mga ito, alam mong walang lugar ang basura sa diskurso.

Paumanhin sa paggamit ng salitang “basura.” Wala nang iba pang akmang salita sa diskusyong nauuwi sa matinding personalan sa halip na malumanay na usapan. Bakit mo naman kasi ginagawa pa ito? Hindi ba’t mas mainam na makipagtalastasan sa pamamagitan ng malinaw na datos at malalim na pagsusuri?

Sa isang makabuluhang diskusyon, walang lugar ang pekeng balita at malabnaw na opinyon. Tinatawag na “confirmation bias” ang ginagawa mong pagkuha lang ng isang bahagi ng isyung pumapabor sa iyong paninindigan pero hindi na pinapansin ang bahaging hindi pumapabor sa iyo. Kung hindi man kasinungalingan (lie) ang pinapakalat mo, nagiging mapanlinlang (misleading) naman ito. Ganitong pakikipagtalastasan ba talaga ang gusto mo? O baka naman napipilitan ka lang dahil sa matinding pangangailangan?

Kung oo ang sagot mo, naiintindihan kita. Matindi naman talaga ang kahirapan sa Pilipinas. Yung iba nga, pumupunta pa sa ibang bansa para suportahan ang pamilya. Kung sabagay, “masuwerte” ka pa rin dahil kumikita ka sa simpleng paggamit ng mga gadget mo. Kung pagbabatayan ang ilang pag-aaral tungkol sa tinatawag na “troll farms,” kaya mong kumita depende sa estado mo sa online community.

Hindi ko na tatanungin kung magkano ba talaga ang kinikita mo. Pero huwag ka sanang magalit sa deretsahan kong tanong: Paano ka nakakatulog sa gabi? Iba na nga ba ang konsepto mo ng tama at mali?

Hindi maganda ang manlait. Hindi rin katanggap-tanggap ang pagsisinungaling o panlilinlang. Bagama’t hindi ka pinipigilang suportahan ang isang pulitikal na partido o opisyal ng gobyerno, sana nama’y ipaglaban mo ang iyong paniniwala sa paraang hindi nang-aalipusta sa iba pa.

Sa pagkakataong ito, hindi ka dapat gantihan ng mas matinding pagmumura dahil sa pinagdaraanan mo ngayon, lalo na kung apektado ka ng lindol sa Mindanao. Kung mayroon mang mangilan-ngilang tinaguriang “dilawan” na nilalait-lait ka, dapat silang punahin. Anuman ang ginawa mo noon (at malamang na pinaplano mo pa ring gawin sa susunod na hinaharap), kailangan mo ng tulong mula sa mga handang magbigay nito.

At sa puntong ito, may isa lang akong pakiusap. Puwede mo rin kayang tulungan, sa abot ng iyong makakaya, ang mga lehitimong organisasyong nilulusob ngayon ng mga pulis at militar dahil sa kanilang adbokasiya? Alam mong inaakusahan silang prente diumano ng mga komunista pero hindi naman malinaw ang ebidensya laban sa kanila. Kung may isang bagay na malinaw, ito ay ang paulit-ulit na pagtatanim ng baril, granada at iba pang sandata sa ilang indibidwal na ang tanging “kasalanan” ay ang pagiging aktibista.

Alam ko, galit ka sa kanila. Pero may magagawa ka. Tigilan mo na sana pag-tag ng pula. Sa wikang Ingles, “Stop Red-baiting!”

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com