Malayang talakayan para sa malayang pamamahayag

0
305

Mala-batas militar na pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag, press freedom at civil liberties sa ilalim ng rehimeng Duterte ang naging batayan ng mga artista, manunulat, media practitioners at iba pa para ilunsad ang isang porum na pinamagatang “Malaya” na inorganisa ng Concerned Artists of the Philippines (CAP), Altermidya – People’s Alternative Media Network, Defend Jobs Philippines, Active Vista, Movement Against Tyranny, Youth Act Now Against Tyranny, College Editors Guild of the Philippines, Kadamay, Dakila at Kabataan Party-list.

Direk Joel Lamangan (Kuha ni Peter Joseph Dytioco)

Rep. Sarah Elago, Kabataan Partylist (Peter Joseph Dytioco)

Bonifacio Ilagan (Peter Joseph Dytioco)

Inilunsad ang naturang porum noong Marso 7 sa Cine Adarna, Film Center, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, Quezon City. Tinalakay dito ang mga kaso ng censorship at red-tagging sa filmmakers, mga institusyon, at mga paaralan; paglabag sa karapatang pantao ng mga mismong tagapagtanggol nito, pagsupil sa media, mainstream man o alternative press, tulad ng banta ng pagpapasara sa ABS-CBN; at ang pagratsada ng amyenda ng Anti-Terrorism Law sa Kongreso.

Binuksan ni Prop. Neil Doloricon, tagapangulo ng CAP at guro sa UP College of Fine Arts, ang talakayan para sa may dalawang daang dumalo. Bago tumungo sa mayor na bahagi ng aktibidad, magkasunod na nag-alay ng awit ang miyembro ng CAP na si Jess Gabon at si Bayang Barrios.

Tinalakay ni Kabataan Rep. Sarah Elago ang nararanasang red-tagging ng kaniyang organisasyon na nagpasimula ng bahagi ng programa para sa testimonya ng mga sektor. Nagsalita rin sina Thaddeus Ifurung ng Defend Jobs Philippines, Gert Ranjo-Libang ng Gabriela, Eufemia “Ka Mimi” Doringo ng Kadamay, Christine Gudoy ng Pepmaco Worker’s Union. Hindi man nakadalo sa naturang aktibidad, nagbigay pa rin ng testimonya, sa anyong video message si Bibeth Orteza, kilalang script writer at artista. Nanawagan naman si Mae Paner o mas kilala bilang Juana Change na maging mapangahas at maging mapanlikha sa sitwasyon na sinisikil ng gobyerno ang kalayaan sa pamamahayag.

Anne Krueger (Peter Joseph V. Dytioco)

Pagsikil sa kalayaan sa pamamahayag ang testimonya mula sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Altermidya at UP Solidaridad. Emosyonal na ibinahagi ni Dabet Panelo, pangkalahatang kalihim ng NUJP, ang hinaing ng mga kapwa niya empleyado sa banta ng hindi pagbibigay ng franchise-renewal sa ABS-CBN. “Masama bang maging community journalist na nag-uulat ng tunay na kalagayan sa Negros?” tanong ni Anne Kreuger ng Paghimutad at Altermidya, na ilegal na inaresto ng Estado bunsod ng tanim-ebidensiya ng mga elemento ng PNP, noong Oktubre 2019. Tinuligsa naman ni Marvin Ang, tagapangulo ng Solidaridad, alyansa ng mga pahayagang pangkampus sa UP system, ang red-tagging at pagturing na terorista sa mga mamamahayag sa kampus tulad ni Frenchie Mae Cumpio, dating editor-in-chief ng UP Vista, pahayagan ng UP Tacloban at correspondent ng Eastern Vista hanggang siya ay arestuhin nitong Pebrero sa ikalawang serye ng crackdown sa mga kritiko ng gobyerno.

Chickoy Pura (Peter Joseph V. Dytioco)

Samantala, inahayag naman nina Dom Balmes (Dakila at Active Vista) at Al Omaga (Panday Sining) ang pagkukulong ng kanilang mga kasapi dahil sa kanilang pampulitikang paninindigan.

Nagtanghal din si Chickoy Pura ng 2 awit kasama ang “Rage” na nilahukan ng ilang lyrics mula sa klasikong kanta ni Bob Dylan na “Blowin’ in the wind”.

Tumayong tagatugon sa talakayan sina Dr. Roland Tolentino, dating dekano ng UP Mass Communication, hinggil sa academic freedom; Jan Michael Yap ng Computer Professionals Union kaugnay ng aspetong teknikal ng data security at panunupil; direk Joel Lamangan hinggil sa kalayaan sa pamamahayag; at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na nagtalakay hinggil sa amyenda ng Anti-Terrorism Law.

Nagsalita naman sa open forum si Jay Altarejos, direktor ng kontroberisyal na pelikulang Walang Kasarian ang Digmang Bayan na tinanggal sa listahan ng mga finalist para sa Sinag Maynila 2020 na pinamumunuan ni Brillante Mendoza, kilalang direktor at masugid na tagasuporta ni Pangulong Duterte.

Teddy Casino, Movement Against Tyranny (Peter Joseph Dytioco)

Sinuma ni Teddy Casino ng Movement Against Tyranny ang talakayan sa panawagan ng pagkakaisa sa hanay ng mga artista, media practitioners at mamamayan upang labanan ang tiraniya ng kasalukuyang administrasyon.

Marahil ang pinakatampok na bahagi ng talakayan ang talumpati ni Bonifacio “Ka Boni” Ilagan ng Surian sa Sining at ni Direk Joel Lamangan. Anila, ang kalayaan sa pamamahayag at ang pagpapahayag ang kaluluwa ng demokrasya kung kaya’t dapat ipaglaban at hindi hayaang mamatay. Hinamon din ng mga naturang beterano sa paglaban sa diktadura ni dating Pang. Ferdinand Marcos na palakihin pa ang bilang ng napapalahok sa mga katulad na mga talakayan.

Tinapos ang naturang aktibidad sa sabayang pagbasa ng unity statement na inihanda ng mga organisador ng talakayan. Umaaalingawngaw ang panawagang “Defend press freedom!” at “Stop the attacks!”