Mandirigma sa kalye

0
159

Hindi mo kailangang maging aktibista para makibaka. Araw-araw mo kasi itong ginagawa.

Parang pagsakay iyan sa LRT at MRT. Kung babae ka, gasgas nang biro ang pagpasok mo bilang “dalagang Pilipina” at paglabas mo bilang “mandirigma.” Naranasan mo na bang pumila nang mahigit isang oras para lang makapasok sa istasyon? At matapos ang mahigit isang oras na pagpila, may panibagong paghihintay pa sa pagdating ng kakaunting tren. Dahil siksikan sa loob ng istasyon, naging “normal” na ang balyahan at tulakan.

Kung pinalad kang makapasok sa tren, kailangan mong magpaypay dahil sa sobrang init. Pero hindi mo magawa dahil hindi makagalaw ang mga kamay mo sa sobrang dami ng tao. Sa katunayan, hindi mo na kailangang kumapit sa handrail dahil hindi ka naman mawawalan ng balanse. Sa sobrang siksikan, “suportado” ka ng mga katabi mo. Sadyang “close na close” kayo, hindi ba?

Nakapaligid sa iyo ang mga estranghero. Wala kang personal na espasyo. Wala kang mapagpipiliang katabi, at malas na lang kung babae ka’t literal na nakadaupang palad mo ang isang manyakis na panay ang hawak sa katawan mo.

Saglit lang. Mali yatang gamitin ang salitang “malas” sa partikular mong sitwasyon. Mas mainam yatang salita ang “masaklap.” Kumbaga sa pagkain, kay pakla ng ipinatikim sa ating lahat. Ito nga ba ang pangakong pagbabagong hatid ng Pangulo? Nasaan na kaya ang mga taga-suporta niyang nagsabing “Change is coming”?

“But wait, there’s more” kaya ang isasagot nila? Kung sabagay, paano mo pa susuriin ang kasalukuyang aberya sa LRT 2? Aabutin diumano ng siyam na buwan bago mabuksan ang operasyon ng mga biyahe mula Santolan hanggang Anonas at pabalik dahil sa pagkasira ng power transformer. Ano na lang ang gagawin ng 200,000 kataong sumasakay sa LRT 2 araw-araw?

Tulad ng inaasahan, ang siksikan ay napunta naman sa mga bus, jeepney at FX. Gaano na ba kalala ang sitwasyon sa mga lansangan? Aba, pati mga sasakyan ng Philippine Coast Guard, ginagamit na para makatulong na maibsan ang pagdagsa ng mga tao sa kalye.

Iniimbestigahan pa ang sunog na nangyari sa LRT 2 noong Oktubre 3. Kung sinusubaybayan mo ang balita, alam mong humihingi ang Light Rail Transit Authority (LRTA) sa gobyerno ng humigit-kumulang P430 milyon. Dahil sa napakalaking halaga nito, alam ko na ang nasa isip mo: “Kaninong bulsa na naman kaya ang tataba dahil dito?”

Hindi kita masisisi sa mapaglarong imahinasyon dahil hindi na bago ang pagnanakaw sa panahon ng krisis.

May mga yumaman dahil sa Typhoon Yolanda noong 2013. Mismong ang Commission on Audit (COA) na ang nagsabing P741.59 milyon ng pondong nakalaan para sa mga biktima ay hindi nakarating sa kanila. Tandaan nating isinapubliko ang ulat ng COA noong Setyembre 2014. Kung totoong “quick response fund” ang karamihan sa mga pondong ito, dapat ay mabilis na nakarating ang pera sa mga biktima ng bagyo noong Nobyembre 2013.

Hindi pa malinaw kung paano talaga gagastusiin ang P430 milyon, pero malinaw na hihingan ng tulong ng LRTA ang mga inhinyero mula sa Estados Unidos para sa pag-aayos ng LRT 2. Babayaran kaya sila? Para mo na ring tinanong kung mahaba pa ba ang pila sa terminal ng mga sasakyan!

Siyempre, may kinakailangang gastusin dahil malinaw namang may nasira. Pero kailangang maging malinaw kung saan mapupunta ang bawat sentimo nito. Karapatan natin bilang ordinaryong mamamayang malaman kung paano ginagamit ang mga buwis natin. Subukan lang nilang ibulsa ang ating mga pinaghirapan, maghahalo ang balat sa tinalupan!

Pero habang nagmumuni-muni sa milyon-milyong pera, kailangang tipirin ang kakarampot na nasa bulsa. Oo, may pamasahe pa naman pero nasaan ang sasakyan? Magiging bahagi na ba ng normal nating buhay ang balyahan at tulakan? Paano na lang ang mga may kapansanan? Magtitiis na lang ba tayong lahat habambuhay?

Hindi dapat ganito, pero ganito talaga. Sadyang hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang kalakaran sa mga lansangan. Para sa iyong araw-araw na mandirigma, handa ka na bang umastang aktibista?

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Mandirigma sa kalye appeared first on Bulatlat.