May magagawa sa agrikultura

0
192

Sa harap ng bumubulusok na kalagayan ng sektor ng agrikultura sa bansa ngayon, gayundin ang kalagayan ng mga magsasakang sangkot dito, may magagawa.

Matagal nang may mga mungkahi ang progresibong mga grupo at ekonomista para mapaunlad ang agrikultura at kalagayan ng mga magsasaka. Inihahayag ito ng kilusan ng mga magsasaka, gayundin ng independiyenteng mga institusyon ng pananaliksik tulad ng Ibon Foundation. Pinag-usapan at muntik pa ngang pagkasunduan ito sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sa unang dalawang taon ng termino ni Pangulong Duterte, iminungkahi rin mismo ito sa loob ng kanyang gabinete – ng noo’y Lead Convenor ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) na dating Sec. Liza Maza.

Lahat ng binatong mga mungkahing ito, nakatuntong sa isang reyalidad: Ang monopolisasyon o pagkakonsentra ng malalaking lupaing agrikultural sa iilang tao, pamilya o korporasyon. Lahat ng mga mungkahing ito, may pangunahing nilalaman: ang pagkakaroon ng tunay na repormang agraryo sa bansa.

Kongretong mungkahi

Noong nakaraang linggo, inilunsad ng Ibon Foundation sa kampanya nito hinggil sa “People Economics” o ekonomiks ng mga mamamayan.

Layunin ng naturang kampanya na palaganapin sa madla ang mga mungkahing reporma sa mga polisiya ng gobyerno na “talagang magbebenepisyo ang karamihan ng mga Pilipino at magdudulot ng tunay na pambansang kaunlaran.”

Malinaw naman kasing bigo ang nakaraan at kasalukuyang mga polisiya sa ekonomiya ng gobyerno. “Matapos ang apat na dekada ng neoliberal na globalisasyon at mga polisiyang tinutulak ng merkado (market-driven), nananatiling di maunlad ang bansa. Maraming Pilipino ang lugmok pa rin sa lumalalang kahirapan at krisis sa trabaho, habang iilang mayayaman ang nagbebenepisyo,” ayon sa Ibon.

Kasama na sa bigong mga polisiya ang nakaraang mga “repormang agraryo” na nabigong wakasan ang mga monopolyong pag-aari sa lupa ng iilang tao, pamilya o korporasyon —  mula sa Presidential Decree No. 27 ng diktadurang Marcos, hanggang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na naging CARP Extension with Reforms (Carper) o ang Republic Act No. 9700.

Kabilang sa mga dahilan ng pagkabigo ng mga polisiyang ito ang maraming exemptions o lusot sa mga panginoong maylupa para di maipasailalim sa land reform ang mga lupa nila. Kasama rin sa mga dahilan ang hindi pagiging libre ng pamamahagi ng lupa, gayundin ang kawalan ng sustenidong suporta sa mga magsasaka para mapaunlad ang kanilang produksiyon sa lupa.

Sa panukala ng NDFP sa burador nito para sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser), malinaw na inilatag na libre dapat na maipamahagi ng mga lupaing mapapasailalim sa repormang agraryo. “Sinisiguro ng programa sa repormang agraryo na ang mga nagbubungkal o ang mga magsasaka, mag-isa man siya o bilang bahagi ng kooperatiba o katulad na mga organisasyon, ang may kontrol sa lupa,” ayon sa Seksiyon 3, Artikulo I sa ilalim ng (A) Agrarian Reform and Agricultural Development ng naturang burador.

Kung mapapatupad, binabasura na ng kasunduan ang dating mga utang ng mga magsasaka o amortisasyon sa ilalim ng nakaraang mga batas sa land reform.

“Ipapatupad ang polisiya ng pagsamsam (expropriation) nang may kompensasyon (o kabayaran, mula sa Estado) para mahikayat ang mga panginoong maylupa na mamuhunan sa mga industriya at iba pang produktibong empresa. Aplikable rin ito sa mga panginoong maylupa na may napatunayang rekord ng aktibong pagsuporta sa progresbong reporma sa lupa,” ayon sa Seksiyon 5, Artikulo I ng naturang panukalang kasunduan.

Sa introduksiyon sa mga repormang pang-agrikultura at kaunlaran sa kanayunan, sinabi pa sa borador na kailangan ang tunay na repormang agraryo para mabigyan-laya ang produktibong mga puwersa sa kanayunan at makamit ang pambansang industriyalisasyon.

“Inilalatag nito ang batayan para sa pang-ekonomiya, pampulitika, panlipunan at pangkulturang pagpapalaya sa uring may pinakamaraming miyembro sa lipunang Pilipino,” ayon pa sa borador ng Caser.

Sa loob ng gobyerno

Sinususugan ng NAPC, sa ilalim ng noo’y kalihim nito na si Maza, ang pangangailangan ng isang tunay na reporma sa lupa.

Sa policy paper nitong pinamagatang Redefining Philippine Anti-Poverty Policy na inilabas ng NAPC noong 2017, tinukoy nga nito ang problema ng kawalan ng repormang agraryo bilang batayan ng pambansang industriyalisasyon at pagpapalaya sa mga magsasaka para signipikanteng makaambag sa pagpapaunlad ng bansa.

Sa ngayon kasi, papaba ang produksiyon ng mga magsasaka. Wala pa ngang Republic Act No. 11203 o Rice Liberalization Law, umabot na sa 1.1 milyong trabaho sa sektor ng agrikultura ang nawala mula 2016 tungong 2018.

Samantala, malaki ang iniliit ng paglago ng agrikultura. Noong 4 porsiyento noong 2017, umabot na lang sa 0.9 porsiyento ang inilago nito. Papaliit din ang bahagi ng agrikultura sa buong Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Noong 8.8 porsiyento ng GDP, naging 8.1 porsiyento na lang ito noong nakaraang taon.

Higit sa libreng pamamahagi, ipinanunukala ng policy paper ng NAPC na susugan ang pamamahagi ng suporta sa mga magsasaka. “Pinakabatayang inisyal na reporma ang pagresolba sa mga pundasyon ng kawalan ng pagkakapantay-pantay sa kanayunan sa pamamagitan, sa pangunahin, ng tunay na repormang agraryo na magpapamahagi sa mga lupaing agrikultural sa mga magsasakang nagbubungal nito nang libre at walang karagdagang obligasyon,” ayon sa NAPC.

Pero hindi umano ito sapat. Ayon dito, kailangang buwagin din ang mga monopolyo sa iba pang assets tulad ng tubig, binhi, pautang, akses sa palengke, at iba pa. “Kailangang masiguro na magbebenepisyo ang mahihirap na nagsasakang mayorya sa susunod na mga programang suporta at masigurong pantay na napaghahatian ng pinakamalaking bilang ang tumataas na kita sa kanayunan,” ayon pa rito.

Kailangang mailibre din sa mga magsasaka at kooperatiba ang irigasyon. Samantala, dapat umanong tiyaking abot-kaya sa kanila ang mga kasangkapang pansaka, at gayundin ang interes sa mga pautang. Dapat din may akses sila sa pananaliksik ng gobyerno at iba pang kaalaman hinggil sa organikong pagsasaka. Dapat umano may akses din ang mga magsasaka sa abot-kayang transportasyon ng kanilang mga produkto, gayundi’y sa imbakan at pagpoproseso ng produkto tulad ng gilingan ng palay.

Samantala, bahagi ng pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa ang pagtigil sa pagkukumbert o pagpapalit ng gamit ng mga lupain mula sa agrikultural tungo sa industriyal o komersiyal – tulad ng ginagawa ng mga agrokorporasyon at gayundin ng mga real estate developer tulad ng mga Villar.

“Dapat itigil yung reclassification and conversion lalong lalo na yung ating productive, irrigated rice lands,” sabi ni Rafael “Ka Paeng” Mariano, dating kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR) at chairman emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP, sa naunang press conference ng Kosyumer para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI) at People’s Alliance for True Agrarian Reform (Patria).

Proteksiyon

Sa paglulunsad ng kampanyang People Economics, binigyan-diin ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, na walang ni isang mayaman o industriyalisadong bansa ang yumaman o nag-industriyalisa nang hindi nagpatupad ng tunay na reporma sa lupa.

Habang ginagawa ito ng mga bansang tulad ng Estados Unidos (US) noong ika-19 siglo, pinoprotektahan nito ang sariling mga magsasaka sa pamamagitan ng pagpataw ng matataas na taripa o buwis sa mga produktong pumapasok mula sa ibang bansa.

Ito umano ang kailangang gawin ng gobyerno sa isang mahirap na bansa tulad ng Pilipinas: protektahan ang sariling agrikultura habang nagpapalakas ito sa pamamagitan ng repormang agraryo.

“Parang si Manny Pacquiao iyan. Bago sumabak sa laban si Manny, ilang taon muna ang binuhos niya para makapag-compete siya. (Pero) ang ginagawa ng gobyerno ngayon, magbibigay ng suporta sa fifth round na (ng boksing). Huli na ’yun, tapos napakaliit pa ang binibigay na badyet para roon,” sabi pa ni Africa, sa press conference ng SUKI at Patria.

Ginagawa mismo ito ng mga bansang pinagkukunan natin ng karagdagang suplay ng bigas ngayon.

“Kailangang protektahan natin (ang lokal na agrikultura) mula sa murang (imported na bigas). Lalo na kung ang ini-import natin ay galing sa (may) subsidyo na mga bansa (sa agrikultura). Kaya mura ang  bigas sa Thailand at Vietnam, kasi malaki ang binibigay na subsidyo ng mga bansa nila sa mga magsasaka nila,” paliwanag pa ni Africa.

Talagang may magagawa, aniya. Marami na umano ang natipong mga panukala – na produkto ng mga pag-aaral ng Ibon, ng NAPC sa ilalim ni Maza, sa usapang pangkapayapaan. Pero mapapayaman pa ito sa susunod na panahon. Samantala, kailangang palaganapin ang mga panukalang ito, at ipaglaban ng kilusan ng mga mamamayan na naghahangad ng tunay na pagbabago at kaunlaran para sa karamihan. 

May ulat ni Peter Joseph Dytioco

Featured image: Mula sa #MayMagagawa campaign ng Ibon Foundation para sa pagpapalaganap ng #PeopleEconomics | Gawa ni Kaye Golez