Mensahe ng Pakikiisa sa Ika-dalawang Kongreso ng Migrante Europe

0
197

Mainit na pagbati at lubos na pagpupugay sa mga kababayan at mga kasama sa Migrante Europe sa inyong ika-dalawang kongreso. 
Mahalagang tagumpay ang makamit ang kasalukuyang pang-organisasyong latag at lakas ng Migrante Europe, ang patuloy na magsilbing malakas na tinig at matibay na pagkakaisa para sa interes at kagalingan migranteng Pilipino. 

Gayundin ang halaga ng mga tagumpay na nakamit ng Migrante Europe sa loob ng nakaraang 2 na taon dahil dito natin marapat na ipundar ang tapang at tibay upang lalo pang igiit ang interes at kahingian ng mga migrante at bayan, sa pamamagitan ng paglaban sa lumalalang pambubusabos at atake ng gobyernong Duterte sa mamamayang Pilipino, kapwa sa loob ng Pilipinas at maging sa milyon-milyong mga kababayan natin sa ibayong-dagat na patuloy na nakikibaka para mabuhay sa panahong napakahirap manatiling buhay sa sarili nating bayan. 

Sa gitna ng tumitinding kahirapan at pambubusabos sa mga Pilipino, patuloy na atake sa sahod at karapatan sa paggawa, lumalalang krisis sa presyo ng pagkain bunsod ng pahirap na pagbubuwis na TRAIN, tumitinding karahasan at paglabag sa mga karapatan ng kababaihan, pahirap sa mga magsasaka ng rice tarrification law, bumabangis na diktadurya at atake sa mamamayan at mga kritiko ng gobyernong Duterte, kinakailangan ang higit na pagkakaisa at paglaban. At sa paglabang iyan ng mamamayan, lagi’t laging tinatawag upang manindigan at lumaban ang mga magigiting na mga buhay na bayani ng ating bayan tayong mga Migrante, sa Pilipinas, sa Europe, at sa buong mundo. 

Sulong Migrante, lumaban, makibaka!
Mabuhay ang ika-dalawang kongreso ng Migrante Europe!
Mabuhay ang migranteng lumalaban!
Mabuhay ang pakikibaka ng Migrante at Pamilyang Pilipino!

Shiela Tebia-Bonifacio
Tagapangulo GABRIELA Hong Kong

The post Mensahe ng Pakikiisa sa Ika-dalawang Kongreso ng Migrante Europe appeared first on Migrante Europe.