Araw-araw, may balita hinggil sa pulitiko o mataas na opisyal ng rehimeng Duterte na nagpasailalim sa testing para sa coronavirus disease-2019 (Covid-19). Araw-araw, may balita ng doktor, nars, health worker, o ordinaryong mamamayan, na namamatay – malamang dahil sa Covid-19, pero hindi man lang napasailalim sa test.
Limitado lang ang test kits ng Department of Health (DOH). Noong simula ng “enhanced community lockdown,” sinabi nito na may 2,000 test kits ito. Sa matagal na panahon, Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa ilalim ng DOH lang ang may kontrol at maaaring magsagawa ng testing. Noong nakaraang linggo, nagbukas na sila ng limang subnational laboratories na puwedeng magsagawa ng tests. Hindi natin alam ngayon, pero baka nangalahati na ang test kits na natitira. Laging sinasabi ng DOH na may paparating naman daw na mahigit 100,000 test kits mula sa China, Korea at Brunei. Pero sa ngayon, iyung natitirang test kits lang ng RITM at subnational labs angaasahan.
Di ito naasahan ng health workers na positibo ngayon sa Covid-19. Ilang araw na lang bago sila mamatay saka nakuha nina Dr. Raul Jara sa Philippine Heart Center, Dr. Rose Pulido sa San Juan de Dios Hospital, Dr. Israel Bactol sa Philippine Heart Center, Dr Greg Macasaet sa Manila Doctors Hospital at Dr. Marcelo Jaochico na provincial health officer ng Pampanga ang resulta ng kanilang tests. Daan-daang PUIs, bulnerable at frontliners ang di-makapag-test, self-quarantine na lang.
Pero noong Marso 23, kumalat ang balita hinggil sa VIP testing sa RITM. “Sukang suka” na raw ang isang istap ng RITM dahil inuuna pa ang mga pulitiko. Mayroon pang umulit ng test para sigurado. Kasama sa ipinakita sa listahan sina Sen. Richard Gordon at asawa niyang si Katherine Gordon, Sen. Grace Poe, Sen. Maria Pilar “Pia” Cayetano, Sen. Maria Imelda “Imee” Marcos, Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta, isang Hernandez L. Peralta, at PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa at asawa niyang si Rozanne C. Gamboa.
Nitong Marso 25, nabalita ang pagpunta ni Sen. Koko Pimentel sa Makati Medical Center para samahan ang manganganak na asawa. Person Under Investigation (PUI) si Pimentel, pero malaya siyang pumasok ng ospital. Noong araw ding iyon, nalamang positibo siya sa Covid-19. Noong araw ding iyon, nag-shopping pa siya sa S&R sa Bonifacio Global City.
Nitong Marso 26, nagpaskil ng mensahe ang asawa ni dating Sen. Bongbong Marcos sa social media. Itinanggi niyang may malubhang karamdaman si Bongbong. Nagpakita ng larawan nito sa kama, hawak ang bagong edisyon ng isang diyaryo. Sabi pa ng asawa: nagpa-test sila at ang kanilang buong istap at negatibo sila lahat.
Ito ang mukha ng prebilehiyo sa bansang ito. Ang mga miyembro ng naghaharing uri, maaaring lumabag sa social distancing, maglagay sa panganib sa mga mamamayang nakakahalibilo nila, gamitin ang VIP status para makauna sa testing habang mas marami ang nangangailangan.
Lahat nang ito, pinahihintulutan ng rehimen na siya namang nagpapabaya sa frontliners at mahihirap at nagwawasiwas ng kamay na bakal sa ordinaryong mga mamamayan.