Mahaba-haba na rin ang inabot ng CrazyDon’t Collective, isang grupo ng mga punk na tumitindig para sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan.
Ngayong taon, ipinagdiriwang ng grupo ang kanilang ika-15 taong anibersaryo. Sa temang “15 years of music for social change” inilunsad ng CrazyDon’t Collective ang isang tugtugan noong Pebrero 8 sa isang bar sa Baliuag, Bulacan.
Sa naturang tugtugan, nagtanghal ang mga banda mula sa iba’t ibang panig ng Luzon. Kasama sa mga ito ang Bad Omen, Steady Movin’ Beat, The Exsenadors mula sa Kalakhang Maynila; Bastion of Resistance, Suwail, Jacked Posse, Moss Trooper at A New Red Now mula sa Pampanga; at Sandy Good na nagmula pa ng Batangas. Siyempre, tumugtog din ang mga taga-Bulacan tulad ng Pulikats, Standby at Malolos Death Squadron.
Ilang beses na umalingawngaw sa pagtatanghal ng ilang mga banda ang pagtuligsa sa korupsyon sa gobyerno lalo na sa kasalukuyang administrasyon, pagpuna sa pekeng giyera kontra droga at maging ang panawagan sa pagpapatalsik kay pangulong Duterte.
Sa pagitan ng mga pagtatanghal, itinatalakay ng mga tagapagsalita ng CrazyDon’t Collective ng kahalagahan ng punk bilang sandata laban sa umiiral na mapang-aping sistema ng lipunan.
Kolektibo ng mga punk
Nagsimula ang CrazyDon’t sa Baliuag, Bulacan. Binuo ito ng mga kabataang may hilig sa skateboard at musikang punk. Sa paglao’y na-organisa ang mga miyembro nito sa mga progresibong organisasyon hanggang naging mga lider ang iba sa mga ito. Ang mga elementong ito ang naging pundasyon ng prinsipyo at layunin na tinitindigan magpahanggang ngayon ng CrazyDon’t Collective.
“Sa loob ng 15 taon, nalagpasan na nito ang dalawang rehimen at patuloy na isinasanib ang kolektibo sa kilusang masa na nakikibaka sa kasalukuyang pasistang rehimen,” ani Gian Mariano, isa sa mga tagapagtatag ng CrazyDon’t Collective.
Isa ang naturang grupo sa mga kinikilala sa eksenang punk sa probinsiya na naglulunsad ng mga tugtugan at aktibong lumalahok sa mga pagkilos para sa panlipunang pagbabago. Bukod sa tugtugan, abala din ito sa iba pang porma ng pagpapalaganap ng progresibong ideya tulad ng paggawa ng mga kanta, paglabas ng CrazyDon’t Zine (na nasa ikalimang isyu na), mga talakayan sa kapwa-punk o kabataan at iba pang porma.
“Sa susunod na 15 taon, ang kolektibo ay patuloy na lilikha ng mga progresibong kanta at musika sa pamamagitan ng mga banda sa ilalim ng kolektibo, maglunsad ng mga talakayan at music forum para pataasin ang kamulatan ng mga punk at non-punk music scene attenders lalo na ang mga kabataan, suportahan ang pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang pang ekonomyang kahilingan at kagalingan at para sa pagtataguyod ng kanilang pampulitikang karapatan, at lumahok sa mga pagkilos ng mamamayan,” saad pa ni Mariano.
Kaisa sa kilusang talsik
Nagmula din sa hanay ng CrazyDon’t ang ilang mga banda tulad ng Anti-Suck System, New Fighting Task, Nerves Crayola naging aktibo sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong at iba pang progresibong ideya sa eksenang punk, hindi lang sa Bulacan kundi maging sa ibang panig ng bansa.
Nang tanungin kung ano ang mga plano para sa natitirang panahon ng rehimeng Duterte, ito ang kanilang sagot: “Kasama ang Crazydon’t Collective sa panawagan at pagkilos para patalsikin si Duterte at singilin sa kanyang mga kriminal na pananagutan sa mga mamamayan.”