Ito ang gumagabay na ideolohiya o pilosopiya sa pagpapatakbo ng ekonomiya ng bansa — at ng marami pang bansa — sa loob ng halos apat na dekada. Mula diktadurang Marcos hanggang kay Duterte, niyakap ang sinasabing lohika nito sa halos lahat ng aspekto ng paggogobyerno — mula sa pagtangan (o pagbitiw) sa tungkuling magbigay ng serbisyong panlipunan hanggang sa pangangalaga (o paglabag) sa karapatan ng mga manggagawa at mamamayan. Sa espesyal na artikulong ito ng Pinoy Weekly, sinilip namin ang aktuwal na hitsura ng neoliberalismo sa pamumuno ng rehimeng Duterte.
Atakeng neoliberal sa lakas-paggawa
Pinasimulan ni Marcos ang mga atakeng neoliberal sa kilusang paggawa, pero ang susunod na mga rehimen ang nagligalisa at nagpatibay sa mga atakeng ito.
Simula nang isilang ang neoliberalismo noong huling bahagi ng dekada 1970 hanggang maagang bahagi ng dekada 1980, target na ng mga atake nito ang karapatan ng mga manggagawa — sa nakabubuhay na sahod, sa seguridad sa trabaho, sa pag-uunyon at sa pagwewelga. Isang salik kasi sa neoliberalismo ang pagpapanatiling pleksible (barat ang sahod, walang kaseguruhan sa trabaho, walang karapatang mag-unyon at magwelga) ang lakas-paggawa para maksimum ang kita ng kapitalista.
Sa Pilipinas, kahit sa maagang bahagi ng batas militar ni Ferdinand Marcos, pinasimulan na ng diktador ang neoliberal na mga atake sa kilusang paggawa — ipinagbawal ang mga unyon, namantine ang mababang sahod, at nagsimula ang praktika ng kontraktuwalisasyon o kaswalisasyon.
Pero nilabanan ito ng militanteng kilusang paggawa. Panahon ng batas militar, tumampok ang makasaysayang welga ng mga manggagawa ng La Tondeña noong taong 1975. Sinasabing ito ang bumasag sa katahimikan ng batas militar, at siyang tumulong sa pagtaas ng kamulatan at militansiya ng mga manggagawa para labanan ang diktadura.
Matapos mapatalsik si Marcos, lalong napatibay ang mga polisiyang umaatake sa karapatan ng mga manggagawa. Sa panahon ng kalituhan sa kilusang paggawa, naipasa ng administrasyon ni Corazon Aquino ang Labor Code noong 1989 – na nagpapahirap pa rin sa mga manggagawa hanggang ngayon.
Mula rito, tuluyan nang hinawi ang lahat ng balakid sa pagkamal ng mga kapitalista ng dambuhalang tubo at pagsasamantala sa mga manggagawa. Binawi ang mga nakamit nang tagumpay ng mga manggagawa sa usapin ng sahod, trabaho at karapatan. Pinawi ang pambansang minimum na sahod, at ipinaubaya sa Regional Wage Boards ang pagtatakda ng minimum na sahod ng mga manggagawa. Pinalaganap ang kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, nagpapatuloy ang mga atakeng neoliberal sa kilusang paggawa. Nagsimula ang termino niya sa pagpapangako na wawakasan noya ang kontraktuwalisasyon pero mabilis na binitiwan ni Duterte ang pangakong ito. Mula Department of Labor and Employment (DOLE) Order No. 174 na sa esensiya’y paglelegalisa lang sa ilang praktika ng kontraktuwal na paggawa, hanggang sa Executive Order No. 54 na may parehong esensiya, hanggang sa pag-veto ni Duterte sa Security of Tenure Bill na napahina na nga sa Kongreso bago ito ipinasa — lalong ikinagalit ng mga manggagawa ang di-pagtupad ng rehimen sa pangako nito.
Sumisiklab hanggang ngayon ang iba’t ibang paglaban ng mga manggagawa sa iba’t ibang pabrika. Noong 2018, tumampok ang paglaban ng mga manggagawa ng NutriAsia sa Bulacan, PLDT, Jollibee, Magnolia, mga kompanyang BPO, at marami pang iba. Nagpatuloy ito ngayong taon, sa pagsiklab ng mga welga sa NutriAsia sa Laguna, Pepmaco, Regent Foods, at iba pa.
Dagdag sa pagsiklab ng mga welga para igiit ang kanilang mga karapatan sa regularisasyon, dagdag-sahod at benepisyo, iginigiit ng Kilusang Mayo Uno (ang sentro ng militanteng unyonismo sa bansa) na bahagi ng makasaysayang paglaban sa neoliberalismo ang paglaban ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor para sa pambansang minimum na sahod. Priscilla Pamintuan
Liberalisasyon sa agrikultura, nakamamatay
Pilipinas na ngayon ang numero unong importer ng bigas sa mundo kahit pa napakalawak ng mga lupaing agrikultural natin. Dahil ito sa Rice Liberalization Law ni Duterte.
Pauwi na sana noong gabi ng Oktubre 31, bisperas ng Undas, si Imelda Talay, 53, sa kanilang bayan sa Rizal, Cagayan.
Kasama niya ang 44 na iba pa, kalakha’y magsasaka, na dumayo sa Apayao upang tumanggap ng binhi ng bigas at mais bilang ayuda ng Department of Agriculture (DA) sa mga naapektuhan ng Rice Liberalization Law at ng nagdaang mga bagyo. Pero habang inaakyat ng kanilang sinasakyang trak ang daan sa bayan ng Conner, Apayao, nawalan ng kontrol ang drayber sa minamanehong sasakyan at nahulog ito sa bangin.
Isa si Imelda sa 19 na namatay sa nasabing aksidente habang sugatan naman ang 22 iba pang lulan ng naturang sasakyan.
Kamatayan ang sinapit, imbes na ikabubuhay, ng abang mga magsasakang kumuha ng mga binhi sa Apayao. Aksidente man sila nasawi, maituturing ito na isa sa mga pinakaunang kaso ng mga namatay bunsod ng buong-layang pagliliberalisa (o pagbubukas ng merkado ng Pilipinas sa dayuhang mga bansa) ng bigas mula nang ipatupad ito mula Pebrero ngayong taon.
Anim na buwan pa lang mula nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11203 o Rice Liberalization Law, matindi na ang epekto sa mga stakeholder sa industriya ng bigas – trader, kawani ng gobyerno sa ilalim ng Department of Agriculture, manggagawa sa rice mill, magsasaka at manggagawang bukid sa mga palayan at maralitang mga konsyumer.
Pinakadumadaing ang maralitang mga magsasaka at manggagawang bukid. Pakiramdam nila, unti-unti silang pinapatay ng batas na ito. Sa pagsisiyasat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tinatayang aabot ng 2.7 milyong pamilyang magsasaka ang maaapektuhan ng ipinatupad na RLL.
Tinanggal sa ilalim ng RA 11203 ang quantitative restrictions (QR) o ang pagtanggal sa mga buwis o taripa na naglilimita sa pagpasok ng imported na bigas sa bansa.
Ipinapataw ang 35 porsiyento na tariff o buwis sa pag-import sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) na nag-aangkat ng bigas papasok sa Pilipinas. Sa kalaunan, ayon sa dikta ng World Trade Organization, batay sa Agreement on Agriculture, tatanggalin ang anumang resktriksiyon, kasama ang taripa, upang ipatupad ang “malayang kalakalan” at walang limit na pagpasok ng mga imported na produkto sa bansa.
Sina Sen. Cynthia Villar at dating House Speaker Gloria Macapagal- Arroyo ang mga may akda ng naturang batas bago pirmahan ni Duterte noong Pebrero 14.
Ani Danilo “Ka Daning” Ramos, tagapangulo ng KMP, lalong binarat ng malalaking traders ang presyo ng palay sa baryo na aabot lang sa P10 hanggang P12 kada kilo ang average na presyo. “Kahit sa Gitnang Luzon na rice producing region, mas mababa pa o halos P6 hanggang P7 na lang kada kilo ng palay. Sobra na ang pagkalugi (ng mga) magsasaka,” ani Ramos.
Ayon pa sa KMP, matagal nang panawagan ng mga magsasaka ang pagtaas ng presyo ng palay tungo sa P20 kada kilo. Dahil sa RTL, imbes na tumaas ang presyo, kabaligtaran pa ang nangyari. Maging ang P17 kada kilo na alok ng National Food Authority (NFA) ay mawawala na rin. Anila, pagkalugi ang nag-aantay sa mga magsasaka.
Umaaray din maging ang maliliit na trader sa pagbaha ng mga imported na bigas sa merkado. “Di tulad noon, napakahirap magbenta ng palay sa mga rice mill dahil unang-una, wala silang market, umaapaw ang imported na bigas sa market,” ani Elvis Orita, dating OFW na naging maliit na trader ng palay sa Guimba, Nueva Ecija.
Dagdag pa ni Orita, para umano mailabas ang kanyang puhunan, na inutang pa sa bangko, kinakailangan niyang maibenta sa P1,900 ang kada kaban na bigas. Pero mas pinipili pa aniya ng mga konsyumer ang imported na bigas na mas mura sa halagang P1,200 kada kaban.
‘Di rin ligtas ang mga maralitang konsiyumer sa mga epekto ng liberalisasyon ng bigas. Matagal nang hindi abot-kaya ang presyo ng bigas sa merkado at posible pang tumaas dahil sa importasyon.
Ayon sa KMP, kapag tuluyang nawasak ang lokal na produksiyon ng bigas, hindi na bababa sa P45 hanggang P70 kada kilo áng komersiyal na bigas na itinatakdang presyo ng diumano’y kartel ng bigas ngayon. Higit pa, lalo magpapahirap ang pag-alis sa merkado ng P27 kada kilo na NFA rice na epekto ng liberalisasyon ng bigas.
Pinapangambahan ng grupo na mamamasukan na lang sa odd jobs ang mga mawawalan ng kabuhayan sa palayan at milyun-milyon ang daragdag sa bilang ng unemployed sa bansa. Mas malala pa, ayon sa grupo, maaari diumanong umigting ang social unrest at maganap ang mga food riots at aklasang panlipunan.
Matagal nang nilalabanan ng KMP ang kasunduan sa WTO-Agreement on Agriculture.
Ayon sa grupo, mariin diumano ang pagtutol ng mga magsasakang Pilipino at mamamayan bago pumasok ang Pilipinas sa nasabing kasunduan dahil ibubunga nito ang pagbaha ng imported na bigas at iba pang agrikultural na produkto sa merkado. Nagresulta ito ng pagbagsak ng presyo ng mga lokal na produktong agrikultural, pagkalugi ng mga magsasaka at paglubog sa utang at sa kalauna’y pagkatanggal ng mga magsasaka sa mga sakahan.
Sinamantala ang ganitong sitwasyon ng real-estate developers para sa land-use conversion o pagpapalit-gamit ng produktibong mga sakahan tungo sa mga subdibisyon, mall at iba pang komersiyal na gamit.
Ayon sa KMP, libu-libong ektarya ng palayan ang nawala noong 1990 hanggang 2017. Ilan sa halimbawa: 24,000 ektarya sa Timog Katalugan, 25,000 ektarya sa Davao Region at 7,000 ektarya sa Gitnang Luzon, kilalang rice granary ng bansa. Gayundin, papalaki ang bolyum ng imported na bigas na may average na pumalo ng hanggang 19 porsiyento noong 2010 kumpara sa hindi 0 hanggang 9 porsiyento bago pumasok ang Pilipinas sa WTO-Agreement on Agriculture noong 1995 sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Iniresulta din nito ang pagtaas ng presyo ng bigas na umabot ng 200 porsiyento noong 2017 mula 1990.
Para kay Rafael “Ka Paeng” Mariano, chairman emeritus ng KMP, walang ibang paraan upang makaalpas ang mga magsasaka sa epekto ng Rice Liberalization Law kundi ang pagsuspinde ng mismong batas at sa kalauna’y pagbabasura nito.
“Kung magpapatuloy ang sitwasyong mababa ang presyo ng palay, nalalapit ang isang papalalang krisis sa pagkain at ekonomiya,” ani Mariano.
Isinusulong din sa pangmatagalan ng KMP, sa pakikipagtulungan sa blokeng Makabayan, ang House Bill 477 o Rice Industry Development Act (RIDA). Inihain sa Kamara ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, layunin ng panukalang batas ang pagpapaunlad sa pambansa at lokal na industriya ng bigas. Para matiyak ito, ipinapanukala ang pagsuporta at pagprotekta sa mga magsasaka at iba pang stakeholder sa industriya ng bigas.
Habang sinasalungat ng naturang panukalang batas ang RA 11203, sumusuhay naman ito sa HB 239 o Genuine Agrarian Reform Bill (GARB), nauna nang isinulong ng Anakpawis Party-list sa Kamara, na nagtutulak naman ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, proteksiyon ng kanilang karapatan sa lupa, at pagkamit ng food self-sufficiency at self-reliance ng bansa. Peter Joseph Dytioco
Build, Build, Build para sa dayuhan
Ambisyoso ang planong pang-imprastraktura ng rehimeng Duterte. Pero hindi ito ginagawa pangunahin para sa mga mamamayang Pilipino.
Sa pagsisimula pa lang ng termino ni Pangulong Duterte noong Hulyo 2016, sinabi na niyang hindi siya makikialam sa programang pang-ekonomiya ng kanyang administrasyon. Ipapaubaya na lang daw niya sa economic managers niya. Pero marami siyang gustong gawin. Marami siyang gustong ipagawa.
Ang aktitud na ito — ang pag-iwas sa pagtakda ng pang-ekonomiyang polisiya pero may kagustuhang mag-iwan ng “legacy” ng pagpapatayo ng mga proyektong pang-imprastraktura ala Marcos — ang nagbigay-puwang sa datihan nang mga neoliberal na mga ekonomista at burukrata na buuin ang planong “Build, Build, Build”. At ang presidenteng umaming wala siyang alam o interes sa ekonomiks, ginawan ng mga burukratang ito ng polisiya sa ekonomiya: ang “Dutertenomics.” Gaya-gaya ito sa mga lider ng ibang mga bansa na nagbuo ng sariling polisiyang pang-ekonomiya at pinangalanan mula sa kanila (halimbawa, Thaksinomics mula kay Thaksin Shinawatra ng Thailand noong 2001-2016, o Abenomics ni Shinzo Abe ng Japan noong 2013 hanggang ngayon).
Pinakasentro ng “Dutertenomics” ang pagtatayo ng malalaki at ambisyosong mga imprastraktura para makalikha ng trabaho, habang natutugunan ang demand ng dayuhang mga mamumuhunan para rito. Sa kongkreto, bahagi ng Build, Build, Build ang pagtatayo ng international airports (katulad ng Aerotropolis sa Bulacan), haywey, mga sistema ng tren (subway sa Maynila, tren sa kahabaan ng Mindanao), business o commercial complexes na katulad ng New Clark City, pagtatayo ng malalaking dam (katulad ng Kaliwa Dam) at marami pang iba.
Malaki ang problema ng Build, Build, Build sa usapin pa lang ng pondo. Malinaw na walang P8.4-Trilyon ang rehimen para pondohan ang mga proyekto nito. Kung kaya, naghanap ito ng mga kasosyong dayuhang mamumuhunan. Marami sa mga proyekto ng rehimen, katulad ng Kaliwa Dam, gobyerno ng China ang kasosyo.
Pangalawa, marami sa mga proyektong pang-imprastraktura nito’y walang sapat na konsultasyon sa mga apektadong komunidad. Hindi lang iyun, lantarang binabalewala nito ang naturang mga komunidad. Katulad nito ang dislokasyon ng mga katutubong Dumagat sa Quezon dahil sa Kaliwa Dam, mga Ita dahil sa New Clark City sa Pampanga, mga residente ng Maynila sa pagpapatayo ng NLex-SLex connector, at marami pang iba. Pati ang mga residente ng Bulakan, Bulacan, apektado sa Aerotropolis — mga mangingisdang mawawalan ng lugar-pangisda, at mismong mga komunidad na maaaring bahain dahil sa reklamasyon.
Nakatono ang Build, Build, Build sa buong proyektong neoliberal ng US at iba pang imperyalistang bansa. Sa neoliberal na pamamalakad ng ekonomiya ng mundo, ang mahihirap na mga bansang katulad ng Pilipinas ay may partikular na silbi sa buong “global value chain”: Pagkukunan ng hilaw na materyales (tulad ng mga minimina), murang lakas-paggawa, at bilang tambakan at tagabili ng surplus na mga produkto ng imperyalistang mga bansa.
Sa madaling salita, hindi itinatayo ang mga proyektong pang-imprastraktura ni Duterte para matugunan ang partikular na mga pangangailangan ng mga mamamayang Pilipino (kung ganito kasi ang kaso, sana inuna na niya, halimbawa, ang pagsasaayos ng sistema ng pampublikong transport sa bansa), kundi para sa dayuhang interes. Priscilla Pamintuan
Perwisyo sa pagsasapribado
Ipinagpapatuloy lang ni Duterte ang matagal nang polisiya ng gobyerno na pagpapasa sa malalaking pribadong negosyo ng dapat na tungkulin nitong magbigay serbisyong pangkalusugan at edukasyon.
Mariing tinutulak sa ilalim ng neoliberalismo ang daan tungo sa pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan. Mahalagang bahagi nito ang tuluyang pagtalikod ng Estado sa tungkulin nitong tiyakin na tinatamasa ng mga mamamayan ang kanilang batayang karapatan sa mga serbisyong gaya ng edukasyon at kalusugan.
Taong 1989 nang simulang ipatupad sa bansa sa ilalim ng termino ni Pang. Cory Aquino ang unti-unting pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan sa bansa alinsunod sa mga patakarang pinataw ng International Monetary Fund (IMF) at World Bank. Sa ilalim nito, tuluyang binawasan ang pagpondo ng gobyerno sa sektor ng pampublikong edukasyon at kalusugan at tinutulak ang mga institusyon nito para lumikom ng sariling pondo gamit ang iba’t ibang pamamaraan.
Malinaw sa balangkas ng mga patakarang neoliberal ang pagtulak sa mga pampublikong paaralan at unibersidad para “magsarili” at kung gayo’y pagturing sa edukasyon bilang isang sektor na maaaring pagkakitaan.
Dahil dito, sa ilalim ng mga pinapatupad na patakarang pang-edukasyon ng bawat nagdaang pangulo, patuloy na kinakaltasan ang inilalaang badyet samantalang tinutulak ang mga ito para kumita sa sarili nitong mga pamamaraan.
Layunin ng Higher Education Modernization Act (HEMA) ni dating Pang. Fidel Ramos ang pagkaltas sa badyet ng state universities and colleges (SUCs) sa pamamagitan ng pagtataas ng matrikula at kaliwa’t kanang pagsingil ng iba’t ibang klase ng bayarin sa unibersidad. Samantala, halos ganito rin ang nilalaman ng Philippine Agenda on Education Reform (PAER) ni dating Pang. Joseph Estrada maging ang Long Term Higher Education Development Plan (LTHEDP) ni Gloria Macapagal-Arroyo na nagsasabing hindi na “episyente” ang pagpopondo sa libreng edukasyon sa kolehiyo kung kaya’t kailangan na nitong pasukin ang pakikipagkasundo sa mga pribadong entidad. Ang pribatisasyong ito ang siya ring binigyang diin ni dating Pang. Benigno Aquino III. sa kaniyang programa sa edukasyon.
Ganito rin ang kinakaharap ng sektor ng kalusugan na patuloy na binebenta o nilalako sa mamamayan sa ilalim ng polisiya ng pribatisasyon ng IMF-World Bank.
Ayon sa Ibon Foundation, tinatayang walo sa bawat 10 Pilipino ang lugmok sa kahirapan. Ang bilang na ito ng pinakamahirap na mamamayan ang siyang pumapasan ng krisis ng pribatisadong serbisyong pangkalusugan. Nakatakda pang lumubha ang kalagayang ito sa gitna ng halos P10 Bilyong nakaambang budget cut sa sektor ng kalusugan para sa taong 2020. Sa katunayan, mahigit 70 pampublikong ospital sa bansa ang nakatakdang isapribado ng gobyerno.
Tiyak na magreresulta ang napakalaking kaltas sa badyet sa ibayong pribatisasyon ng mga pampublikong ospital, malawakang tanggalan ng mga pampublikong doktor, nars at staff, labis na kapabayaan sa mga gusali’t pasilidad ng ospital at pagpataw ng matataas na mga singilin sa mga naghihikahos na mga pasyente.
Sa gitna ng pananalasa ng pribatisasyon at mga patakaran ng neoliberalismo, binigyang diin ni Rosario Guzman ng Ibon ang kinakaharap na hamon ng mamamayan. Ani Guzman, “Hindi na mapagkakaila ang marahas na epekto ng kasalukuyan at mga nagdaang neoliberal na patakaran. Mulat na ang mahihirap. Para sa kanila, matagal nang naaagnas ang neoliberalismo. Hindi na ito maaari pang buhayin o ireporma. Kailangan itong wakasan.” Silay Lumbera
Kuryente’t tubig sa pribadong kamay
Sa neoliberal na polisiya ng pagsasapribado sa mga serbisyo sa tubig at kuryente, lalong naging mahal ang singil dito, at sumasahol pa ang serbisyo.
Buwan ang binilang ng daan-daang pamilya sa Metro Manila bago muling natamasa ang pagkakaroon ng hindi paputul-putol na suplay ng tubig – na isang karapatang pantao. Krisis sa tubig na rin ang naging nakapanlulumong liwanag sa dilim noong humahagupit ang mga bagyo: sa dami ng tubig-baha, siguro naman dumami na tubig sa pinagkukuhanang dam.
Nitong Oktubre, naputol muli nang bahagya ang suplay sa mga kabahayan. Asahan raw na magkakaroon muli ng krisis sa suplay sa darating na tag-init, ayon kay Ferdinand M. dela Cruz, dating president ng Manila Water Co. Upang matugunan ito, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), kailangan maipatayo ang Kaliwa Dam.
Pero hindi ba’t ipinangako ng water concessionaires tulad ng Manila Water at Maynilad ang pagiging episyente ng pagbibigay-serbisyo sa tubig noong makuha nito – bilang pribadong mga kompanya – ang prangkisa mula sa gobyerno na magsuplay ng tubig sa Kamaynilaan?
Samantala, Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa serbisyo ng tubig sa buong Timog Silangang Asya.
Ipinapakita ng sitwasyon ngayon sa tubig –at sa kuryente – na sumahol lang ang serbisyo sa dalawang utilities na ito matapos mapasakamay ng malalaking pribadong kompanya ang pagseserbisyo nito.
Sa kasalukuyang “krisis” kuno sa tubig sa Kamaynilaan, tantiya ng maraming eksperto na artipisyal lang ang kakulangan ng suplay. Ibig sabihin, sinadya ng water concessionaires at MWSS na kulang ang suplay ng tubig para bigyan-katwiran ang isa sa pinakamalaking proyektong pang-imprastraktura ng rehimeng Duterte – ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam sa Quezon.
May karagdagang biktima rin ang “artipisyal na krisis” na ito: ang mga katutubong Dumagat, na malulubog ang komunidad kung magpapatuloy ang pagpapatayo ng naturang dam.
May sinasabing krisis sa tubig din noong dekada 1990. Ang inihaing solusyon ng World Bank at International Monetary Fund, isapribado ang “di-episyenteng” serbisyo ng tubig sa Kamaynilaan na hawak ng MWSS. Naging totoo ito noong 1997.
Nakuha ng Manila Water at Maynilad ang mga prangkisa, at nangako ng kung anu-ano: episyenteng serbisyo, di mawawalan ng tubig, murang bayad. Pero sa suri ng maraming eksperto, hindi natupad ang pangako ng pribatisasyon, ayon kina Eduardo Tadem at Teresa S. Encarnacion Tadem, mga properso sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa kanilang artikulo sa Philippine Daily Inquirer, nilista nila ang mga problemang idinulot ng pribatisasyon, kasama na ang hindi maaasahang suplay at patuloy na pagtaas ng presyo.
Ganito rin ang hinaing ng ilang grupo na nagpapatawag sa pag-usisa ng mga probisyon ukol naman sa pagkonsumo ng kuryente. Ito ay matapos magdeklara ng naaambang pagtaas ng presyo ang Manila Electric Corp. (Meralco) ngayong Nobyembre.
Naisapribado naman ang Meralco matapos maipasa ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o ang Epira Law. Tulad ng sa tubig, kung anu-ano rin ang ipinangako ng pribatisadong Meralco (nabili noon ng pamilyang Lopez): mas episyenteng serbisyo, murang singil, at iba pa.
Pero tumaas lang nang tumaas ang singil sa kuryente. Nakita rin kung papaano ipinapasa sa mga konsiyumer ang bawat gastos ng Meralco. Mayroong automatic pass through charges sa kuryente o pagpasa ng power producer at distributor sa mga konsiyumer ng dagdag bayarin sa tuwing tumataas ang presyo ng fuel at coal sa world market.
Ang malinaw, mula sa mapait na karanasan ng mga mamamayan sa Maynila: kung nasa kamay ng malalaking pribadong interes ang isang batayang serbisyo tulad ng tubig at kuryente, pagkakamal ng pinakamaksimum na kita ang aatupagin ng naturang mga kompanya, at hindi pagbibigay ng mura at episyenteng serbisyo sa mga mamamayan. Jobelle Adan
Nagpapahirap sa karamihan, nagpapayaman sa iilan
Mula sa panukala ng American Chamber of Commerce, ipinataw ng rehimeng Duterte ang Train Law na nagpapahirap ngayon sa 80 porsiyento ng mga Pilipino.
Sa anumang klase ng pamamahala, at anumang klase ng ekonomiya, mahalaga ang pagbubuwis sa mga mamamayan ng bansa para mapondohan ang mga serbisyong panlipunan na tinutugunan nito sa mga mamamayan. Kaya naman, sa mga bansang may matitibay na mga serbisyong panlipunan, i.e. may libre at de-kalidad na mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at iba pa, kadalasang mataas din ang ibinubuwis sa mga mamamayan.
Pero sa mga buwis sa bansang katulad ng Pilipinas, hindi pantay ang pagbubuwis sa mahihirap at mayayaman. At ang malaking bahagi ng buwis, hindi sa serbisyong panlipunan napupunta ang pondo.
Halimbawa na nito ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law ng rehimeng Duterte.
Mabilisang ipinasa ito ng Kongreso na dominado ng mga alyado ni Pangulong Duterte noong Disyembre 2017. Layon ng naturang batas na “mareporma” raw ang pagbubuwis ng gobyerno sa mga kinokonsumo ng mga Pilipino. Kasama sa pakete ng mga “reporma” ang ilang pagbabago sa kinokolektang buwis sa income, gayundin sa estate tax, donor’s tax, value-added tax (VAT), documentary stamp tax (DST), at bagong excise tax sa mga produktong petrolyo, mineral, sasakyan, mga inuming matatamis, produktong kosmetiko at tabako.
Idineklara ng Train Law ang exemption o hindi pagbubuwis sa mga sumasahod ng P250,000 pababa kada taon o P20,833 kada buwan.
Binibigyan-diin ng mga kritiko ng Train Law, na pinakamahihirap na mga Pilipino ang pinakang-tatamaan ng pagbubuwis na ito. Apektado ang presyo ng batayang mga bilihin na umaabot sa 60 porsiyento ng pamilyang Pilipino, o 13.7 milyong kabahayan o households. Suma total, 60 milyong Pilipino ang mas bumaba ang kakayahang bumili ng batayang mga bilihin dahil sa Train Law.
Ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, kinuha ng Train ang P737 taun-taun mula sa bulsa ng pinakamahihirap na 2.3 milyong pamilya na may average na income na P5,214 pababa noong 2018. Mas malaki naman ang kinukuha sa may buwanang kita na P5,215 hanggang P8,315 (P980 sa isang taon). P1,163 naman ang kinukuha mula sa bulsa ng susunod na 2.3 milyong pamilya na may P8,316 hanggang 10,691 sa isang buwan.
Dahil ito sa pagtaas ng presyo ng mga pagkain, inumin, liquefied petroleum gas (LPG), pamasahe, kuryente, pabahay at iba pang batayang produkto at serbisyo.
Sa kabilang banda, ang 40 porsiyento ng pinakamatataas na kumikitang household sa Pilipinas ay mababawasan ang buwis na binabayaran. Dahil ito sa mas mababang income taxes na binabayaran nila – kahit pa may karagdagang gastos sila sa VAT, excise tax at iba pang batayang bilihin. Halimbawa, 2.3 milyong pamilyang may pinakamalaking kita (P111,380 kada buwan pataas), nagkakaroon ng karagdagang P43,540 kada buwan.
Ibig sabihin, sa ilalim ng Train Law, lalong maghihirap ang pinakamahihirap nang mayorya sa mga Pilipino, samantalang lalong yumayaman ang dati nang mayayaman.
Ayon sa Canadian na awtor at mamamahayag na si Naomi Klein, sa kanyang librong This Changes Everything: Capitalism vs the Climate (2015), tatlo ang batayang haligi ng neoliberalismo sa ekonomiya: pagsasapribado ng pampublikong mga serbisyo, deregulasyon (o kawalang-kontrol ng gobyerno) sa mga korporasyon, at pagtanggal ng income at corporate taxes na dating nagpopondo sa mga serbisyong panlipunan.
Bahagi ng ikatlong haligi ang Train Law. Priscilla Pamintuan
Neoliberal na alipin sa ibang bansa
Di deklarado ang Labor Export Policy o polisiyang pagtutulak sa mga Pilipino na mangibang bansa. Pero dahil sa kawalang kaunlaran sa bansa, nagpapatuloy ang polisiyang ito.
Sa patuloy ang paglabas sa bansa ng lakas-paggawa ng mga Pilipino, para lang magkaroon ng mas maalwan na buhay ang milyun-milyong Pilipino. Ayon sa tala ng Migrante International, progresibong grupo na nagsasaliksik at tumutulong sa mga overseas Filipino workers (OFW), walo sa sampung pamilyang Pilipino ay may kaanak na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Di-bababa sa 10 milyong Pilipino, o halos isa sa bawat 10, ang nasa ibang bansa.
Sa kasaysayan, may tradisyon na ang mga Pilipino sa paglabas ng bansa, pangunahin upang kumita. Isa na ang sikat na manunulat na si Carlos Bulosan na nagtrabaho sa California, USA, at naging aktibo sa pag-oorganisa ng mga migranteng manggagawa. Tanyag ang kanyang akdang America is in the Heart, na personal nyang tinalakay ang karanasan ng migrasyon at paggawa sa isang Asyano-Amerikanong perspektiba.
Pero dekada 1970, panahon ng batas militar ni Ferdinand Marcos, binenta ng diktadura ang migrasyon ng paggawa bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis sa Gitnang Silangan. Panahong ito, kinokontrata ang mga Pilipino para magtrabaho roon, kaya tinawag silang overseas contract workers. Nakita ni Marcos ang oportunidad ng pag-eksport ng lakas-paggawa sa gitna ng mahinang ekonomiya.
Para mapabilis ang pag-eksport ng lakas-paggawa, nagparaya ang diktadura (at ang sumunod na mga rehimen) sa pribadong placement agencies. Binibigyan ng gobyerno ng lisensiya ang mga ahensiyang ito. Pero hindi naman ito naghihigpit kahit sa walang lisensiya o ilegal na mga rekruter at placement agency. Para padaliin ang pag-eksport sa lakas-paggawa, itinatag ng gobyerno ang sa kalauna’y tatawaging Philippines Overseas Employment Administration (POEA) para direktang magdeploy ng mga empleyado sa dayuhang mga employer.
Kahit matapos mapatalsik ang diktadurang Marcos, lalong tumindi ang labor export policy. Katunayan, inasahan ng sumunod na mga rehimen (Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo at Noynoy Aquino) ang remitans ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa para mabuhay ang lokal na ekonomiya ng Pilipinas.
Pero pana-panahon, nabibigyan ng pokus sa madla ang polisiyang ito. Noong 1995, ginulantang ang Pilipinas sa balitang di-makatarungang pagbitay kay Flor Contemplacion. Nasiwalat sa panahong ito ang abang kalagayan ng mga Pilipino sa ibang bansa na bulnerable sa abuso.
Polisiya ba ang pangingi-bang bansa? Hindi ba ito sadyang kagustuhan lamang ng indibiduwal na kumita ng mas malaking halaga kumpara sa kinikita sa Pilipinas?
Malaki ang pakinabang ng gobyerno sa OFWs. Pangalawa (minsan naauna pa) ang remitans ng mga OFW sa pinakamalaking bahagi ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. Madalas umaabot pa ng 10 porsiyento ng GDP ang mula sa remitans. Nitong taon lang, nagpasok ng US$2.87 Bilyon ang mga OFW, ayon sa Banko Sentral ng Pilipinas.
Pero sa hirap ng tinagurian ng gobyerno na mga “bagong bayani,” hindi pa rin nito lubusang mabigyan ng proteksiyon ang mga OFW. Nakita ito sa maraming kaso, kabilang ang kay Mary Jane Veloso, na nasa death row sa Indonesia, at Mary Jeane Alberto, na misteryosong namatay kamakailan lang sa United Arab Emirates. Darius Galang