Niyurakan, pinagtaksilan

0
250

Malaon nang larangan ng tunggalian ang West Philippine Sea (WPS) para sa Pilipinas at China—kapwa mga bansang may nakatayang malaking interes sa pinaglalabanang teritoryo.

Hamon ng pagtindig at pagtatanggol sa teritoryong dagat at eksklusibong sonang pang-ekonomiya (EEZ o exclusive economic zone) ang nakataya para sa Pilipinas. Samantala para sa China, nakataya naman ang pag-angkin at pagmamay-ari sa isa sa mga pinaka-estratehikong daanan ng pandaigdigang kalakalang dagat (global maritime trade), gayundin ang pagsasamantala sa labis labis na likas-yamang matatagpuan sa WPS.

Pinakahuli ang nangyaring insidente sa Recto Bank noong Hunyo sa halos isang dekadang girian sa pagitan ng Pilipinas at China para sa pagmamay-ari ng WPS, teritoryong tinuturing na isa sa pinaka-estratehiko at pinakamayamang karagatan sa buong mundo.

Gayunpaman bago nito, mahaba na ang listahan ng girian na nagsimulang uminit noon pang taong 2011. (Tingnan ang talahanayan)

Pandarambong sa likas-yaman

Sa kabila ng makasaysayang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) noong 2016 na pumabor sa Pilipinas sa pagsabing bahagi ng EEZ nito ang WPS, walang habas pa rin ang paglabag ng China sa karapatang soberanya (sovereign rights) ng bansa sa nasabing teritoryo. Lansakan ang pagsasamantala ng China sa karagatan sa pamamagitan ng mga tinatayong artipisyal na imprastraktura’t pandarambong sa walang kapantay na likas yaman ngWPS.

Sa katunayan, sa pag-aaral ng United States Geological Survey (USGS), mayroong malalaking reserba ng langis at natural gas sa WPS at matatagpuan ang malaking bilang nito sa Recto Bank. Sa tantya ng USGS, aabot ng mahigit 10 bilyong bariles ng langis at 190 trilyong cubic feet ng natural gas ang nasa WPS.

Samantala, sa libro ng geopolitical analyst na si Robert Kaplan, binabanggit nitong maaaring umaabot pa nga hanggang 130 bilyong bariles ng langis ang tantyang bilang na matatagpuan sa WPS.

Pumapangalawa ito kung gayon sa reserbang langis na matatagpuan sa Saudi Arabia at matuturing na “ikalawang Persian Gulf ”. Dagdag pa rito ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, napakalaki ng potensiyal na mawawala sa Pilipinas kung pipiliin nitong manahimik sa pagtatanggol sa karagatang teritoryo nito.

Ani Carpio, pinaglalawayan ng China ang pag-angkin at ang ekplorasyon dito dahil sa malaking potensiyal nito sa methanol (alternatibong biofuel) na kayang patakbuhin ang ekonomiya ng China hanggang sa susunod na 130 taon.

Infographic: Darius Galang

Infographic: Darius Galang

Pagyurak sa kalikasan

Samantala, sa nilabas na pahayag ng mga marine scientist mula sa Unibersidad ng Pilipinas, hinimok nilang ipagtanggol ng mamamayan ang WPS bilang bahagi ng pangangalaga ng karagatan ng bansa at dahil sa halaga nito sa kabuhayan ng mga Pilipino.

Ayon sa mga ito, 40 porsiyento ng EEZ ng bansa ay binubuo ng WPS. Dahil dito, napakalaki ng halaga nito sa usapin ng food security sa panahong lubhang paliit na nang paliit ang industriya ng pangingisda sa bansa.

Tinatayang 1/10 ng kabuuang huli sa buong mundo ay nagmumula sa WPS.

Ayon sa pahayag, “Napakayaman din ng lugar sa mga coral, taklobo (giant clam), seaweed, seagrass, marine animals at microorganisms. Napakalaki ng potensiyal nito bilang mayamang mapagkukunan ng bagong gamot at iba pang bioteknikal na produkto. Napakalalaking kawalan sa mga susunod na henerasyon ang pagkayurak ng mga tirahan at likas yaman na ito.”

Dagdag pa ng grupo, hindi malayong mangyari ang isang malawakang pinsala sa kalikasan kung papahintulutan ang pangangamkam ng China sa WPS.

Paninikluhod

Sa kagustuhang hindi masaling ang damdamin ng China, handang isantabi ni Pangulong Duterte ang makasaysayang desisyon ng PCA na nagpapatibay sa teritoryal na pagmamay-ari ng Pilipinas sa WPS.

Handa itong isakripisyo ang nasabing lugar kapalit ng pagpasok ng pautang ng China na siyang popondo sa programang Build, Build, Build ng rehimen.

Kahit malinaw at lantaran ang hindi patas na katangian ng mga kasundua’t proyekto, handang sang-ayunan ng pangulo. Matatandaang Abril ng nakaraang taon, ito pa mismo ang nag-alok sa 60-40 na hatian ng kita sa pagitan ng Pilipinas at China sa usapin ng joint exploration ng langis sa lugar.

Sinasabing ganito rin ang pagtanggap ng pangulo pagdating sa iba pang mga kasunduan gaya ng pagtatayo ng imprastraktura sa pagitan ng China kung saan lubhang talo ang bansa.

Soberanya, pambansang kalayaan

Sa kabila ng kawalan ng gulugod ng gobyerno para tindigan ang usapin ng WPS, nag-aalab naman ang damdamin ng mamamayan at makabayang mga organisasyon para patuloy na ipagtanggol ang soberanya ng bansa.

Himok ni Kabataan Rep. Sarah Elago, “Kinakailangang magpatuloy ang protesta at ipakita na nariyan at nariyan ang mamamayang nagmamahal at handang tumindig para sa Pilipinas.”