Pag-asa sa Pasko

0
201

Gabi-gabi ngayong Disyembre, maririnig ang pagkalembang ng mga dambana sa simbahang Katoliko ng diyosesis ng San Carlos City, Negros Occidental. Maliban sa panahon ng Kapaskuhan, buwan din ng paggunita sa karapatang pantao.

May dagdag na kahalagahan din ang pagkalembang na ito, dahil sa posibilidad na muling mabuksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng rehimeng Duterte at rebolusyonaryong National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

“Sa paghayag ni Pangulong Duterte ng kagustuhang magbukas muli ng usapang pangkapayapaan sa NDFP, patuloy naming patutunugin ang mga dambana bilang paghihikayat,” ayon kay Obispo Gerardo Alminaza ng San Carlos.

Nitong nakaraang mga buwan, iniaalay ni Obispo Alminaza ang pagkalembang ng dambana para sa paghangad ng hustisya sa mga biktima ng paglabag ng karapatang pantao sa Negros.

“Kalunus-lunos ang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa,” aniya. Sa Negros pa lang, sabi ng obispo, umabot na sa 87 ang pinaslang dahil sa pampulitikang paniniwala nila mula taong 2017. Kasabay nito, may 100 bilanggong pulitikal sa isla, 95 sa kanila’y di-makatarungang hinuli at ikinulong sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.

Bahagi ito ng malawakang panunupil sa mga tagapagtanggol ng karapatan sa buong bansa, kasabay ng pamamaslang sa libu-libong mga mamamayan sa ilalim ng giyera kontra droga ng rehimeng Duterte, aniya.

Naniniwala si Obispo Alminaza na hindi mawawakasan ng panunupil ng Estado ang mga paglaban ng mga mamamayan hangga’t hindi natutugunan ang ugat ng armadong pag-aaklas – at isang hakbang sa pagtugon dito’y pagharap ng rehimeng Duterte sa NDFP sa usapang pangkapayapaan.

May humaharang pa rin

“Huling baraha (ko na ito),” sabi ni Pangulong Duterte noong Disyembre 5.

Pinatutungkulan daw niya ang muling pag-utos kay Labor Sec. at dating punong negosyador pangkapayapaan Silvestre Bello III na tumungo sa Utrecht, The Netherlands para muling kausapin ang NDFP Negotiating Panel kaugnay ng posibilidad na muling mabuksan ang usapan.

Agad namang malugod na tinanggap ng mga kinatawan ng NDFP ang mga pahayag ni Duterte. Sabi ni Jose Maria Sison, punong konsultant pampulitika ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, kailanma’y hindi sila nagsara sa anumang gobyerno ng pakikipag-usap – sa kabila ng tumitinding pasistang atake nito sa rebolusyonaryong mga puwersa ng NDFP at lalo pa sa sibilyang progresibong mga organisasyon.

“Kung gustong makipag-usap ni Duterte at gumawa ng kongkretong mga hakbang ukol dito, kailangang seryosong ikonsidera ng NDFP ang mungkahi niya. Kailangang maging bukas ang NDFP sa ano mang posibilidad para sa kagalingan ng mga mamamayang Pilipino,” sabi ni Sison, sa wikang Ingles, sa panayam ng Kodao Productions.

Ganun din ang sinabi ni Fidel Agcaoili, punong negosyador ng NDFP. Sabi niya, malugod na tinatanggap ng NDFP ang pagpapahayag ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na ipagpatuloy ang negosasyon. “Hinihintay na namin ang pagdating ni Sec. Bello at ang kanyang team,” ani Agcaoili.

Pero hindi pa man nakakatuntong si Bello sa Utrecht para makipag-usap kina Sison at Agcaoili, agad na namang umentra sa usapan si dating Hen. Hermogenes Esperon, national security advisor ni Duterte, noong Disyembre 6.

Sabi ni Esperon na kailangan daw na sa Pilipinas gawin ang usapan. Taliwas ito sa matagal nang kasunduan ng dalawang panig na sa isang niyutral na lugar gawin ang pormal na usapan.

“Hindi katanggap-tanggap ang prekondisyong ito sa NDFP dahil inilalagay nito ang NDFP at ang buong negosasyong pangkapayapaan sa bulsa ng rehimeng Duterte at sa ilalim ng kontrol at paniniktik ng uhaw-sa-dugong militar at pulisya na sangkot sa malawakang pagpatay at iba pang masahol na krimen nang walang pananagutan,” sabi ni Sison sa sumunod na araw, Disyembre 7.

Maaalala, ani Sison, na ang rehimeng Duterte mismo ang pumatay sa negosasyon mula 2017 sa pag-isyu ng Proclamation No. 360 na nagwakas sa negosasyon, at Proclamation No. 374 na nagturing daw sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) na “terorista.” Idagdag pa rito, aniya, ang Executive Order No. 70 na nagmimilitarisa sa gobyernong pasista, at nag-utos ng “whole-of-nation approach” na pag-atake sa progresibong paglaban sa rehimen – armado man o sibilyan.

Gayunman, handa pa rin umano ang NDFP na kausapin si Bello kung matutuloy ito.

Prinsipyadong pakikipag-usap

Nakatuntong umano sa prinsipyadong batayan ang patuloy na pagbubukas ng NDFP sa negosasyon – para matugunan ang ugat ng kahirapan at armadong tunggalian sa bansa.

“Napapanahon para sa GRP at NDFP na ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon kasama ang mga mamamayang Pilipino para malikha ang paborableng sitwasyon para sa negosasyong pangkapayapaan…(Magagawa ito) sa pamamagitan ng goodwill measures tulad ng reciprocal unilateral ceasefires at pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na matanda na ang nagkakasakit sa batayang makatao, lalo na iyung mga kasama sa negosasyong pangkapayapaan,” ani Sison.

Sinabi pa ni Sison na mainam kung gawin ng rehimeng Duterte ang “goodwill measures” na nabanggit para mapalakas ang kumpiyansa ng bawat isa na maipagpatuloy ang usapan.

Palagay niya, posibleng maipagpatuloy ang pormal na usapan para makapag-isyu ng deklarasyon na muling pagtibay sa naunang mga kasunduan na nagawa mula pa noong 1992. Kailangan din umanong malagpasan ang mga polisiya, deklarasyon at iba pang hadlang sa negosasyon mula 2017. Kailangan ding maitakda ang adyenda at iskedyul ng mga negosasyon para matugunan ang mga rekisitong pulitikal, legal at panseguridad, ani Sison.

Tigil-putukan?

Matatandaang nakasalang na para sa pag-apruba ng magkabilang panig ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser) noong 2017 nang agad na pinauwi ni Duterte ang kanyang negotiating team mula sa negosasyon sa The Netherlands.

“Maaaring ipagpatuloy ng negotiating panels ng GRP at NDFP ang mga negosasyon para sa Interim Peace Agreement, na may tatlong bahagi na may kaugnayan sa koordinadong isang-panig na tigil-putukan, pangkalahatang amnestiya at pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal at mga seksiyon ng Caser hinggil sa Repormang Agraryo at Kaunlarang Pangkanayunan at Pambansang Industriyalisasyon at Kaunlarang Pang-ekonomiya,” sabi pa ni Sison.

Naimungkahi na ang pagkakaroon ng Interim Peace Agreement noong 2016 at 2017, na dapat sana’y magpapabilis sa usapan, habang natatalakay pa rin ang mahalagang aspekto ng negosasyon na tutugon sa pangunahing mga problema ng lipunang Pilipino.

Samantala, kahit wala pang pagpapatuloy ng pormal na negosasyon, nag-inisyatiba na ang ilang puwersa ng NDFP na mag-anunsiyo ng tigil-putukan. Sa rehiyong Bicol, inanunsiyo ng Romulo Jallores Command (RJC) ng NPA-Bicol ang isang-panig na tigil-putukan mula Disyembre 6 hanggang 12 para makibahagi sa relief at rescue operations sa mga nasalanta ng bagyong Tisoy sa naturang rehiyon.

“Magsagawa ang lahat ng larangang gerilya, rebolusyonaryong organisasyong masa at mga organo ng mga kapangyarihang pampulitika (ng CPP-NPA) ng kampanya para sa mga naaangkop na serbisyong panlipunan para sa mga binayo ng bagyong Tisoy,” pahayag ni Raymundo Buenfuerza, tagapagsalita ng RJC-NPA.

Sa kabila nito, sinabi ni Buenfuerza na magiging mapagmatyag pa rin umano ang mga gerilya sa anumang pagkilos-militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaaring magsamantala umano sa deklarasyong tigil-putukan ng NPA para umatake.

“(M)arapat na pigilan ng Bagong Hukbong Bayan ang mas mabagsik pa, kesa anumang kalamidad na pananalasa ng militarisasyon sa kanayunan, upang ipagtanggol ang buhay at kabuhayan ng malawak na masang-anakpawis,” ani Buenfuerza. “Tiyak na sasagpangin ng AFP-PNP at Cafgu, sa ilalim ng Joint Task Force Bicolandia ang pagkakataong ito para sa kanilang gyera laban sa pagkakaisa ng mamamayan.”

Magpakita ng sinseridad

Sinabi ni Alminaza na magtatagumpay lang ang negosasyon kung magpapakita ng sinseridad ang magkabilang panig na matugunan ang ugat ng armadong tunggalian.

“Hinihikayat namin ang magkabilang panig na respetuhin ang dati nang nalagdaang kasunduan kabilang ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o Carhrihl, na malayo ang maaabot sa pagtugon at pagpahupa sa mga paglabag sa karapatang pantao at International Humanitarian Law,” sabi pa ng obispo.

Sinusugan din ni Alminaza ang panawagang palayain ang mga bilanggong pulitikal. Partikular na ipinanawagan niya ang pagpapalaya kay Fr. Frank Fernandez, nakakulong na NDFP peace consultant na dating Katolikong pari. Bukod sa may sakit na, protektado rin umano si Fernandez ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o Jasig, at inaresto batay sa “gawa-gawang” mga kaso.

Sinuportahan din ng mga taong-simbahan katulad ni Obispo Alminaza ang pahayag kapwa ng NDFP at rehimeng Duterte kaugnay ng usapan. Sa kagaganap pa lang na 8th Ecumenical Church Leaders’ Summit on Peace ng Philippine Ecumenical Peace Platform (PEPP) sa Silang, Cavite kamakailan, nagpahayag ng komitment na susuportahan ang usapan kung matutuloy ito – at ikakampanya sa mga mamamayan ang adyenda at mga isyu ng negosasyon.

“Nangangako kaming patuloy na gagamitin ang mga rekurso sa pananampalataya at pamumunong moral para lalong palawakin ang gawain ng PEPP sa buong Pilipinas. Hindi kami titigil at wawasakin namin ang mga pader sa pagitan ng mga relihiyon at maglilikha ng mga tulay (sa pagitan nito),” pahayag ng PEPP.

Nilagdaan ang pahayag ng PEPP nina Arsobispo Antonio Ledesma, co-chairperson ng PEPP; The Right Reverend Rex Reyes Jr, co-chairperson; Obispo Noel Pantoja, pambansang pangulo ng Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC); Obispo Diogracias Iniguez Jr., co-chairperson ng Ecumenical Bishop’s Forum (EBF); at Sr. Mary John Mananzan ng Women and Gender Commission ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP).

Gayunman, sa kabila ng di-paglubay ng rehimeng Duterte sa mga atake nito sa mga mamamayan, sinabi ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong pangkarapatang pantao na Karapatan na dapat maging “maingat” sa pagbabato ng mga pahayag katulad nito sa publiko, “lalo pa’t hindi nagtutugma ang mga polisiya (ng rehimen) at reyalidad sa ibaba sa nakakaakit na mga pangako (ni Duterte).”

Pero kinikilala pa rin ni Palabay na kailangang suportahan ang anumang pag-asa ng pagpapatuloy ng usapan. Aniya, tanging sa pagkakaisa at pagkilos ng mga mamamayan magtatagumpay ang usapan o maitutulak ang kinakailangang mga pagbabago sa lipunan.

At bilang simbolo sa pag-asa ng kapayapaang nakabatay sa hustisya, patuloy umanong patutunugin ng simbahan ng San Carlos sa Negros ang dambana tuwing gabi.

Featured image: Mula sa likhang-sining ni Parts Bagani