Pagbabalik sa compressed work week

0
159

Sa isang announcement na ginawa ng Malacanang kamakailan lang, inutos ni Pang. Duterte na pag-aralan ang panukalang “compressed work week.”

Sa totoo lang, ang panukalang batas sa “compressed work week,” na tinataguriang Senate Bill No. 1571 at ini-sponsor ni Sen. Joel Villanueva, ay aprubado na ng Senado.

Kung titingnan natin ang Villanueva bill, binabanggit nito na dapat hindi lumampas sa 48 oras ang pagtatrabaho ng isang manggagawa sa loob ng isang linggo.

Ibig sabihin, maaring ang kanyang trabaho ay tulad pa rin ng nakagawian na 8 oras sa loob ng 6 na araw.

Ngunit maari ding gawin ito ng manedsment na 12 oras sa loob ng 4 na araw.

Di kaya, maari itong gawing 10 oras sa loob ng 4 na araw at kalahati.

Ang mahalaga ay hindi lumalampas sa 48 oras sa loob ng isang linggo.

Sa Mabababang Kapulungan naman ay nakabinbin pa ang kanilang counterpart bill sa bagay na ito.

Matatandaan na noong nakaraang Kongreso ay sinubukan din ng mga Kongresistang tangkaing magkaroon ng “compressed work week sa pamamagitan ng panukalang batas na inihain ni Cong. Mark Go, ngunit ito ay hindi nakapasa.

Ngunit ngayon ay muli na namang sinubukan nilang buhayin ito.

Maraming dahilan kung bakit gusto ng mga mambabatas na approbahan ang “compressed work days.”

Pangunahin dito ay ang matinding traffic papunta sa mga pabrika o opisina ng mga manggagawa.

Mahina ang isang (1) oras na ginugugol ng isang empleyado papunta sa kanyang lugar na pinagtatrabahuhan. Minsan ay umaabot pa ito sa dalawa (2) hanggang apat (4) na oras dahil sa tindi ng trapiko.

Sa pamamagitan ng “compressed work week,” madadagdagan ang araw ng pahinga ng mga manggagawa.

Ito ay makakabawas din sa kanyang gastusin sa pamasahe at sa pagkain.

Gaganda rin ang “quality of working life” ng mga manggagawa dahil sa dagdag na araw ng pahinga dulot ng “compressed work week” na ito.

Sa kabilang dako, marami rin ang nagsasabing ang “compressed work week” na ito ay lumalabag sa makasaysayang “Eight-Hour Work” na bunga ng pakikipaglaban at protesta ng uring manggagawa.

Matatandaan na noong simula pa lang ng Industrial Revolution, halos lahat ng pabrika sa mundo ay 10 hanggang 16 oras ang trabaho.

Nagresulta ito sa matindi at malawakang protesta sa panig ng mga manggawa. Hiniling nilang maging walong (8) oras na lamang ang maximum working time sa isang araw sa lahat ng pabrika.

Maraming kumampi sa mga manggagawa sa labang ito. Isa na rito ang tanyag na Welsh manufacturer na si Robert Owen na nagpauso ng slogang “eight hours labor, eight hours recreation, eight hours rest.”

Ang pinakakilalang protesta para maging walong oras na lamang ang maximum na oras ng trabaho sa isang araw ay naganap sa Haymarket Square sa Chicago noong Mayo 1886.

Sa protestang ito, maraming manggagawa ang namatay at marami rin ang hinuli at sinampaan ng kaso. Dahil dito, minungkahi ng International Workingmen’s Association na gunitain ito tuwing Mayo 1.

Ito ang dahilan kung bakit Mayo 1 ang tinuturing na Labor Day ng maraming bansa, kasama na ang Pilipinas.

Makikita na ang eight-hour working time ay nakakawing sa Mayo Uno at matagal nang bahagi ng ating kasaysayan.

May batayan din sa occupational health and safety ng mga manggagawa ang eight-hour working time.

Ayon sa mga pag-aaral na ginawa sa mga karatig na bansa, ang pagtatrabaho sa pabrika o opisina nang napakatagal o mahigit sa 8 oras ay nagpapataas ng posibilidad, mga 40 hanggang 80%, na magkakaroon ang isang empleyado ng heart disease.

Ito ay sa dahilang ang labis na pagtatrabaho ay nagdudulot ng psychological stress. sa isang manggagawa.

Malinaw na ang panukalang “compressed work week” na ito ay hindi nakakabuti sa kalagayan ng mga manggagawa.

Ngunit sinasabi ng mga pabor sa compressed work week na ang konsepto ng Eight- Hour Work ay luma na at hindi na angkop sa panahon ngayon at kailangan ng baguhin.

Tama ito kung ang sinasabi nilang pagbabago ay upang bawasan ang maximum working hours na binibigay araw-araw sa isang manggagawa at hindi para dagdagan ito.

Sa Sweden, halimbawa, maraming kompanya na ang nagpapatupad ng 6 na oras na lamang na maximum working hours per day sa kanilang manggagawa.

Sa maraming service center ng Toyota sa ibang bansa, 6 na oras na rin ang maximum working time bawat araw ng mga empleyado . Ayon sa mga nasabing kompanya, ito ay nakapagdulot ng mas masaya at kuntentong empleyado at mas mababang turnover rate sa kanila.

Bakit nila ito hindi magawa dito sa ating bansa?

Lumalabas na ang “compressed work week” ay pakana lamang ng mga kapitalista dito sa ating bansa para palakihin ang kanilang tubo mula sa kawawang manggagawa.

Kung naging matagumpay tayo sa ating paglaban dito noong nakaraang Kongreso, walang dahilan para hindi tayo maging matagumpay ngayon.