Pagsasaayos ng lansangan, para kanino?

0
174

Nilinis ng mga bagong halal na alkalde ang kanilang mga nasasakupan sa mga nakaraang linggo. Pinakamatingkad sa mga ito ang ginawa ni Francisco “Isko Moreno” Domogoso, bagong halal na alkalde ng Maynila. Sa tinagal-tagal ng panunungkulan ng mga nauna sa kanya, ngayon lang nakakita ng mabilis na aksiyon sa “pagsasaayos” ng mga lansangan.

Nabulabog nga lang ang ikinabubuhay ng maraming manininda sa kalye, maging ang ilang kilala nang establisimento, tulad ng nagtitinda ng mga luma at abot-kayang libro at iba pang babasahin sa underpass sa harapan ng Manila City Hall.

‘Malinis’ na mga kalsada

Marami ang nagsasabi na malinis at maaliwalas na ang mga daanan sa Maynila. Sa pag-umpisa ng termino ni Moreno, napansin ang pag-ikot ng mga pulis upang “isaayos” ang mga kalye ng Maynila. Parang mga langgam na nagpupulasan ang mga manininda kapag dumadaan ang mga mobile. Andiyan na ang mga ‘kalaban’,” anila.

Dati-rati, nakakabalik sila sa dati nilang puwesto kapag nakalagpas na ang mobile. Sa pagkakataong ito, hindi na sila makapuwesto. Pinintahan ng asul na guhit ang mga kalye – hindi maaaring lumagpas rito ang mga manininda.

Matagal na nga rin naman gustong paalisin ng mga malalaking negosyo ang mga manininda. Bukod sa umano’y “masakit sa mata” sa kapaligiran, nauunahan nga rin naman na sila sa mga mamimili.

At naglabasan nga sa social media ang maaliwalas na imahe ng mga kalye ng Avenida, ng Carriedo, ng Divisoria. Makakaraan na ang mga sasakyan. Nakakalakad na ng maalwan ang mga mamimili. Ngunit sa kabila nito, hindi naman nasolusyunan ng mga “pagsasaayos” na ito ang kabuhayan ng mga manininda.

Pansamantalang ‘kaayusan’

May mga ngasasabing panandalian lang ang ganitong kalakaran. Sa tantiya ng isang nakapanayam ng Pinoy Weekly na una nang nailabas, tatlo hanggang anim na buwan lamang ang ganitong kaayusan. Maaari, dahil ginawa naman na ng mga nakaraang alkalde ng Maynila ang ganitong paglilinis. Kinalaunan, balik na sa dating gawi – marami na ulit nagbebenta sa kalsada.

Ang malaking hinala ng mga manininda, at pinakaposible, ay patuloy pa rin ang paghahari ng mga sindikato, na pinagkakakitaan sa pamamagitan ng pangongotong ang napakaraming manininda.

Ano nga ba’t nasabi ni Isko ang “etneb” na lang ang babayaran para manatili sa pagtitinda sa nakaugaliang puwesto ang mga sidewalk vendors.

Dugtong pa rito ang ilang marahas na pagbuwag ng mga manininda, laluna ang naranasan sa Baclaran. “Tao rin kami,” sabi ng isang manininda, habang binabaklas at kinukuha ang mga paninda ng kapwa niyang street vendor.

Saan puwedeng magtagpo?

Umani ng magkakaibang reaksiyon sa mga tao ang isinagawang pagsasaayos sa mga kalye. Bagaman, iisa ang hiling ng lahat: kaayusan at kalinisan ng lansangan at mga daanan. Ngunit sana, at laluna sa panig ng mga manininda sa kalye, bigyan pa rin sila ng puwang.

Sa kasalukuyan, nagbukas muli ang tindahan ng libro sa underpass sa Lagusnilad. Hindi pa masabi kung magbabalikan rin ang iba pang manininda. Pinakamasahol na siguro, kung magbabalik sa dating kalagayan ang ngayo’y maluwag nang mga kalye ng Avenida, Carriedo at Divisoria, laluna’t papalapit na ang kapaskuhan. Tiyak ang dagsa ng maraming mamimili. Hindi tiyak – sa ngayon – kung dadagsa ang marami ring manininda ng murang kalakal.

Maaari, sinasalamin ng mga impormal na hanapbuhay tulad ng pagtitinda sa kalye ang kawalan ng totoong trabaho at pagkakakitaan. Sa isang kapit-sa-patalim na lipunan, ito na ang pinakamaagap na solusyon ng mga kababayan natin para magkaroon ng ikabubuhay.

Ngunit kung kontrolado pa rin sila ng iilang naghahari-harian o mismo ng naghaharing uri, hindi lamang dignidad ang mawawala sa kanila sa tuwing may paglilinis na ganito, kundi mismong ang kanilang mga buhay na nakaasa sa pagtitinda.