‘Pagsasara ng Honda Cars Phils, ilegal’

0
204

“Hindi ito makata-rungan! Wala kaming kaalam-alam na biglang magsasara ang kompanya… May mga pamilya kaming pinapakain at mga anak na pinag-aaral.”

Ito ang sabi ni Christopher Oliquinio, pangalawang tagapangulo ng Lakas Manggagawang Nagkakaisa sa Honda (LMNH-Olalia- KMU). Mahigit 660 manggagawa kasi ang tinatayang mawawalan ng trabaho matapos ang biglang pagsasara ng Honda Cars Philippines, Inc. (HCPI) sa planta nito sa Santa Rosa, Laguna.

Sa isang pahayag, inanunsiyo ng HCPI na napagpasyahan ng kompanya na ihihinto na ang operasyon ng planta nito sa Laguna mula Marso. Ito’y para umano mapanatiling mababa ang presyo ng kanilang produkto para sa mga Pilipinong mamimili sa pamamagitan ng mas “mabisang alokasyon at distribusyon ng rekurso” ng kompanya.

Ayon sa tagapagsalita ng HCPI, bumaba raw ang benta ng mga sasakyan ng Honda sa bansa noong 2019 ng 12.7 porsiyento o katumbas ng 20,338 yunit kumpara sa 23,294 yunit noong 2018.

Ilegal na lock-out

Ikinagulat ng mga manggagawa ng Honda ang biglang pagsasara ng planta. Nanuna na kasing nagkaroon ng mga diyologo sa pagitan ng unyon at management ng HCPI hinggil sa gagawing “restructuring” at pagbabawas ng produksiyon ng kompanya sa malaong hinaharap.

Ayon kay Oliquinio, pangalawang tagapangulo ng LMNH-Olalia-KMU, sinabi lang daw ng HCPI management na magbabawas ito ng kanilang produksiyon mula sa dating 35 ay gagawin na lang 18 kotse kada araw. Ititigil na rin ang produksiyon ng mbagong mga yunit ng modelong Honda City.

Gayunman, tiniyak umano ng management na walang tanggalan ng manggagawa dahil dito. Sa halip, ang mga maapektuhan ng pagbawas ng produksiyon ay ililipat lang sa ibang departamento.

Pero noong hapon ng Pebrero 22, biglang ipinatawag ng management ng HCPI ang mga manggagawa para sa isang pulong sa kantina ng planta. Dito, ipinalabas ang bidyo ng presidente at general manager ng HCPI na si Noriyuki Takakura na inaanunsiyo ang pagtigil ng operasyon ng kompanya sa bansa.

Matapos ang bidyo, itinigil na ang operasyon ng planta. Bigla na rin umalis ang mga kinatawan ng HCPI nang walang paliwanag sa kahihinatnan ng mga manggagawa. Kasabay nito, pinalibutan na rin ng mga guwardiya, pulis at bumbero ang paligid ng planta at hindi na nagpapasok ng mga manggagawa.

Kaya para sa mga manggagawa, ilegal ang ginawang pagsasara dahil labag ito sa nilalaman ng kanilang Collective Bargaining Agreement. Wala rin umanong natanggap na “Notice of Closure” ang unyon mula sa Department of Labor of Employment (DOLE) at wala ding “Notice of Bankruptcy” ang HCPI sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Tinawag namang “iresponsable, hindi makatarungan at iligal” ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang biglang pagsasara ng HCPI.

“Ang management at mga manggagawa sa pamamagitan ng kanilang unyon ay nakapaloob sa CBA, gayunman ikinagulat pa rin ito ng lahat. Karapatan ng mga manggagawa na mabigyang abiso sa ganitong malaking mga aksiyon lalo na’t nakasalalay ang kanilang trabaho na ilang taon nang inaasahan ng kanilang pamilya,” ani Daisy Arago, executive director ng CTUHR.

Dagdag pa ni Aragon na tila mahirap maunawaan ang dahilan ng HCPI na isasara ang operasyon nito sa bansa para sa ikabubuti ng mga mamimili sa kapinsalaan ng trabaho at kapakanan ng mga manggagawa.

Pinasinungalingan na-man ni Oliquinio ang mga pahayag ng pamunuan ng HCPI na bibigyan ang mga manggagawa ng sapat na kumpensasyon. Hindi pa naman daw kasi hinaharap ng pamunuan ng HCPI ang mga manggagawa mula nang ianunsiyo ang pagsasara. Wala pa rin umanong anunsiyo o diskusyon ang management hinggil sa plano nito para sa mahigit 660 manggagawa ng Honda.

Tingin ng mga manggagawa, ang ilegal at di-makatarungang biglang pagsasara ng HCPI ay may layuning durugin ang LMNH at pahinain ang buong kilusang paggawa sa bansa.

Inanunsiyo kasi ang pagsasara ng HCPI sa kalagitnaan ng negosasyon para sa panibagong CBA na magtatakda ng kasunduan para sa makabuluhang dagdag-sahod, mga benepisyo, regularisasyon at iba pang karapatang pangmanggagawa sa mga susunod na taon.

Ayon sa Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Timog Katagalugan (Pamantik-KMU), hindi na bago ang biglaang pagsasara ng mga pagawaan sa harap ng mga negosasyon sa CBA at kapag nagtatangka pa lang o matagumpay nang makapagbuo ng unyon ang mga manggagawa para igiit ang dagdag-sahod, mga benepisyo at iba pang karapatan.

Paglaban, suporta

Samantala, mahigit 300 manggagawa, supervisor at plant manager sa pamumuno ng LMNH ang nagsagawa ng vigil sa loob ng planta ng HCPI bilang protesta sa ilegal na pagsasara.

Ani Oliquinio, hindi sila aalis hangga’t hindi hinaharap ng pamunuan ng HCPI at hangga’t hindi nagkakaroon ng malinaw na pag-uusap hinggil sa kahihinatnan ng mga manggagawa.

Dagdag pa niya, patuloy na maninindigan ang mga manggagawa ng Honda Cars na ipaglaban ang kanilang karapatan at kaseguruhan sa trabaho. Hindi umano sila papayag na abandonahin ng kapitalistang Honda matapos silang magkamal ng dambuhalang tubo mula sa dugo at pawis ng mga manggagawa sa loob ng 29 taon.

Patuloy namang kinukordonan ng mga guwardiya at pulis ang paligid ng Laguna Technopark kung nasaan ang planta ng HCPI. Hinaharang at hindi na rin pinapapasok ang suportang pagkain at gamot para sa mga manggagawang nagsasagawa ng vigil sa loob ng planta.

Gayunman, tuluy-tuloy pa ring bumubuhos ang suporta mula sa mga kalapit na pagawaan sa labas ng Laguna Technopark para sa mga manggagawa ng Honda.

Kabilang sa nagpamalas ng suporta ang mga manggagawa ng Peerless Manufacturing Corporation (Pepmaco). Ayon sa Pepmaco Workers’ Union (PWU), nagpupugay umano sila sa ipinamamalas na paninindigan ng mga lider at kasapi ng LMNH.

Nanawagan din ang unyon sa kanilang kasapian na tuluy-tuloy na suportahan ang mga manggagawa ng Honda na anila’y walang sawang sumuporta sa kanilang welga mula nang iputok ito noong Hunyo 2019 laban sa ilegal na tanggalan dahil din sa pag-uunyon at paggigiit ng CBA.

Nanawagan din ang Pamantik-KMU sa iba pang manggagawa na ipakita ang mariing pagtutuol sa pagbuwag sa LMNH.

“Ang tangkang pagdurog sa unyon ng LMNH ay tangkang pagdurog sa buong kilusang paggawa, at marapat lang na sama-sama nating labanan at biguin ang atake ng kapitalista at rehimeng US-Duterte,” pahayag ng Pamantik-KMU.