Pagsikil sa demokrasya

0
168

Banta sa batayang mga karapatan ng mga mamamayan ang “witch-hunting” o mistulang paghahanap ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ng mga aswang, sa kanyang dalawang pagdinig sa Senado kaugnay ng “nawawalang mga aktibista”?na pinaghahanap umano ng mga magulang nila.

Sa kanyang dalawang Senate hearing sa ilalim ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, pinrisinta ni Dela Rosa ang mga magulang daw na naghahanap sa kanilang mga anak na “nalason daw ang kaisipan” (“brainwashed”) ng progresibong mga organisasyon ng mga kabataan para sumuporta sa mga protesta laban sa gobyerno hanggang lumahok sa armadong New People’s Army (NPA).

Nagprisinta rin siya ng mga testigo daw na kumokonekta sa di-armado at legal na mga grupo ng mga kabataan tulad ng Anakbayan, League of Filipino Students, at Kabataan Party-list. Ang isa sa kanila, nagtakip ng mukha. Ang dalawa, mga dati raw aktibista na naging rebelde noong dekada ‘80. Lahat sila, walang kredibilidad at katuturan bilang testigo. Hawak sila ng Armed Forces of the Philippines at tiyak na hindi malayang nagbigay ng testigo. Ang isa pa, nagsabing “estudyante (siya) sa umaga, pero NPA sa gabi”– bagay na kinutya ng mga kabataan sa social media, sa pamamagitan ng hashtag na #NPAnightshift.

Samantala, wala namang dahilan para hindi paniwalaan ang naghahanap na mga magulang. Pero malinaw na mga militar din ang handlers nila. Ang isa, ina ng aktibista ng Anakbayan na si Alicia Lucena, 18. Sa hiwalay na press conference, inihayag ni Alicia ang sinapit niya sa kanyang mga magulang: “dalawang beses na isinuko”saKampoAguinaldo nang malamang aktibista siya. Malungkot ding sinabi ni Alicia na nakaranas siya ng pananakit sa kamay ng kanyang ina—ang klase ng “pagdisiplina” na itinuturing nang pang-aabuso sa mga bata. Gayunman, nasa wastong edad na si Alicia para magpasya sa sarili niyang buhay.

Kakatwa ang mga bintang na ito laban sa progresibong mga grupo ng kabataan. Kung ibang tunguhin ang napupuntahan ng mga anak nila—pagpapari sa simbahang Katoliko, halimbawa—tiyak na walang kiyeme ang konserbatibong mga magulang na isuko sa simbahan ang kanilang mga menor-de-edad na anak. Pero may pagkakapareho ang bokasyon ng pagpapari at pagiging aktibista: pa-rehong nag- dedeklara ng vow of charity (pangakong maging mahirap) habang naglilingkod—sa Diyos, sa una, at sa sambayanan, sa pangalawa. Kung ikararangal ng mga magulang na maging lingkod-Diyos ang kanilang anak, aba’y dapat ikarangal din nila ang pagdeklara ng mga anak nila bilang lingkod sa sambayanan.

Samantala, kahit ang pagdedesiyon ng ilang kabataan na lumahok sa armadong rebolusyon sa wastong edad ay hindi tingnan na negatibo—o “kasalanan” ng progresibong mga grupo ng kabataan. Hindi kataka-taka na dumarami ang pumipili ng landas ng armadong pagrerebolusyon sa panahong tila sinisikil ng Estado ang lahat ng espasyo para sa mapayapang pagbabago ng lipunan. Isa pa, silipin na lang ang karanasan noong batas militar ni Marcos: namundok ang mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor. May mga nagrebelde mula sa simbahang Katoliko, may mga enhinyero, arkitekto, doktor, katutubo, magsasaka, manggagawa, at, siyempre, kabataan.

Sa paninira at pagbanta ng rehimeng Duterte sa legal na mga organisasyon ng kabataan, lalo tuloy natutulak ang kabataan at iba pang makabayan na piliin ang rebolusyonaryong landas sa pagbabago.