Pagtanggal dahil sa redundancy

0
189

Kailan ba puwedeng tanggalin ang isang manggagawa sa kanyang trabaho sa kompanya dahil sa redundancy?

Sa kaso nina Noli Aparicio laban sa Manila Broadcasting Company (G.R. No. 220647) na hinatulan ng Korte Suprema nito lang Disyembre 10, 2019, nilinaw nito kung kailangan puwedeng matanggal ang isang manggagawa dahil sa redundancy.

Sina Noli at Renan ay mga radio technician ng Manila Broadcasting Company sa estasyon ng kompanya sa Bacolod.

Matapos ang masusing pag-aaral, nagdesisyon ang manedsment na sarhan ang estasyon nito sa Bacolod sa dahil hindi ito kumikita.

Sa pagsara ng Bacolod branch ng kompanya, nawalan ng trabaho ang lahat ng manggagawa na nagtatrabaho rito, kasama na si Noli at Renan.

Pinadalhan ng notice of redundancy ng kompanya ang mga empleyado sa Bacolod branch nito, kabilang sina Noli at Renan.

Sinabi ng kompanya na ang mangyayaring tanggalan ay dahil sa pagsasara sa Bacolod branch nito. Sinabi rin ng kompanya na ang lahat ng matatangal na empleyado ay may matatanggap na separation pay.

Nagpadala rin ito ng notice sa Department of Labor and Employment. Ginawa ito ng kompanya 30 araw bago mangyari ang pagtanggal sa mga empleyado.

Hindi katanggap-tanggap kina Noli ang ginawang pagtanggal sa kanila ng kompanya.

Nagsampa sila ng kasong illegal dismissal laban sa Manila Broadcasting Company sa opisina ng Labor Arbiter. Sinabi nila na walang batayan ang kompanya para tanggalin sila sa kanilang mga trabaho.

Sa hatol ng Labor Arbiter ay pinanalo nito sina Noli. Sinabi ng Labor Arbiter na walang dahilan para tanggalin sila ng kompanya sa kanilang mga trabaho.

Nag-apila ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Binaligtad naman ng NLRC ang desisyon ng Labor Arbiter at sinabing may karapatan ang kompanyang magdeklara ng retrenchment at tanggalin ang mga manggagawa nito sa Bacolod branch dahil sa nakikita nitong pagkalugi ng nasabing estasyon.

Napilitan namang iakyat nina Noel sa Court of Appeals ang kanilang kaso. Sinang-ayunan ng Court of Appeals ang NLRC at sinabing tama ito sa kanyang desisyon.

Umakyat sa Korte Suprema sina Noel.

Sinabi ng Korte Suprema na hindi maaaring tanggalin ang isang empleyado sa kanyang trabaho nang walang sapat na dahilan.

Isa sa mga sapat na dahilan upang matanggal sa kanyang trabaho ang isang empleyado ang redundancy.

Ang redundancy ay nangyayari kapag ang serbisyo ng isang manggagawa o empleyado ay labis na sa pangangailangan ng kompanya at lumalabas na hindi na nito kailangan.

Sa kaso nina Noel, maliwanag na hindi na kailangan ng kompanya ang kanilang serbisyo dahil sa nagsara nga ng Bacolod branch kung saan sila nakatalaga.

Kaya may batayan ang kompanya para tanggalin sina Noel sa kanilang trabaho.

Pero bago ito magawa ng kompanya, dapat din siyang magbigay ng kaukulang abiso sa DOLE at abiso sa manggagawa tungkol sa mga mangyayaring redundancy sa loob ng hindi bababa sa 30 araw bago maganap ang tanggalan.

Nasunod din ito ng kompanya.

Kailangan ding guma-mit ng rasonable at makatarungang batayan sa pagtanggal sa mga manggagawa ang kompanya, katulad ng seniority, efficiency, at iba pa.

At higit sa lahat, dapat din itong magbayad ng kaukulang separation pay sa tatanggaling empleyado. Ang separation pay na ito ay hindi bababa sa isang buwang sahod sa bawat taong serbisyo.

Maliwanag na nasunod ang lahat ng ito ng Manila Broadcasting sa pagtanggal kina Noli.

Kaya, sang-ayon sa batas ang ginawang pagtanggal sa kanila sa kanilang mga trabaho, sabi ng Korte Suprema.