Noong nakaraang Oktobre, karangalan kong maging panauhin sa ginanap na pagdiriwang ng Save Sierra Madre For The People na ginanap sa Infanta, Quezon.
Ang layunin ng grupong ito’y bigyan ng proteksiyon ang makasaysayang bundok ng Sierra Madre laban sa nakaambang panganib ng mga proyektong gustong ipairal ng pamahalaaan.
Sierra Madre ang pinakamahabang bundok sa buong Pilipinas. Galing sa Norte, nagsisimula ang bundok sa probinsiya ng Cagayan at nagtatapos naman sa Timog sa probinsiya ng Quezon.
Ang kanyang land area’y umaabot sa 1.4 milyong ektarya na sumasakop sa 10 probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora, Bulacan, Rizal, Laguna at Quezon.
Ang bundok na ito ay balakid sa mga dumarating na bagyo mula sa Pacific Ocean.
Tahanan din ito ng hindi mabilang na uri ng bulaklak, kakahuyan, halaman, ibon, hayop at insekto na dito lamang matatagpuan.
Ang bundok na ito’y naging taguan ng patriyotikong mga rebolusyonaryo na lumalaban sa mapang-aping gobyerno ng kanilang panahon.
Nasa sinapupunan at laylayan din nito ang bukal at batis ng di-matingkalang yaman ng kalikasan na siyang salalayan ng pag-iral ng kasalukuyang henerasyon at mga susunod na salinlahi kung mananatili ang paggamit at pangangalaga nito sa kamay ng mismong pamayanang katutubo, settler, maralitang magsasaka at mangingisda na malaon nang namumuhay nang nakatono sa natural na galaw ng kalikasan.
Pero sa ngayon, mula hilaga hanggang timog ng Sierra Madre sa Timog Katagalugan, nakaamba at inuumpisahan na ang mga proyektong diumano’y “pangkaunlaran” na nagbunga ng iba’t ibang sakit, at pinsala sa kabuhayan ng mga pamayanang katutubo, magsasaka at mangingisda.
Pangunahin ang mapangwasak sa kalikasan at pamayanang katutubo na yugto-yugtong proyektong Centennial Water Source Project/Low Kaliwa Dam, Kaliwa/Laiban- Kanan Dam sa kabundukan ng Tanay, Rizal at Heneral Nakar, Quezon, bukod pa sa Violago Dam sa hangganan ng Montalban at Antipolo City, at Sumag Dam sa dulong bahagi ng rehiyon.
Mapanganib ang pagpapalayas sa mga katutubong Dumagat at Remontado na ibubunga ng mga proyektong dambuhalang dam at hydropower.
Pinatunayan ng kasaysayan ng mga dambuhalang dam sa ating bayan at iba pang panig ng mundo na kapalit ng dambuhalang tubo para sa mga dayuhan at lokal na mamumuhuna’y ang malubhang pinsalang nililikha nito sa kalikasan at taumbayan.
Patunay nito ang delubyong humampas sa Hilagang Quezon at Rizal na ikinasawi ng libong mamamayan sa pagguho ng lupa at ekta-ektaryang taniman sanhi ng bagyong Milenyo, kinalbong kagubatan at pagtatayo ng mga dambuhalang dam.
Naglabas ang Department of Environment at Natural Resources (DENR) ng Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa P18.7 Bilyong proyekto sa Kaliwa Dam na itatayo sa Rizal at Quezon sa ilalim ng isang loan na galing sa China.
Pero walang patunay na kinonsulta ng DENR ang mga mamamayang apektado.
Ito ang dahilan kung bakit naglabas ng resolusyon sa Kongreso ang blokeng Makabayan para maimbestigahan ang diumano’y maanomalyang paglabas ng ECC ng DENR.
Bukod pa sa ECC, kailangan din ang Free Prior and Informed Consent (FPIC) mula sa mga indigenous people o mga katutubo para maaprobahan ang proyekto sa Kaliwa dam.
Ito ay hinihingi ng Republic Act No. 8371 o ang Indigenous People’s Rights Acts.
Sa ngayon, sinasabi na ng mga katutubo na mahirap nang makakuha ng FPIC sa kanila ang gobyerno dahil tutol talaga sila sa Kaliwa Dam.
Sinasabi ng ating Saligang Batas na ang Estado’y kumikilala at magtataguyod sa karapatan ng mga katutubo o indigenous people (Art. II, Sec. 22, 1987 Phil. Constitution).
Ayon sa administrasyon, ang Kaliwa – Kanan – Laiban Dam lang ang makakasagot sa krisis sa tubig na kasalukuyan nating hinaharap.
Pero maaari naman sanang kumpunihin ng gobyero ang Wawa Dam sa Rodriguez, Rizal na puwedeng magprodyus ng 1.5 bilyon litro ng tubig araw-araw. Di hamak na mas malaki ito sa 600 milyon na litro ng tubig araw-araw na inaasahan sa Kaliwa Dam.
Kaya ano pa ang ating hinihintay, mga kasama?
Ipagtanggol ang Sierra Madre! Ipagtanggol ang kalikasan! Ipagtanggol ang ating mga sarili! Sumapi sa Save Sierra Madre Alliance for the People!