Manatili sa tahanan. Ito ang payo ng gobyerno para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease-2019 (Covid-19). Pero halos imposible ito para sa mga manggagawa. Nakadepende kasi ang pagkain ng pamilya nila sa kanilang arawang sahod.
Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, 14.4 milyong manggagawang non-regular at nasa informal sector, o katumbas ng tatlo sa limang may trabaho sa Luzon, ang nanganganib mawalan ng sahod at kabuhayan dahil sa “enhanced community quarantine” o “lockdown” sa buong isla.
Tinatayang nasa 61.6 porsiyento ng kabuuang may trabaho sa Luzon ang nasa mababang kalidad na trabaho gaya ng kontraktuwal na mga manggagawa, salespersons, vendors at mga manggagawa sa pampublikong transportasyon. Ayon sa Ibon, sila ang pinakabulnerable sa gitna ng “lockdown” dahil sa kawalan ng kinakailangang benepisyong medikal at social security.
Dapat bayad
Ikinababahala ito ng dalawa sa pinakamalaking samahan ng mga manggagawa sa bansa. Sa kanilang magkasamang pahayag, sinabi ng Nagkaisa! Labor Coalition at Kilusang Mayo Uno na maaaring mailigtas ng pinaigting na kuwarentina ang mga manggagawa sa Covid-19, pero “kung walang karampatang social protection, mamamatay naman sila at kanilang pamilya sa gutom.”
Panawagan nila sa gobyerno, maglaan ng P10,000 Quarantine Subsidy para sa mga manggagawa. Bagamat kasi tanggap nila bilang magandang simula ang naunang P5,000 Financial Assistance na inanunsiyo ng Department of Labor and Employment (DOLE), sadyang kulang anila ito sa pangangailangan ng mga manggagawa.
Tinataya ng Nagkaisa! at KMU na aabot sa P225- Bilyon ang kakailanganin para rito pero ito naman anila ay iikot din sa takbo ng lokal na ekonomiya.
Sa hiwalay na pahayag, nanawagan ang KMU para sa pagpapatupad ng “Paid Quarantine” na para sa kanila ay pinakamabisang paraan para mabawasan ang mga manggagawang kailangang lumabas ng bahay para magtrabaho.
“Gusto namin ng katiyakan na bayad ang mga quarantine leave at hindi ikakaltas sa mga sick leave, sa 13th month pay at sa iba pang benepisyo,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.
Dapat anilang bayaran ng employer o ng gobyerno ang mawawalang arawang sahod ng mga manggagawa na hindi makakapasok dahil sa banta ng pagkalat ng virus at dahil sa kawalan ng transportasyon bunga ng “lockdown”.
Tagumpay
Kung gaano kabilis kumalat ang Covid-19, ganoon din kabilis umaksiyon ang mga manggagawa, sa pamamagitan ng kanilang mga unyon, para protektahan ang kanilang kalusugan at karapatan.
“Nangamba kami na magkasakit kapag pumasok at wala rin namang biyahe. Kaya humiling kami ng diyalogo sa management,” ani Mary Ann Castillo, pangulo ng Nexperia Phils. Inc. Workers’ Union.
Noong una, ayaw umanong humarap ng management kaya nagsimula sila ng tatlong araw na “Facebook rally”. Nagpalit ng profile picture na may panawagan ang lahat ng kasapi ng unyon at pinakalat ang hashtag na #PaidQuarantine ForWorkers.
Dahil dito, bumigay ang management at pumayag na ibigay ang buong sahod ng mga manggagawang pipiliing manatli sa kanilang mga tahanan, pero mula Marso 17 hanggang 31 lang.
“Kung sa loob ng panahong iyon ay may rest day ka, di kasama sa babayaran ’yun. Kung night shift, may night differential pa ring matatanggap. Pero kailangang tiyakin na maipatupad ito dahil sa Marso 30 payroll pa nila ibibigay,” ani Castillo.
Nasa loob ng special export processing zone ang kanilang pabrika ng electronics kaya pinahihintulutan sila ng pamahalaan na magpatuloy ng operasyon sa kondisyong “skeletal” lang o iyong mga esensiyal na trabaho lang ang papapasukin at stay-in dapat ang mga manggagawa. Pero dahil sa matagumpay nilang sama-samang pagkilos, hindi na kailangang isugal ng mahigit 1,700 manggagawa ng Nexperia ang kanilang kalusugan. Gayunman, tuluytuloy pa rin ang kanilang pagkilos para mapalawig ang paid quarantine hanggang Abril 12, nakatakdang pagtatapos ng lockdown, at para saklawin din nito ang daan-daang manggagawang kontraktuwal sa kanilang pagawaan.
Nasa panganib
Samantala, tuloy naman ang operasyon ng Wyeth Philippines sa Laguna. Kasama kasi ang mga produkto nitong powdered na gatas sa mga itinuturing na batayang pangangailangan.
“Kung magpapatuloy kaming maglabas-masok sa ating mga tahanan para pumasok ng trabaho, lalong matatagalan na mapuksa at lalong lalaganap itong Covid-19,” ani Gabs de los Reyes, pangulo ng Wyeth Phils. Progressive Workers’ Union.
Ayaw umano nilang ilagay sa alanganin ang kanilang mga sarili, katrabaho, kaibigan at pamilya. Kaya agad humiling ng diyalogo ang unyon sa management para tiyakin ang kalusugan at karapatan ng mga manggagawa sa panahong nagtutuloy ang operasyon.
Kabilang sa mga hiningi ng unyon ang paid quarantine, financial assistance sa isang buwang lockdown, hazard pay, libreng staff house at door-todoor na shuttle service para sa kailangang pumasok para sa operasyon ng makina, at libreng pagpapagamot sa magkakasakit o magpopositibo sa Covid-19 dahil sa patuloy na pagtatrabaho.
Sa tinakbo ng negosasyon, hindi pa buong nabigay ang hiling ng mga manggagawa. Patuloy pa ring iginigiit ng unyon ang paid quarantine. Pero sa ngayon, ang naipangako pa lang ng management ay Emergency Loan na walang rekisito at ikakaltas na lang kapag “istable” na ang kondisyon.
“Sa mga di papasok, puwede gamitin ang Emergency Leaves, Sick Leave Accumulations at Vacation Leaves. Sa mga mapipilitang pumasok, 200 porsiyento ang sahod sa unang walong oras at may overtime rate para sa susunod na apat na oras. Dalawandaang porsiyento rin sa papasok ng rest day,” ani de los Reyes.
Hiniling din nila sa diyalogo na mag-aplay na ang kompanya para sa P5,000 financial assistance ng DOLE. “Sa totoo lang, pahirapan din yun sa mga manggagawa. Paano makukuha, bukod sa maliit, kailangan itulak mo pa ang management. Kung walang samahan o unyon, mahihirapan din ang karamihan,” ani de los Reyes.
Hazard pay
Samantala, matagumpay namang nailaban ng mga manggagawa sa pampublikong sektor ang pagbibigay ng gobyerno ng hazard pay para sa mga “Frontline Workers” o iyong mga direktang humaharap sa pandemya ng Covid-19.
Ayon sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage), pederasyon ng mga unyon at samahang manggagawa sa pampublikong sektor, pinagpupugayan nila ang mga empleyado at manggagawang matapang na humaharap sa pandemya.
“Nararapat lang para sa lahat ng manggagawa sa frontline na makatanggap ng hazard pay. Umaasa kami na walang diskriminasyon sa halaga ng ibibigay na hazard pay lalo na sa mga kontraktuwal at job order dahil lahat naman ay may nanganganib na magkaroon ng sakit dahil sa Covid-19,” ani Santiago Dasmariñas, pambansang pangulo ng Courage.
Sa pagkakasulat ng artikulong ito, hinihintay pa nila ang implementing guidelines ng ibibigay na hazard pay.
Kapatiran sa lipunan
Para kay de los Reyes, hindi sana mahihirapan ngayon ang mga manggagawa kung maagap lang na tinugunan ng gobyerno ang banta ng paglaganap ng Covid-19 sa bansa.
“Dapat noong una palang nagpatupad ng travel ban ang gobyerno. Pero dahil andiyan na, nararapat na pansamantalang magsara muna ang mga pabrika para hindi ma-expose ang mga manggagawa. Kasabay nito, dapat may kaakibat na sapat na tulong-pinansiyal ang kompanya bukod pa sa serbisyo ng DOLE,” aniya.
Dagdag pa ni de los Reyes, “Dapat mahigpit na binabantayan o pinapangunahan ng DOLE at ng gobyerno ang krisis na ito. Dapat maramadaman ng mga manggagawa na pinahahalagahan sila ng lipunang halos buong buhay nilang pinaglilingkuran.”
“Pagkatapos nito, wala rin namang susi para muling makabangon kundi ang mga manggagawa. Kaya nararapat na ipreserba sila o bigyan ng kaukulang ayuda para sa kanila at sa kanilang pamilya,” ani de los Reyes.
Sa harap ng pandemyang Covid-19, pinatutunayan ng tagumpay ng samasamang mga pagkilos ng mga manggagawa na magagawa lang protektahan ang kanilang karapatan at kalusugan kung sila’y magkakaisa at naggigiit. Ipinakikita ng mga manggagawa na higit sa social distancing, mas kailangan ngayon ay “social solidarity” o panlipunang pagkakaisa sa kabila ng pisikal na pagdidistansiya para labanan ang banta ng pandemya at maprotektahan ang kanilang kalusugan at karapatan.
Para kay Castillo, pinatutunayan umano ng matagumpay na mga paglaban ng mga manggagawa ang kahalagahan ng pag-uunyon ng para sa kolektibong paglaban para sa kanilang kaligtasan at karapatan bilang tao.
“Sa panahon ng matinding krisis, pinakamahalaga ang pagkakaisa ng mga manggagawa, hindi para manlimos kundi para depensahan ang aming karapatan at kalusugan,” ani Castillo.