PANAYAM | ‘Rebolusyon sa Timog Katagalugan, nagpapatuloy’

0
195

Maingay na ibinandera ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkahuli nito sa maysakit na tagapagsalita ng Melito Glor Command ng rebolusyonaryong New People’s Army (NPA) sa Southern Tagalog na si Jaime “Ka Diego” Padilla noong 2019. Pero sa kabila nito, nagpapatuloy ang armadong rebolusyon sa naturang rehiyon – katulad ng iba pang rehiyon na may presensiya ng NPA sa buong bansa. Kinapanayam ng Pinoy Weekly sa pamamagitan ng email ang bagong tagapagsalita ng NPA-ST na si Armando Cienfuego – para alamin kung papaano nagpapatuloy ang armadong rebolusyon sa kanilang saklaw sa kabila ng pagdakip kay Padilla. Tinanong na rin namin ang pagtingin ng bagong tagapagsalita sa iba’t ibang pampulitikang isyu sa bansa. Kinamapanayam ng PW si Cienfuego bago ang ika-51 anibersaryo ng NPA, at bago ang pagsiklab ng pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19) sa bansa at buong daigdig.

PW: Totoo nga bang bumababa na ang moral ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Southern Tagalog nang mahuli noong 2019 ang tagapagsalita nitong si Jaime “Ka Diego” Padilla?

Armando Cienfuego (AC): Kailanman, hindi bumaba ang morale ng NPA sa rehiyon at buong bansa nang madakip si Jaime “Ka Diego” Padilla. Katunayan, lalong pinag-aalab nito ang kanilang kapasyahang isulong ang rebolusyon. Inspirasyon ng laksa-laksang Pulang mandirigma at kumander ang nagpapatuloy na pakikibaka ni Ka Diego sa loob ng piitan. Imbes na panghinaan ng loob, higit na pag-iibayuhin ng NPA sa rehiyon at buong bansa ang armadong pakikibaka para itaas ang antas ng digmang bayan.

Maraming tangkas ng kadre sa Timog Katagalugan ang handang pumalit at tumangan sa naiwang tungkulin ni Ka Diego. Nananatiling maningning ang kinabukasan ng bayan dahil sa laksa-laksang kabataang tumungo sa kanayunan para isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay.

Samantala, hindi nabusalan ng kaaway ang Tinig ng Rebolusyon sa rehiyon sa pagkakahuli ni Ka Diego. Patuloy na lumalakas ang tinig ng mga inaapi at nakikibakang mga mamamayan sa rehiyon at buong bansa para pabagsakin si Duterte at ang buong naghaharing sistema. Ito ang tunay na Tinig ng Rebolusyon na dumadagundong sa buong bayan na kailanma’y hindi kayang patahimikin ng rehimen.

Kuha ni Boy Bagwis

Kuha ni Boy Bagwis

PW: Ayon sa tagapagsalita ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, umabot sa 48 raw ang sumukong rebelde sa rehiyon. Ano ang masasabi n’yo rito?

AC: Isa itong fake news na pinalaganap ng Armed Forces of the Philippines-Philippine National Police (AFP-PNP) bilang desperasyon sa lumalakas na pakikibaka ng rebolusyonaryong puwersa sa rehiyon at buong bansa. Pakana ito upang linlangin ang bayan at lumikha ng ilusyon na “humihina” na ang rebolusyonaryong kilusan. Hindi magagapi ang rebolusyonaryong diwa ng mga mamamayan at mga Pulang mandirigma para isulong ang digmang bayan.

Taliwas dito, patuloy na lumalakas ang rebolusyonaryong puwersa sa Timog Katagalugan at buong bansa. Sa rehiyon pa lang, sinasaklaw ng NPA ang 123 bayan, siyam na siyudad at mahigit 1,000 baryo. Nitong 2019, nailunsad ang 78 taktikal na opensiba kung saan nagtamo ng 128 pinsala ang AFP-PNP. Samantala, sinalubong ng mga Pulang mandirigma ang Focused Military Operations ng AFP-PNP sa Enero 2020 ng mga taktikal na opensiba na puminsala sa mersenaryong tropa.

Hangga’t nagpapatuloy ang karahasan at kahirapan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, hindi titigil ang pakikibaka ng mga mamamayan. Kitlin man ng reaksiyonaryong puwersa ang hanay ng nakikibakang mga mamamayan, walang hanggang masasalinan ang lakas ng rebolusyon sa ilalim ng kasalukuyang bulok at naaagnas na estado ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.

PW: Sa inyong nasasakupang teritoryo, sang-ayon ba kayo sa itatayong New Centennial Water Source Kaliwa Dam Project dahil daw sa lumalalang krisis ng tubig sa Metro Manila?

AC: Isang kalokohan ang pinalalabas ng rehimeng US-Duterte na lumalala ang krisis sa tubig sa Metro Manila. Ang tunay na dahilan kung bakit may “kakulangan” sa tubig sa Metro Manila ay dahil sa pribatisasyon ng distribusyon ng tubig. Sa ilalim ng pribatisasyon, naging negosyo ang dapat na libreng serbisyo sa tubig. Kailangang magbayad ang mga mamamayan para makinabang sa serbisyo sa tubig. Pinalalabas na may krisis sa tubig upang mapataaas ang singil nito para magkamal ng limpak-limpak na tubò at pakinabang ang Manila Water at Maynilad na kabilang sa mga malalaking oligarko sa bansa.

Ang diumano’y “krisis sa tubig” sa Metro Manila ay isang pakana ng rehimen upang pahintulutan ang panghihimasok at pamamamayagpag ng negosyo ng imperyalistang Tsino sa bansa sa ilalim ng programang Build, Build, Build. Pipinsalain ng mapanirang proyektong dam ang buhay at kabuhayan ng mga katutubong Dumagat at magsasaka sa Rizal, Quezon at Laguna. Ito ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang pakikibaka at pagtutol sa dam ng mga mamamayan.

Bahagi ng pangkulturang pagtatanghal ng mga gerilya ng MGC-NPA-ST sa ika-51 anibersaryo ng NPA nitong Marso 29. <b>Kontribusyon</b>

Bahagi ng pangkulturang pagtatanghal ng mga gerilya ng MGC-NPA-ST sa ika-51 anibersaryo ng NPA nitong Marso 29. Kontribusyon

PW: Sa inyong pagtingin, anong suporta o tulong at paano n’yo itataas ang morale, ng mga biktima ng pagputok ng Bulkang Taal sa inyong mga nasasakupan?

AC: Sa saklaw ng gobyernong bayan sa rehiyon, nagpadala ng tulong at suporta ang National Democratic Front sa Timog Katagalugan sa mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal. Minobilisa ng NDFP-ST ang lahat ng alyadong organisasyon nito para sa pagsalo sa mga mamamayang biktima ng sakuna. Nakakasa rin ang mga yunit ng NPA sa rehiyon sa pagbibigay ng tulong medikal at psychosocial therapy sa mga sinalanta ng pagputok ng bulkan.

Sa kabilang banda, hindi dapat hayaan ang mga reaksyunaryo na gamitin ang sakuna upang linlangin ang mga mamamayan at samantalahin ang kalamidad para magkaroon ng opurtunidad na pagkakitaan ng mga burukratang kapitalista at mga oligarko ang pagputok ng bulkan. Kailangang maging aktibo ang mga biktima at rebolusyonaryong puwersa sa paglalantad ng kainutilan ng reaksyunaryong gobyerno at igiit na tuwirang pakinabangan nila ang bilyon-bilyong calamity fund na iniipit ng gobyernong Duterte.

Samantala, sa pamamagitan nito, naipakikilala rin ng rebolusyonaryong kilusan ang programa nito para sa rehabilitasyon sang-ayon sa Programa ng Pambansa Demokratikong Rebolusyon. Nakatutok ang NDFP-ST at lahat ng rebolusyonaryong puwersa sa rehiyon sa pagbabangon ng kabuhayan ng mga biktima ng sakuna.

PW: Ano sa palagay nyo ang nais ni Pangulong Duterte na bumalik na sa Pilipinas ang founder ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Jose Ma. Sison at mag-one-on-one sila para muling ibalik ang negotiations?

AC: Simula’t sapul, wala sa interes ni Duterte na makamit ang tunay at matagalang kapayapaan sa bansa. Hindi seryoso si Duterte na lutasin ang ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Isang tusong imbitasyon ni Duterte ang pagpapapunta kay Kasamang Jose Maria Sison dito sa Pilipinas sa isang one-on-one na pag-uusap.

Kung sa larong chess, nagpapain si Duterte ng isang poison pawn sa rebolusyonaryong kilusan. Kung kakagatin ng NDFP ang pain, singkahulugan ito na una, isinusuko na ng NDFP ang balangkas ng The Hague Joint Declaration na sa isang nyutral na lugar gagawin ang negosasyon ng dalawang magkapantay na puwersang belligerent na may presensiya ng ikatlong partido, at pangalawa, na isasantabi nang pag-usapan at pagkasunduan ang mga sustantibong adyenda sa negosasyon bago ang isang top level na paghaharap ng pinakamataas na kinatawan ng NDFP at GRP para lagdaan at ipormalisa ang isang final peace agreement.

Isang bitag ito upang payukurin at ilagay sa peligro ang mga negosyador ng NDFP mula sa pagmamanman, panggigipit at banta ng pag-aresto o pagpatay ng mga ultra-Kanan at militarista sa AFP at PNP. Pakana din ito para patuloy na iantala ang peace talks kapag tinanggihan ang alok ni Duterte. Nabasa na antemano ng Chief Political Consultant ng NDFP ang maitim na balak ni Duterte—upang mapawalambisa ang proteksiyon ni Ka Joma bilang isang political refugee sa The Netherlands at tuluyang mahawakan ng kanyang rehimen. Nais ni Duterte na arestuhin si Kasamang Joma sa pag-aakalang ang pagdakip sa huli ang susi para matigil ang pakikibaka ng rebolusyonaryong puwersa sa bansa.

Hindi na kinakailangang mag-usap pa nina Duterte at Kasamang Joma dahil may itinalagang mga negotiating panel ang magkabilang-panig, gayundi’y may mga itinakdang pagkakasunod-sunod ng adyenda na pag-uusapn sa negosasyon. Kinakailangang may humarap na ikatlong partido sa pag-uusap at ilunsad ito sa isang nyutral na lugar na kapwa ginagampanan ngayon ng Royal Norwegian Government (RNG).

Sa kabilang banda, ang pagkakaantala ng negosasyon ay dahil sa panghihimasok ng mga ahente ng US na sina Lorenzana, Esperon at Año at pagtalikod ni Duterte sa usapang pangkapayapaan. Hindi rin nais ng GRP na magkaroon ng kasunduan sa Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser), ang pinaka-puso ng usapang pangkapayapaan at lulutas sa mahigit limang dekadang armadong labanan sa bansa.

Jose Ma. Sison, punong konsultant pampulitika ng NDFP sa usapang pangkapayapaan. <b>Kontribusyon</b>

Jose Ma. Sison, punong konsultant pampulitika ng NDFP sa usapang pangkapayapaan. Kontribusyon

PW: Ito ba ang dahilan kung bakit tinigil ng pamahalang Duterte ang usapang pangkapayapaan dahil sa pag-atake n’yo sa tropa ng gobyerno at pangungulekta ng rebolusyonaryong buwis?

AC: Ang tunay na dahilan ng pagtalikod ng administrasyong Duterte sa peace talks ay dahil sa kanilang kagustuhang patuloy na maghari at mapanatili ang kasalukuyang bulok na sistema ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ang Demokratikong Gobyernong Bayan, bilang isang belligerent force, ay may karapatang magpatupad ng mga tungkuling paggogobyerno sa mga nasasaklaw nito. Hindi maaaring hadlangan ng gobyernong Duterte ang tungkulin na ito bilang katapat na umiiral na gobyerno.

Samantala, lehitimo ang mga inilulunsad na opensibang aksyon ng NPA sa mga nag-ooperasyong AFP-PNP sa kanayunan dahil sa patuloy na paglabag ng huli sa mga kasunduan sa tigil-putukan at ang walang kaparis na karahasan at pamiminsala ng operasyong militar at pulis sa mga mamamayan, lalo sa hanay ng mga magsasaka. Isang realidad ang pag-iral ng gera sibil sa Pilipinas at ang mga armadong sagupaan ay isang natural na konsekwensiya nito. Ang armadong pakikibaka ng NPA ay isang lehitimo at makatarungang pagtatanggol sa pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino laban sa kontra-rebolusyonaryong karahasan ng mga mersenaryong tropa ng naghaharing rehimen.

PW: Sa palagay mo ba, nilabag ng AFP at PNP ang alitutunin ng mga pinagkasunduan sa peace negotiations ng GRP at NDF tulad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig)?

AC: Lahat ng mga ginawang pag-aresto ng GRP sa mga konsultant ng NDFP ay labag sa Jasig lalo ang pataksil na pagpatay kay Kasamang Randy Malayao. May malilinaw na mga probisyon ang Jasig na nagbibigay proteksiyon sa mga NDFP Consultant at mga personel ng NDFP sa negosasyon laban sa pagmamanman, pag-aresto, detensiyon at pagkakaso sa korte. May mga proseso ring dapat na daanan bago tapusin ang negosasyon sa kapayapaan—at hangga’t hindi nakukumpleto ang mga prosesong ito, nananatiling may bisa ang Jasig.

Ang mga sinusunod na protocol ay alinsunod sa internasyunal na mga panuntunan na sumasaklaw sa panloob na mga armadong labanan at pinatitibay ng mga nilagdaang dokumento ng GRP at NDFP sa presensiya ng kinatawan ng ikatlong partido na ginagampanan ng RNG. Hindi maaaring isang-panig na ipalawalambisa ang anumang kasunduan at isantabi ang mga internasyunal na panuntunan na nagtatali sa bawat partido na respetuhin ang kanilang obligasyon sa isang kontrata.

Sa ilalim ni Duterte, siyam na konsultant at dalawang personel ng NDFP sa peace talks ang inaresto, ikinulong at sinampahan ng gawa-gawang kasong kriminal. Isa sa pinakahuling kaso nito ang panghuhuli kay Ka Diego Padilla noong nakaraang Nobyembre. Bukod sa pagiging tagapagsalita ng NPA-Melito Glor Command, may papel na ginagampanan si Ka Diego sa pagtataguyod ng peace talks at pagtitiyak na nadadala ang karaingan ng mga mamamayan sa negosasyon.

Ang isa pang insidenteng nagpapakita ng kawalang-respeto ng reaksiyonaryong estado sa Jasig ay ang malagim na pagpatay noong January 2019 kay Randy Malayao na isa ring NDFP consultant. Isinagawa ito sa gitna ng pag-arangkada ng EO 70 at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ni Duterte.

PW: Nagpakana ang Malakanyang na gawing lokalisado ang peace talks at sinuportahan ng Department of National Defense at pangungunahan ng Interior and Local Government Sec. Eduardo M. Año kasama ang AFP. Sang-ayon ba kayo rito?

AC: Matagal nang ibinasura ng CPP-NPA-NDFP ang hamon ng GRP na mag-localized peace talks sa halip na ipagpatuloy ang kasalukuyang negosasyon sa pambansang antas. Hindi kayang lutasin ng lokalisadong mga usapan sa kapayapaan ang ugat ng armadong tunggalian dahil isang pambansang usapin ang paghahangad ng mga mamamayan para sa hustisyang panlipunan. Sa antas ng pambansang pag-uusap maaaring malutas lamang ang mga usapin ng pyudal na monopolyo sa lupa, pang-aapi at pagsasamantala sa mga manggagawa, kawalan ng serbisyong sosyal para sa mga mamamayan, pandarambong sa likas-yaman ng bansa ng malalaking dayuhang kapitalista at mga lokal na naghaharing-uri at paggigiit ng pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas mula sa di pantay na tratado sa US.

Paano malulutas ang mga suliraning ito sa pamamagitan ng mga lokal na negosasyon na gustong ipatupad ng GRP hanggang sa antas ng barangay? Paano mababago ng mga lokal na kautusan ang mga pambansang batas na nagpapahintulot sa mga problemang ito? Matibay ang ating batayan para ibasura ang localized peace talks, at nagkakaisa ang lahat ng rebolusyonaryong puwersa na wala ni isang papasok sa pakanang ito ni Duterte at ng buong Cabinet Cluster E nina Año, Esperon at Lorenzana.

Pambabastos ang localized peace talks sa peace process na matagal na pinagtrabahuhan kapwa ng GRP peace panel at NDFP. Patibong lamang ito ng AFP-PNP para pahinain ang mga yunit ng NPA sa mga teritoryong saklaw nito.

PW: Sa palagay n’yo ba makakamit ang kapayapaan sa ilalim ng administrasyong Duterte sa ginagawang pagpatay, pananakot o pagaresto, panununog ng mga kabahayan, masaker at aerial bombing ng AFP katuwang ang mga ahensiya ng gobyerno?

AC: Imposibleng magkaroon ng kapayapaan sa ilalim ng pasista at berdugong pangulo ng GRP. Ang mga karahasang nabanggit ang naghuhubad sa tunay na katangian ng rehimeng Duterte at ng mersenaryong AFP at PNP. Sila ay mga kontra-kapayapaan at tagapagtaguyod ng terorismo ng estado na may patung-patong na krimen sa mga mamamayan.

Ang mga atrosidad ng AFP-PNP laban sa mga mamamayan na ipinagtatanggol ng rehimen sa ngalan ng pagpuksa sa rebolusyonaryong kilusan at mga base nito ay higit lamang magpapaalab sa naghihimagsik nang damdamin ng mga mamamayan. Ang todo-gera sa kanayunan at pananalasa ng pasismo sa kalunsuran ang magtutulak sa mga mamamayan na lumahok sa digmang bayan.

PW: Mainit ang administrasyong Duterte sa media network na ABS-CBN-2. Ano sa palagay niyo ang dahilan ng pagsasampa ni Solicitor-General Jose Calida sa Supreme Court ng quo warranto laban sa network? May bahid ba ito ng pulitika?

AC: Si Calida ang asong tagasakmal ni Duterte sa kanyang mga kritiko at katunggali sa pulitika. Ginagamit ni Calida ang burges na batas bilang sandata para gipitin ang mga kalaban ni Duterte tulad ng ginawang pagsasampa ng quo warranto laban kay Chief Justice Serreno para patalsikin ito sa Korte Suprema. Sa ikalawang pagkakataon, ginagamit ni Calida ang quo warranto para ipawalambisa ng Korte Suprema ang prangkesa ng ABS-CBN at unahan na ipaubaya sa Kongreso—na hati-hati ang opinyon at tindig—ang resolusyon sa usapin.

Hindi lamang benggansiya ang motibo ni Duterte sa panggigipit sa ABS-CBN. Ang totoong nasa likod nito ay alisin ang kumpetisyon ng ABS-CBN para sa madulas na pagpasok ni Dennis Uy, isa sa mga kroni ni Duterte, na pinagnanasaang maging mayor na player sa industriya ng telekomunikasyon, media at entertainment business.

Mauunawaan natin sa kasong ito kung papaano ang operasyon ng burukrata-kapitalismo sa Pilipinas para seguruhin na walang balakid ang pagnenegosyo ng mga oligarkong kroni ng sinumang presidenteng nasa kapangyarihan. Mauunawaan din natin kung papaano tumatagos ang pulitika ng mga patron na nasa kapangyarihan sa larangan ng pagnenegosyo para tiyakin ang di matitinag na kontrol at paghahari ng malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa at mga burukrata sa lipunang Pilipino.

Dati pang ipinapakita ni Duterte ang pagkahilig sa kamay-na-bakal na paghahari para patahimikin ang mga kritiko. Banta sa kamay-na-bakal at tiraniyang paghahari ni Duterte ang isang malaya at kritikal na masmidya. Mababa ang kanyang pasensya sa mga kritisismo. Ito ang nais busalan ni Duterte tulad ng ginawa nyang bigong panggigipit kay Maria Ressa, Chief Executive Officer ng Rappler online news website.

Sa ikalawang pagkakataon, nais ni Duterte na kastiguhin ang ABS-CBN sa pamamagitan ng pagpapakilos ng kanyang mga aso sa OSG, DOJ at Kongreso. Ang ABS-CBN na pag-aari ng pamilya Lopez ay malapit sa dilawang oposisyon na tumitira sa gera kontra-droga at mga paglabag sa karapatang-tao ng administrasyon. Sa bibig din ni Duterte na nanggaling na may personal siyang vendetta sa ABS-CBN dahil diumano’y hindi inere ng istasyon ang kanyang mga political ad noong panahon ng eleksiyong 2016. Lahat ng ito’y nguygoy ng isang umaastang diktador na handang banggain pati ang kapwa niya reaksiyinaryo matiyak lamang na masolo niya ang kapangyarihan.

Pangulong Donald Trump ng US (kaliwa) at Pangulong Duterte ng Pilipinas: kapwa despotiko, ayon sa kanilang mga kritiko. <b>Malacanang Photo</b>

Pangulong Donald Trump ng US (kaliwa) at Pangulong Duterte ng Pilipinas: kapwa despotiko, ayon sa kanilang mga kritiko. Malacanang Photo

PW: Kung ibabasura na ang RP-US Visiting Forces Agreement (VFA) at may epekto sa loob ng 180 araw, ano sa tingin n’yo sa natitira pang mga tratado ng Pilipinas at US tulad ng Mutual Defense Treaty (MDT), Mutual Logistic Support Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)? Sa tingin n’yo ba, maggamit pa din ng US ang ating pasilidad at mga sundalo?

AC: Kailangan munang linawin na ang mga hakbangin ng rehimeng Duterte tungo sa pagbuwag sa VFA ay hindi pagpapakita ng makabayan at nagsasariling patakarang panlabas. Nakagawa si Duterte ng malaking miskalkulasyon na mapayuyukod ang US sa kanyang kagustuhan at makakuha ng mas malaking kapalit na konsesyon at ayudang militar sa banta nitong tapusin ang VFA.

Hindi niya inakalang mapapasubo siya sa kanyang pabigla-biglang desisyon na tapusin ang VFA. Batid ng US ang pinapasok na pampulitikang sugal ng rehimeng nilulubugan na ng araw. Nais ni Duterte na mapalawig pa ang paghahari sa pagpresyur sa US na magdagdag ng suporta para sa kanya o kung hindi makukuha ang gusto ay handang lubusang manikluhod sa China at sa iba pang imperyalistang kapangyarihan tulad Russia.

Kung sa paggamit ng mga pasilidad at pagpasok ng mga sundalo, wala pang kongkretong epekto ang mga bulalas ni Duterte kontra-VFA. Sa ngayon ay nagaganap ang Balance Piston exercises sa pagitan ng tropang US at AFP sa Palawan na nagpapakitang hindi pa napuputol ang pribilehiyo ng mga puwersang militar ng US sa bansa.

Ang MDT ang pundasyon ng relasyong militar ng US at Pilipinas. Ito ang nag-anak sa VFA at ang VFA naman ang sinasalalayan ng mga sumunod na kasunduan sa MLSA at EDCA. Kung tatapusin ang VFA pero mananatili ang MDT, walang signipikanteng pagbabago sa relasyong militar ng US at Pilipinas. Hindi malayong magpakana lang ng bagong tratado ang imperyalismong US na pampalit sa VFA kung magkaayos ang amo at tutang gobyerno. Hindi rin nangangahulugan ng agarang pagbasura sa EDCA ang pagbuwag sa VFA kaya mananatiling hawak pa rin ng US ang mga napagkasunduang base militar sa ilalim ng EDCA tulad ng Antonio Bautista Airbase sa Palawan, Basa Airbase sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Airport sa Cagayan de Oro at Benito Ebuen Airbase sa Mactan, Cebu.

Kakailanganin lang na magkaroon ng panibagong negosasyon ang US at Pilipinas kapalit ng “mainam-inam na bersiyon ng VFA” alinman sa natitirang panahon ni Duterte o sa susunod na papalit na rehimen. Alalahanin na ang AFP ay likha at matagal na sinanay ng US at ang mga heneral nito ay matapat sa geopolitikal na interes ng US kaysa interes ng Pilipinas. Nagkukumpulan din sa sangay ng ehekutibo, lehislatibo at hudisyal at sa malalaking negosyo ang mga Amboy at neoliberalista na sumasamba sa pagpapatuloy ng neokolonyal na patakaran ng US sa Pilipinas. Ngayon pa lamang malakas nang nagpapalahaw ang mga Amboy sa pagtutol na tapusin ang VFA.