Panggigipit sa mga detinidong pulitikal

0
171

Umalma ang mga grupong pangkara-patang pantao sa paglipat ng Estado sa mga detinidong pulitikal mula Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City patungo sa lokal na mga bilangguan labas sa Kamaynilaan tulad ng Laguna, Quezon, at Bulacan.

Inirekomenda ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa BJMP National Directorate ang paglipat mula Bicutan nina National Democratic Front (NDF) peace consultants Frank Fernandez, Cleofe Lagtapon at Adelberto Silva, mga unyonistang Oliver Rosales at Ireneo Atadero, mga agriculturist at magsasakang Edisel Legaspi at Maximo Reduta at drayber na si Julio Lusiana sa lokal na mga bilangguan.

Nauna nang nailipat si Rosales sa Malolos City Jail noong Disyembre 4.

Sinabi mismo ni BJMP National Chief Allan Sullano Iral na ang paglilipat ay bahagi ng “whole-of-nation approach” sa Executive Order No. 70. Naglabas din ng memorandum ang Department of National Defense na nag-uutos ng paghiwa-hiwalay ng mga detinidong pulitikal lalo na ng NDF peace consultants.

Para sa Kapatid, organisasyon ng mga kapamilya’t kaibigan ng mga detinidong pulitikal, hindi na nakuntento ang rehimen sa pagbilanggo sa mga tinitingnan nitong kalaban sa pulitika gamit ang gawa-gawang mga kaso, inimbentong mga testimonya at tanim-ebidensiya. “Nakikialam (pa) ito sa hudikatura, naghahabi ng kasinungalingan at lumilikha ng di-totoong mga senaryo.”

Higit na panggigipit

Para sa mga detinidong pulitikal, halata ang dahilan nito: para higpitan ang kanilang pagkilos at akses sa pagpapagamot, serbisyong legal, pagbisita ng kaanak at kaibigan.

“Nais pigilan ng Estado ang anumang lehitimo at nagkakaisang pagsisikap ng mga detinidong pulitkal kasama ang mga kapwa bilanggo na labanan ang kaaba-abang kondisyon (dito)…para ilagay sila sa mas mapanganib na sitwasyon,” ani Roneo Clamor, deputy secretary general ng Karapatan.

Kuwento ni Clamor, ang pagkakaisa ng mga detinidong pulitikal ang nagtulak sa BJMP na tanggalin ang di-makataong mga kalakaran tulad ng strip searches, kakulangan ng tubig at kuryente, at iba pa.

Ayon sa mga detinidong pulitikal, makatawiran ang kanilang “organisadong mga aktibidad.” Bukod sa paggigiit ng makataong kondisyon, kasama sa mga aktibidad nila ang pampulitikang mga talakayan kasama ang mga kapwa bilanggo o bisita, mga pagtitipon, paggawa ng mga produktong handicraft at iba pa.

Ayon sa Karapatan, 400- 600 porsiyento ang congestion sa mga city jail sa Manila, Quezon City at Region IV-A. Sa kalagayang ito, tinatayang 113 detinidong pulitikal ang maaapektuhan ang pangmatagalang kalusugan at kagalingan.

Pinangangambahan ng grupo na may panganib sa buhay ng mga detinidong pulitikal ang paglilipat sa kanila sa mga bilangguan na kasama ang kumon na mga kriminal. Di umano malayo na may niluluto ang rehime na planong asasinasyon sa mga detinidong pulitikal tulad ng nangyari kina dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at Genesis “Tisoy” Argoncillo na napatay habang nakakulong.

Dapat may sinusunod umanong international standards ang mga bilangguan tulad ng UN Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners.

“Dapat lagi nating alalahanin na ang pagbilanggo sa mga detinidong pulitikal ay isa mismong inhustisya. Kada araw sa bilangguan ay dumadagdag sa kamalian ng gobyerno sa (kanila),” ani Clamor. Aabot sa 629 ang detinidong pulitikal ngayon. Sa bilang na ito, 382 ang naaresto sa panahon ni Duterte.