Para sa estudyante ng UP CMC

0
261

Paumanhin kung masyado akong partikular sa nais magbasa. May pinagdaraanan kasi ang mga estudyante ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa Unibersidad ng Pilipinas (University of the Philippines College of Mass Communication o UP CMC) kaya mainam na kausapin sila.

Oo, ikaw. Kumusta ka na? Huwag kang sumagot ng “okay lang po” dahil alam mong hindi puwedeng gamitin ang sariling “okay” sa panahong ito.

Napakabilis ng pangyayari, hindi ba? Parang kailan lang, nagkaroon ng walkout ang mga estudyanteng katulad mo hindi lang sa UP CMC kundi sa buong unibersidad noong Setyembre 20 para gunitain ang madilim na nakaraan ng Batas Militar. Pagkatapos ng aktibidad sa veranda ng ating kolehiyo, naglakad ang mga estudyanteng sumama sa kilos-protesta papunta sa Palma Hall.

Sa libo-libong estudyante ng UP na sumama sa walkout, hindi mo siguro makakalimutan ang isa sa kanila. Kilalang kilala siya. Lider-estudyante kasi. Mula sa pagiging konsehal sa University Student Council (USC) noon, pinili niyang bumalik sa UP CMC para maging vice chairperson naman ng lokal na konseho ng mga estudyante. Bukod sa konseho, aktibo rin siya sa iba pang organisasyon tulad ng SAMASKOM at, siyempre pa, ang pulitikal niyang partidong STAND UP. Sige, huwag din nating kalimutan ang fraternity niyang Sigma Rho.

Sa isang lipunang abnormal, naging “normal” para sa kanyang kumilos para baguhin ang hindi katanggap-tanggap. Isa ka ba sa mga hinikayat niyang sumama sa ilang aktibidad? O baka naman galit ka sa kanya dahil hindi ka niya pinapansin? Crush mo ba siya?

Paumanhin sa pabiro kong personal na tanong. Pero maging seryoso’t personal na tayo sa puntong ito: Ilang araw pagkatapos ng walkout, ano ang naging reaksyon mo nang kumalat sa social media ang screenshots ng group chat (GC) niya kasama ang ilang brod niya sa Sigma Rho? Nagulat? Nagalit?

Sa simula, may dahilan naman para magulat at magalit. Para sa isang aktibista, hindi katanggap-tanggap ang magkaroon ng mababang pagtingin sa kababaihan, pati na ang maluwag na pagtanggap sa hazing sa loob ng isang fraternity o anuman organisasyon. Aminin mo: Nag-iba ang tingin mo sa kanya. Ang dating mala-anghel na pagmumukha niya, nagkaroon na ng pangil at sungay.

Kasama ka ba sa mga nag-post sa iyong social media account para kondenahin siya? Gumamit ka ba ang maaanghang na salita? Tinawag mo ba siyang ipokrito o basura? Kung hindi, mabuti naman. Kung oo, mainam na magkaroon tayo ngayon ng maikling pagsusuri sa nangyari.

Deretsahin na kita: Cyber-bullying ang ginawa mo kung personal ang naging atake. Hindi nakakatulong ang paggamit ng mga salitang tulad ng ipokrito o basura sa pagpapaliwanag ng pagsusuri mo. Ang tanging resulta ng post mo ay makasakit ng damdamin kapalit ng reaksyon o komento ng iba pang social media user. Hindi mo dapat ikatuwa kung nag-viral ang mga sinulat mong ganito.

Bagama’t mahirap paghiwalayin ang kritisismo sa mismong tao at sa kanyang aksyon, masasabi nating cyber-bullying ang nilalaman ng isang social media post kung hindi nito napapataas ang diskurso at ang tanging “kontribusyon” lang nito ay gatungan ang emosyong namamayani sa pagkakataong iyon.

At dahil ang panggagatong ay humantong sa isang napakalaking apoy ng tila nagkakaisang galit sa kanya at sa mga brod niya, hindi na nakakagulat kung ang pakiramdam ng dating iniidolo mong lider-estudyante sa UP CMC ay pinagkaisahan na siya. Akala siguro niya, wala na siyang makakausap sa kampus. Dahil sa nilalaman ng screenshots na nagpapakita ng hindi magandang gawi ng isang aktibista, ang pangkalahatang tingin sa kanya ay, gaya ng mga salitang nabanggit kanina, ipokrito at basura.

Sa gitna ng namuong galit sa maraming tao (malamang kasama ka rito), may dalawang bagay na baka nakaligtaan: (1) Nangyari ang GC hindi kamakailan lang kundi ilang taon na ang nakalipas; at (2) Bago ikinalat ang GC sa social media, matingkad ang usapin ng hazing hindi sa UP kundi sa Philippine Military Academy (PMA). Kaya may dalawang pundamental na tanong sa puntong ito: (1) Kung ang GC ay nangyari noon pa, posible kayang nagbago na ang dating hindi katanggap-tanggap na perspektiba ng mga sangkot sa isyu? (2) Sa kasalukuyan, sino ang makikinabang kung ang pampublikong atensyon sa isyu ng hazing ay mapupunta hindi sa PMA kundi sa UP?

Tandaan mong kumalat ito noong huling linggo ng Setyembre, sa panahong may isa pang kilalang aktibistang kumikilos sa sektor ng transportasyon na inakusahan ng sexual harassment ng isang dating kapwa aktibista. Bagama’t ang nabanggit na harassment ay nangyari ilang taon na ang lumipas, lumitaw ang isyu sa panahong inoorganisa ang malawakang tigil-pasada.

Sa pagsusuri ng konteksto, mahalaga talaga ang tinatawag sa wikang Ingles na “timing.” May nagsasabi pa ngang kung nais maging epektibo ang diseminasyon ang anumang balita (totoo man o hindi), “Timing is everything.”
Puwede mong sabihing nagkataon lang ang isyu ng “timing” sa pagpapakalat ng GC sa social media, pero hindi ba’t kailangang malalimang pag-isipan kung bakit itinaon ito ilang araw pagkatapos ng malawakang walkout ng mga estudyante? Kung ikaw mismo ang nag-screenshot nito ilang taon na ang nakalipas, hindi ba’t natural lang na inilabas mo ito noon pa? Pero alam mong malayo sa “natural” ang nangyayari sa puntong ito. Kung sinuman ang nagpakalat ng GC sa social media, malamang na matagal na niya itong hawak at, kumbaga sa laro ng baraha, ito ang isa sa mga alas na bibitawan niya sa “tamang pagkakataon.”

At ano naman ang ibinunga ng tamang pagkakataong iyon? Bumulaga na lang atin ang balita tungkol sa isang lider-estudyante ng UP CMC na wala nang buhay. Huwag na nating pag-usapan pa ang detalye ng kanyang pagkamatay dahil mas mahalagang pagtuunan ng pansin hindi lang siya kundi ikaw.

Muli, kumusta ka na? Dinaramdam mo ba ang kanyang kinahinatnan? Kahit ako, medyo naiiyak habang sinusulat ito. Mahirap bang iproseso ang mga napakabilis na pangyayari? Kahit ako, medyo nahihirapan kaya natagalan akong isulat ito. Ano kaya ang puwede mong gawin sa gitna ng mga napakabilis na pangyayari? Sa totoo lang, marami.
Una, mag-usap tayo. Ikalawa, mag-imbestiga pa tayo. Ikatlo, kumilos tayo. Siyempre, mahalagang magpuna ka sa sarili kung sa tingin mo’y may “kasalanan” ka sa nangyaring cyber-bullying, Pero huwag nating kalimutan ang isang mahalagang tungkulin sa susunod na hinaharap: Hindi dapat manatiling sikreto ang konteksto ng kanyang pagkamatay.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Para sa estudyante ng UP CMC appeared first on Bulatlat.