Lantad na lantad na ang pasistang katangian ng rehimeng Duterte. Ga-hibla na lang ang nalalabi upang sabihing pormal na ang pag-iral ng Martial Law sa buong bansa.
Palibhasa’y dalawa’t kalahating taon na lang ang nalalabi sa kanyang termino, naghahabol si Duterte upang ilusot at maipatupad ang mga krusyal na mga diktang neoliberal ng amo nitong imperyalismong US at matiyak ang ganansya niya at kaniyang pamilya at mga alipores nito.
Nagkukumahog ang rehimen upang itulak ang Build Build Build bilang pangunahin nitong programang pang-ekonomiya. Sige-sige ang pagbuyangyang sa ekonomiya para sa mga dayuhang mamumuhunan, pandarambong sa kalikasan, pagbenta sa mga natitirang pampublikong institusyon at iba pang pag-aari, at iba pang neoliberal na mga konseptong lumalabag sa karapatan at nananalasa sa kabuhayan ng milyon-milyong mamamayan.
Alam ng rehimen na kakaharapin nito ang paglaban ng mamamayan. Ramdam nito ang lumalakas na oposisyon sa diktadurya, paglaban sa pekeng giyera kontra-droga, paglaban sa mga hungkag na mga proytektong imprastratura tulad ng Kaliwa at Chico Dam, paglaban sa Rice Liberalization Law at marami pang ibang kainutilan ng gobyerno.
Kaya nagpapaka-bihasa ito sa paggamit ng mga mapaniil na aparato ng estado – ang militar at kapulisan, mga batas, ang korte at mga kulungan at iba pa para maampat ang pagtindig ng mamamayan para sa kanilang mga pang-ekonomyang pakikibaka man o ang paglaban sa pasismo at diktadura.
Itinaas na ng rehimen kamakailan ang ante ng pasismo nito. Sa pamamagitan ng National Task Force To End Communism at ang whole-of-nation approach nito, sinimulan na ang malawakang crackdown sa mga progresibong organisasyon.
Ipinipilit ng rehimen ang palyado nitong naratibong mga communist fronts ang mga organisasyon masa, tinataniman ng baril at explosives bilang ebidensya at sinasampahan ng gawa-gawang kaso upang mapiit ang mga aktibista. Bukod pa ito sa lantarang pandarahas tulad ng pagbuwag sa welga ng mga manggagawa sa Regent, Pepmaco, Nutriasia at iba pa at ang pamamaslang sa mga aktibista at sibilyan gaya ng mga kaso sa isla ng Negros, Bukidnon, Bikol at iba pang rehiyon.
Hindi dapat kalimutan ni Duterte at mga alipores nito na hangga’t isinusulong nito ang mga kontra-mamamayang mga patakaran, tulad ng neoliberalismo, patuloy na may magbabangon. Anumang pagsikil nito sa mamamayan, patuloy itong magpupunyagi sa paglaban.