Pederalismo Mismo

0
222

Bagamat may panahong maingay at may panahong tahimik, tuluy-tuloy ang rehimeng Rodrigo Duterte sa pagtutulak ng pederalismo. Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address, sinabi ni Duterte na ito ang porma ng gobyerno na “tunay na kakatawan sa mga prinsipyo at mithiin” ng lahat ng Pilipino at lilikha ng mga oportunidad para sa pag-unlad. Mga pahayag itong masyadong pangkalahatan, wala na tuloy kabuluhan.

Ang sinabi niya na malapit sa kongkreto: ang kawalan ng pag-unlad ng Mindanao, na umano’y naiwan ng Metro Manila. Totoo bang umangat ang Metro Manila? At dahil ba sa pag-iwan nito sa Mindanao? Sa ganitong mga paawa at pangonsensya nakasandig ang propaganda ng rehimen para sa pederalismo. Bukod pa sa bulgar na kababawan gaya ng ipinalabas nina Mocha Uson at Drew Olivar noon mula sa Presidential Communications Operations Office.

Sa ganitong kalagayan makikita ang halaga ng Debate on Federal Philippines: A Citizen’s Handbook, manipis na aklat na inilabas ng Bughaw ng Ateneo de Manila University Press nitong 2017. Laman nito ang mga sanaysay ng anim na maituturing na “eksperto,” mga nag-aral ng pulitika at ekonomiya, tungkol sa pagsisikap na gawing pederal ang porma ng gobyerno ng bansa. Dito, mas mauunawaan ang mga tunay na batayan ng mga pabor at tutol sa pederalismo bilang porma ng gobyerno.

Sa kagyat, ang pederalismo ay isang porma ng gobyerno na nagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan — sa antas-rehiyon, ayon sa mga nagsusulong nito ngayon — kumpara sa pambansang pamahalaan. Taliwas ito sa porma ng gobyerno na tinatawag na “unitaryo,” na siyang mayroon sa bansa ngayon, kung saan nakakonsentra ang kapangyarihan sa pambansang pamahalaan. Kailangang nakatadhana sa konstitusyon ng isang bansa ang pagkakaroon ng ganitong gobyerno. Iba pang usapin ang presidensyal kontra parlamentaryo.

Sa ngayon, malaganap ang pagtutol sa pederalismo dahil dikit ito sa maraming masasamang bagay: pagtagal sa kapangyarihan ni Duterte, pagtindi ng panunupil niya sa bansa, pagbalik sa kapangyarihan sa mga Marcos, pagsuko ng mga teritoryo ng bansa sa China, pagbenta ng bansa sa mga dayuhan, pagpasok ng mga dayuhang kagamitang pandigma sa loob ng bansa, at iba pa.

May kabuluhan pa rin ang Debate on Federal Philippines, gayunman. Bukod sa nakakadagdag ito sa kritikal na pag-unawa sa dominanteng pulitika at gobyerno sa bansa, sa pangkalahatan ay maipapakitang mas kapaki-pakinabang ito sa mga kritikal at tutol sa pagtutulak sa pederalismo ng rehimeng Duterte.

Ang unang aasahan sa librong ganito ay ang pinakamatitibay na dahilan para isulong ang pederalismo sa Pilipinas. Pero rito, lumalabas na hindi rason o batayan ang kalakasan ng kampanya para sa pederalismo, kundi kwento.

Kesyo panahon pa ng mga Espanyol ay unitaryo na ang porma ng gobyerno ng bansa, pero nananatiling mahirap ang nakakaraming Pilipino. Kesyo nasimulan na ng Local Government Code ng 1991, sang-ayon sa Konstitusyon ng 1987, ang desentralisasyon at pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at dapat lang itong iabante ngayon — hindi lang sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagong batas, kundi ng pagbago sa mismong konstitusyon. Kesyo matagal nang nakakonsentra ang kapangyarihan sa Metro Manila at panahon na para ibahagi ito sa iba’t ibang parte ng bansa.

Sabi ni Julio C. Teehankee, na pabor sa pederalismo, “Nang makamit ng bansa ang kalayaan noong 1946, nainstitusyunalisa na ng unitaryong estado ang lohika ng pagpiga (extraction) para paglingkuran ang naghaharing elite at ang kanilang mga kolonyal na amo.” Dagdag niya, “ang mga lokal na pamahalaan ay patuloy na institusyunal na nakagapos sa isang domestiko-kolonyal at labis na sentralisadong istruktura.” Sabi pa niya, “Simula noong 1970s, hindi pa nakakaranas ang Pilipinas ng tuluy-tuloy na panahon ng pag-unlad. Bumagsak ang momentum ng paglago noong 1980s at nagpabagu-bago noong 1990s.” Kapansin-pansing tunog-radikal at parang aktibista ang mga sinabi niya.

Ang problema sa libro, ang mga pabor sa pederalismo — pangunahin si Jonathan E. Malaya na assistant secretary ng Department of Interior and Local Government sa gobyernong Duterte — ay tumutok sa pagpapatupad, hindi dahilan, ng pederalismo: kung paano ito mainam na mapapagana, hindi kung bakit mas mainam ito. Ang konsentrasyon ba ng kapangyarihan sa “imperial Manila” ang ugat ng kahirapan sa bansa? Kapag napalakas ba ang mga lokal na pamahalaan ay magkakaroon na ng kaunlaran? Hindi tinumbok ang magkakambal na tanong na ito, hindi sinikap bigyan ng matalas na sagot ng mga pabor sa pederalismo.

Sa isang banda, inilatag ni Gilberto M. Llanto, na nagsikap maging balanse, ang mga batayan sa pagtutulak ng sistemang pederal: pagpapahusay sa “paghahatid ng mga serbisyong panlipunan at pagpapatupad ng mga regulasyon” sa mga rehiyon, pagtugon sa “lokal at panrehiyong kaunlaran.” Magkakaroon aniya ng gobyernong mas malapit sa mga mamamayan, mas may pananagutan at mabilis tumugon sa publiko, at kung saan mas may “impluwensya ang mga mamamayan.”

Pero ang mas matatandaan ng mambabasa pagkatapos basahin ang libro ay ang mga dahilan para tutulan o kwestyunin ang pagtutulak ng pederalismo. Tampok dito ang paglilinaw ni Paul D. Hutchcroft, na tutol, kontra sa kwento ng mga pabor: bagamat unitaryo ang porma ng gobyerno, malakas ang mga cacique, ang mga dinastiyang pulitikal, sa mga probinsya’t rehiyon kaya makabuluhan din ang kapangyarihan na nasa labas ng Maynila. Dagdag pa niya, kumpara sa mga karatig-bansang Thailand, Indonesia at Malaysia, ang Pilipinas ang pinaka-desentralisadong gobyerno sang-ayon sa iba’t ibang pamantayan.

Ang matatandaan pa ay ang mga problemang HINDI malulutas ng pederalismo. Ayon kay Llanto, batay sa karanasan sa pagpapatupad sa LGC ng 1991, hindi nalulutas ng desentralisasyon ang hindi pantay na paghahatid ng serbisyo publiko at ang pagpapahusay sa lokal na pamamahala at pananagutan (accountability). Kahit si Teehankee, nagsasabing 62% ng Gross Domestic Product ng bansa ang galing pa rin ng Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon lamang — sa kabila ng halos tatlong dekada ng desentralisasyon.

Ayon naman kay Ronald U. Mendoza, nagsikap maging balanse, sa kabila ng desentralisasyon, pagdating ng taong 2040, mahahawakan ng mga dinastiyang pulitikal ang 70% ng lahat ng pwesto sa mga lokal na pamahalaan. Sa nakaraang dekada, aniya, tumaas ito mula sangkatlo patungong kalahati. Ibig sabihin, patuloy ang konsentrasyon ng pwesto sa gobyerno sa mga makapangyarihang pamilya pulitikal sa bansa. Wala rin aniyang garantiya, batay sa karanasan ng bansa sa desentralisasyon, na mababawasan ang korupsyon kapag naging pederal ang gobyerno.

Sa kabilang banda, kinilala niya ang tulong ng pederal na porma ng gobyerno sa pagharap sa mga kilusang sesesyunista sa iba’t ibang panig ng mundo. At ito siguro ang isang bagay na maaaring kilalanin sa pederalismo kahit sa ilalim ng kasalukuyang pulitika at gobyerno.

Halatang iritado si Hutchcroft sa pagbasag sa mga mito tungkol sa pederalismo. Aniya, walang siyentipikong batayan para sabihing malulutas nito ang mga sumusunod: ang kawalan ng kapayapaan sa Mindanao (hindi ito tugon sa usapang pangkapayapaan), pulitika ng patronage (magkakaroon lang ng bagong “palaruan” ang mga naghahari), paglakas ng oligarkiya (kung ang problema ay sa antas-pambansa, dapat sa ganoong antas din ang solusyon), kawalan ng kaunlaran (mananatili ang sistemang pang-ekonomiyang umiiral ngayon), at kawalan ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga rehiyon sa bansa.

Dahil ipinapakita ng libro na (1) hindi mahusay ang mga batayan pabor sa pederalismo, at (2) mapapasinungalingan maging ang naturang mga batayan, lalabas na walang solidong mabuting batayan ang rehimeng Duterte para itulak ng pagpapalit ng porma ng gobyerno. Dahil dito, lalong nagiging kapani-paniwala ang masasamang motibo ng rehimen na sinasabi ng mga kritiko nito.

Makikita rin sa libro ang mga itinuturing na suliranin ng mga awtor sa kasalukuyang sistemang pampulitika at gobyerno sa bansa. Para kay Mendoza: mahihinang partido pulitikal, kawalan ng regulasyon sa mga dinastiyang pampulitika, at pulitika ng patronage.

Para kay Eduardo Araral, Jr., hindi sapat ang paglipat sa pederalismo at kailangan sabayan ng mga sumusunod: pagpalit ng mga partido pulitikal sa mga pampulitikang dinastiya, paglipat sa semi-presidensyal na porma ng pamahalaan para matiyak ang istabilidad ng transisyon, pagkakaroon ng proportional representation gaya ng Japan para mapalakas ang mga partido, at pagpapalakas ng pamamahala sa mga rehiyon sa pamamagitan ng Commission on Audit at Civil Service Commission.

Lahat ng ito, tinutumbok ang “oligarkiya” o ang mga naghaharing uri na kinikilala ng marami sa mga awtor bagamat sa iba’t ibang katawagan. Ang uring ito, sa pagsusuri ng mga maka-Kaliwa, ay binubuo ng malalaking kapitalistang komprador at panginoong maylupa na sunud-sunuran sa imperyalismong US. Sila ang may kontrol sa ekonomiya at pulitika. Interes nila ang nasusunod, hindi ang mga prinsipyo ng mga partido pulitikal; sila rin ang nakikinabang at nagpapanatili ng sistema ng patronage.

Kapansin-pansin sa mga awtor ang kawalan ng pagsisikap na iugnay ang usaping pampulitika na pinapaksa nila sa mga usaping pang-ekonomiya. Ang mga pabor sa pederalismo, sa paniniwala nilang magdudulot ito ng kaunlaran, ay maipagpapalagay na naniniwalang nasa pulitika ang kalutasan ng ekonomiya. Kakatwa ito para sa mga maka-Kaliwa na mga mag-aaral ni Karl Marx, na naniniwalang hinuhubog ng ekonomiya ang pagtakbo ng pulitika sa isang sistemang panlipunan.

Ang mga pumasok sa larangan ng ekonomiya, ang ilang awtor na kritikal sa pederalismo, sa proseso ng paghahapag ng solusyon sa oligarkiya sa bansa. Mendoza: “mga reporma… na nagpapalaya sa ekonomiya sa labis-labis na hadlang sa kumpetisyon sa mga susing sektor (kadalasang minomonopolyo ng mga lokal at pambansang elite).” Hutchcroft: “Kung kokontrolin ang oligarkiya, ang unang hakbang ay ang palakasin ang kapasidad ng sentral na pamahalaan na isulong ang kumpetisyon sa merkado at hadlangan ang mga dominanteng kartel at duopoly na humahadlang sa inclusive growth.”

Para sa kanila, ang solusyon sa oligarkiya sa bansa ay pagpapasigla ng kumpetisyon sa iba’t ibang larangan ng ekonomiya. Sa aktwal, walang ibang kahulugan ito kundi ang pagpasok ng mga dayuhang oligarkiya o ibang bahagi ng lokal na oligarkiya sa naturang mga larangan. Isang halimbawa ang posibleng pagpasok ng bagong oligarko bilang ikatlong kumpanya sa telekomunikasyon. Maaaring mabago nito ang mukha ng mga oligarkiya sa bansa, pero mananatiling mayroong oligarkiya.

Mas mahalaga, makikitang ang lokal na oligarkiya ay hindi kakumpetisyon ng mga dayuhang monopolyo kapitalista, kundi kasapakat nila. Ang mga burges-komprador sa bansa, tagapagpadaloy at karugtong ng negosyo ng mga monopolyo-kapitalista. Maliit na lang ang seksyon ng ekonomiya na hindi pwedeng pasukin ng dayuhang pamumuhunan, at kahit dito’y naiikutan ang batas.

Anu’t anuman, makakasundo ng mga maka-Kaliwa ang mga awtor sa pagtumbok sa isang pangunahing suliranin sa pulitika at gobyerno — at maging ekonomiya — ng bansa: ang paghahari ng oligarkiya, ng mga naghaharing uri. Pero maghihiwalay sila ng landas pagdating sa tinitingnang solusyon. Ang isang landas, reporma; ang isang landas, rebolusyon.

Sa halip na magtangkang lunasan ang mga sakit ng sistema — lalo na sa pagsandig sa oligarkiyang mismong may kagagawan nito — mas tumitindig ang mga maka-Kaliwa sa pagbabagsak sa naturang sistema. Ang kailangan, para mabago ang pulitika at gobyerno, ay tanggalin sa paghahari ang mga komprador at haciendero at palitan sila ng masang anakpawis at sambayanan. Pero para sa mga maka-Kaliwa, hindi lang ito pagpapalit ng uring naghahari sa bansa, kundi pagwasak sa lumang makinarya ng Estado sa pagluluwal ng mas masaklaw na demokrasya.

Sa pinakamainam, ang pederalismo bilang porma ng gobyerno ay pagsisikap na isabuhay at paunlarin ang demokrasya. Kaya rin siguro palagiang usapin ang pederalismo bersus unitaryo. Sa antas ng teorya, magkaugnay at nagtutulungan ang pagpapalakas sa mga lokal na pamahalaan at ang pagsigla ng demokrasya sa batayang antas.

Sa ganitong pag-unawa, maaaring maging bukas ang isip ng mga maka-Kaliwa sa pederalismo, o sa demokratikong diwa nito — hindi sa ilalim ng oligarkiya kung saan peke ang demokrasya, kundi sa ilalim ng uring anakpawis at sambayanang Pilipino, kung saan totoo ang demokrasya. Sa sosyalismo, sabi ni Vladimir Lenin sa State and Revolution ng 1917, “titindig ang masa ng populasyon sa independyenteng paglahok, hindi lang sa pagboto at eleksyon, kundi sa araw-araw na pangangasiwa ng Estado. Sa sosyalismo, ang lahat ay mamamahala at agad na masasanay sa kalagayang walang namamahala.”

Matatandaang pederal ang porma ng gobyerno ng sosyalistang Unyong Sobyet, bagamat mas pagharap ito sa maraming nasyunalidad at grupong etniko na saklaw nito. Mayaman naman ang praktika ng sosyalistang China sa pagtatayo ng mga komuna o commune — na pinapatakbo ng uring anakpawis at nagsikap pag-ugnayin ang industriya at agrikultura, ang lungsod at ang nayon, bukod pa sa paggawang manwal at mental. Ang lahat ng ito, syempre pa, ay dedepende sa mga pangangailangan ng paglaban sa mga kaaway ng sosyalismo sa loob at labas ng bansa.

Marahil, sa isang tunay na malaya at demokratikong Pilipinas sa hinaharap lang mabibigyang-buhay ang pinakamainam sa pederalismo. Sa isang Pilipinas na pinaghaharian ng mga dayuhan at iilan, mananatili itong isang pekeng solusyon, kundi man modus operandi para sa mas maiitim na balakin ng mga naghahari.

Sa dulo, positibo ang maagap na paglalabas ng Debate on Federal Philippines na sumasangkot sa isang mainit at hindi masyadong napag-aaralang usaping pambansa. Positibo rin ang pagsisikap na ilahad ang panig ng kapwa pabor at kontra sa pederalismo — sa ganito, mas nanaig ang matibay na tindig ng mga kontra. Mauunawaan ang Ingles nito ng mga Pilipinong nakapag-aral.

Nakakalito, gayunman, ang pormat na mala-praymer, na may mga tanong hanggang numero 38 na tumatagos sa sanaysay ng bawat awtor — na para bang umaabante sa bagong paksa ang bawat awtor, gayung hindi dapat sa pormat ng debate na siyang mas mainam. Matikas ang disenyo, latag at pagkakalimbag ng aklat; abot-kaya ang presyo; at dapat bigyan ng bonus ang proofreader.

12 Nobyembre 2018