Pekeng lamay, libing raket ng pulis, militar

0
202

Hindi na lang sindikato ng sugal lang ang may pekeng lamay para magpasakla at patupada. Pati kasi ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), ginagamit na rin umano ang modus operanding ito sa kanilang programa kontra-insurhensya.

Kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang AFP Southern Luzon Command (AFP Solcom) sa umano’y pagpapakana nito ng “pekeng lamay at libing” para sa mga pinatay na magsasakang sina Emerito Pinza at Romy Candor na ipinakilala rin ng AFP bilang mga rebelde.

Ibinalita ng Philippine Information Agency (PIA) noong ika-31 ng Enero 2020 ang pagbibigay ng disenteng libing ng PNP Region 4A Office (PRO4A) sa dalawang napatay na mandirigma ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Kalayaan, Laguna. Nakipag-ugnayan din umano ang PRO4A sa pamilya ng mga nasawing rebelde at nagbigay ng “burial assistance”.

Pero ayon sa KMP, peke ang libing at pagbansag sa dalawa bilang mga rebelde. Hindi kasi umano totoong nakipag-ugnayan ang mga otoridad sa pamilya nila Pinza at Candor at nagdaos lang ng gawa-gawang libing kasama ang mga nagpanggap na kaanak ng dalawang napatay na magsasaka. Iginiit din ng KMP na posibleng ibinulsa lamang ng mga sundalo ang burial assistance na ibinigay sa nagpanggap na pamilya ng dalawa.

Giit pa ng KMP, sina Pinza at Candor ay hindi mga NPA kundi mga magsasaka at organisador ng Pinagkaisang Ugnayan ng mga Magsasaka sa Laguna (Pumalag).

Ayon kay Danillo Ramos, tagapangulo ng KMP, “Bukod sa pamemeke ng litrato ng mga pekeng sumukong rebelde, ginagawa na ngayon ng militar ang mga pekeng lamay at libing para sa mga pekeng rebelde,”

Dagdag pa ni Ramos, hindi na umano nakuntento ang AFP sa kanilang malaking badyet at dagdag-sweldo, ginawa pa umano nitong raket na pinagkakakitaan ang programa kontra-insurhensya ng gobyerno.

Noong Enero 17, itinalaga bilang kumander ng AFP Solcom si Major General Antonio Parlade na unang nakilala bilang susing opisyal sa likod ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na kilalang notoryus sa pagpapakalat ng fake-news at red-tagging sa mga personalidad at organisasyong kritikal sa administrasyong Duterte.