Pilipinas bilang pasugalan ng China

0
317

Matutumbasan ba ng bilyong piso na sinasabig pinapasok ng Philippine offshore gaming operators (POGO) sa bansa ang kaliwa’t kanang kontrobersiya na kinakaharap ngayon ng Pilipinas dala nito?

Nagsimula ito sa pagtaas ng presyo ng mga apartment at condominium noong 2017 dahil sa dagsa ng dayuhang mga empleyado na kalakha’y Tsino, hanggang sa napabalitang may sex trafficking, na humantong na ngayon sa pagkakaroon ng panunuhol na mukhang pastillas at pagpapasara ng POGO na hindi nakapagbayad ng higit P114- Milyon sa buwis.

Ilegal ang pagsusugal sa China. Kaya ganoon na lang kung makadepende ang gobyerno sa online na pagsusugal ng mga dayuhan sa Pilipinas. Dahil malaking bahagi ng mga manlalaro ay Tsino, Tsino rin ang kalakhan ng mga trabahador ng POGO dahil sa pagkatuto sa wika. Ang perang inaasahang ipinapasok ng POGO sa Pilipinas ay mas nagmumula sa buwis, imbis na sa pasahod na pwede sanang maatim ng kapwa mg Pilipino.

Pero bukod pa sa mga isyu sa regulasyon na kinakaharap ng mga POGO, nariyan din ang epekto nito, direkta man o hindi, sa mga polisiya at panukala sa bansa.

Nariyan ang pagsuporta ng Department of Education sa pagkatuto ng mga guro sa Pilipinas ng Mandarin, na, ayon kay Briones, ay magpapaangat ng kalidad ng edukasyon ng bansa. Puwede ring maisama sa suri ang pag-aalangan ng gobyerno lumikha ng komprehensibong tugon sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) at pati na rin ang umaalingawngaw na isyu ng porsiyento ng pagmamay-ari ng dayuhan sa mga kompanya sa bansa.

Sa pagtataya ng ilang umuusisa sa ekonomiya, hindi malabong manliit ang naiaambag ng Business Process Outsourcing (BPO) sa perang naipapasok ng bansa kumpara sa naipapasok ng mga POGO. Ang pagkakapareho naman ng BPO at POGO ay ang kawalang ambag sa pambansang industriyalisasyon at pangmatagalang pag-abante ng Pilipinas. Nariyan nga’t nakakapag-ambag sa usaping pagrenta ng espasyo at pagdagdag ng ilang empleyadong Pilipino, hindi maikakailang nakasandig pa rin ito sa hanap-hanap na murang lakas-paggawa ng mga dayuhan.

Imbes na payabungin ang angking kakayahan ng mga Pilipino bilang pagdiriwag sa kultura at paggamit ng materyales sa komunidad, sa pagkampanya sa pananatili ng POGO, patuloy na umaasa ang bansa sa pagtangkilik ng dayuhan sa mga likhang sila lang rin naman ang nakikinabang.