Pinas, kulelat sa SEA – sa usapin ng sahod

0
163

Sa panahong ng hosting ng Pilipinas sa Southeast Asian (SEA) Games, napag-alamang kulelat ang bansa sa usapin ng dagdag-sahod sa mga manggagawa sa buong Southeast Asia.

Ito ang inilabas kamakailan ng isang kolumnista ng Philippine Star na si Elfren Cruz, batay diumano sa sinabi ng senior economist ng World Bank na si Rong Qian, noong briefing ng Management Association of the Philippines kamakailan.

“Sa totoo, ang penomenon na itong nakikita ninyo, ang totoong taas-sahod sa pagitan ng 2000 at 2016, ang growth rate sa Pilipinas ay zero. At itong ganito hindi natin nakikita sa ibang bansa, lalo na sa developing countries,” sabi raw ni Qian, sa wikang Ingles, ayon kay Cruz.

Samantala, lumabas sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Station (SWS) na umaabot na sa 10 milyong Pilipino ang walang trabaho. Ito’y 23 porsiyento ng 44 milyong labor force sa buong bansa.

Sinabi rin ng SWS na 2.7 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho bunsod ng hindi na-renew ang kanilang kontrata. Sila ang tinatawag na “endo” o nagkaroon ng “end-of-contract.”

Run for wage hike

Kaya naman kinuha ng mga grupo ng mga manggagawa ang pagkakataong ito para magsampa ng petisyon sa Regional Tripartite Wage Board sa National Capital Region para sa dagdag-sahod. At dahil panahon ng SEA Games, ginawa nila ito sa pamamagitan ng ““Run-for-Wage-Hike”, noong Nobyembre 25.

Giit ng mga manggagawa, sa pangunguna ng Unity for Wage Increase Now (U-WIN), ang P750 minimum wage.

Ayon sa U-Win Alliance, hinihiling nila ang P213 na karagdagan sa arawang sahod mula sa kasalukuyang P537. Noong 2018, umabot sa P25 sa basic pay at P10 sa daily allowance lang diumano ang naidagdag sa sahod ng mga manggagawa. Kulang na kulang diumano ang kasalukuyang minimum wage sa P1,008 na cost of living para sa pamilya ng 5.

“Ang hinihiling namin ay bahagyang ginhawa para sa mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya para man lang maabot ang 75 porsiyento ng daily cost of living. Hindi pa nga ito pumapantay sa produktibidad ng aming paggawa,” ani Charlito Arevalo, tagapagsalita ng U-Win.

Ang P750 na minimum na sahod sa NCR ay ipinaglalaban din nilang maipatupad sa buong bansa sa pamamagitan ng pagsasabatas ng pagkakaroon ng National Minimum Wage.

Endo, kawalang-trabaho

Samantala, kinakaharap nga rin ng mga manggagawa ang malawakang kawalan ng trabaho katulad ng isiniwalat ng SWS sarbey.

“Wala tayong mga industriya na magbibigay ng trabaho sa mga mamamayan, at bigo ang gobyerno sa pagsisigurado ng trabaho para sa mga Pilipino sa pagpapatupad nito ng kontraktuwal na paggawa,” ani Elmer Labog, pambansang pangulo ng KMU, hinggil sa dahilan ng malaking bilang ng natanggal na manggagawa sa trabaho.

Binuweltahan din ng grupo si Duterte sa anila’y pagtataksil nito sa mga manggagawa sa pangakong wawakasasn ang kontraktuwalisasyon noong siya’y nangangampanya pa lang.

Para naman kay Jose Maria Sison, tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle, papalala ang tantos ng kawalan ng trabaho o kulang sa trabaho sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Aniya, 10 milyon o 23 porsyento ng 44 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho sa ikatlong kuwarto ng kasalukuyang taon. Dahil umano ito sa kalunos-lunos na sosyo-ekonomikong kondisyon sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Sison, interesante diumano na may 10 hanggang 12 milyong Pilipino25 porsiyento ng kabuuang populasyon – na sa labas, imbes na sa loob, ng bansa nakahanap ng trabaho. Kung susumahin aniya, mahigit-kumulang 50 porsiyento ng buong populasyon ang walang trabaho sa sariling nating bansa.