Matagal-tagal nang napapansin ang pagdagsa ng mga manggagawang Tsino sa Pilipinas.
Naging usapin sa publiko ang pananatili nila sa bansa at sa pagkuha sa kanila bilang lakas-paggawa para sa iba’t ibang proyektong pangimprastruktura. Pero ang kabilang bahagi ng pagdagsa ng mga Tsino: ang ang mga operasyong online gaming at gambling sa tulong ng rehimeng Duterte.
Tuon sa POGO
Unang binigyang buhay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) noong 2016 para makabuo ng patakaran sa noo’y hindi kontroladong mga operasyon ng online gambling at gaming sa bansa. Ayon sa listahang inilabas noong Hulyo 29, mayroong 57 offshore gaming operators sa bansa.
Hindi tulad ng karaniwang online games na nakatuon sa mga Pilipino bilang manlalaro, tanging mga banyagang manlalaro lang ang puwedeng makisangkot sa offshore gaming. Para ito sa mga dayuhang nakatira sa mga bansang ilegal ang sugal, tulad ng China.
Bago makapagsimula ang isang POGO sa bansa, kailangan muna nitong makakuha ng lisensiya mula Pinas, malawak na sugalan na ng mga Tsino sa Pagcor. Tulad rin ng ibang industriya, kailangan sumunod ng POGO operators sa mga batas ukol sa buwis.
Dito na nga nagkaroon ng isyu noong 2017 ang Pagcor. Sa pagsisiyasat ng Commission on Audit, lumabas na hinahayaan ng Pagcor makapagpatuloy ng aabot sa sampung buwan ang offshore gaming operators kahit hindi pa sila nakakapagbayad ng aabot sa P481.9-Milyon sa Pagcor. Bukod kasi sa buwis, kinakailangan magbigay ang mga operator ng porsyento ng kita at renewal fee sa Pagcor.
Para sa Pilipino
Sa nabisitang mga lokasyon ng POGO ng mga international at national na pahayagan tulad ng Los Angeles Times at Philippine Star, kapansin-pansin ang dami ng Tsinong manggagawa. Binansagan pa nga ng Los Angeles Times ang Pilipinas bilang “new casino” ng China.
Sa pagdagsa ng mga manggagawang Tsino sa bansa, dinaing na ibang Pilipino ang biglang pagtaas ng renta sa mga condominium at tirahan malapit sa mga POGO tulad ng Bay Area at Makati City.
“Dati, para sa ilang mga building, sapat na ang P1000 per square meter kada buwan pero para sa second quarter nakita naming na ang ibang building sa Bay Area, umaabot na sa P1,500 per square meter, o 50 porsiyentong pagtaas,” ayon sa Colliers International, isang real estate consultancy, sa panayam nila sa BusinessWorld.
Para naman sa Pagcor, maaari pang dalhin sa susunod na lebel ang pananatili ng mga Tsino sa pamamagaitan ng mga “Pogo hub”. Sa mga hub na ito kailangan mayroong opisina, tirahan, mapagkakainan,pamilihan, at iba pa.
Ilan sa pinaplanong pagtatayuan ng POGO hubs ang Clark Freeport at ang Kawit, Cavite. Kapag natuloy ang plano, magkakaroon ng komunidad sa mga lugar na ito ang mga manggagawang Tsino legal na nananatili sa bansa. Maganda rin itong balita para sa mga investor, higit lalo na sa China.
Nakababahala
Ngunit may mga Pilipinong nababahala pa rin sa mga hakbang na ito, kasama na ang mismong militar at pati na ang Senado. Ayon sa tagapagsalita ng militar na si Brig. Gen. Edgard Arevalo, may natatanggap silang panayam na “nililitratuhan ng mga turista ang naval installations (gamit ng hukbong-dagat) sa bansa.” Higit naman nilang ikinabahala ang balita ng konstruksiyon ng pangungunahan ng mga Tsino sa ilang isla sa bansa.
Pinatitignan na ng ilang senador ang pagpapatayo umano ng resort sa Fuga Island sa Babuyan at sa mga isla ng Grande at Chiquita ng Subic Bay.
“Pinoprotesta ang biglang pagdagsa ng Chinese investment at loans na may kapalit dahil sa kalakip nitong pang-aagaw ng lupain, epekto sa lupang ninuno, taliwas na mga kasun-duang pangkalakalan, at pananahimik ni Duterte sa harap ng mapanganib na pag-okupa ng China sa West Philippine Sea,” ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA.