Pulitikong VIPs inuuna sa Covid-19 testing?

0
194

“May araw na itinigil namin yung testing for the PUIs (persons under investigation) to give way sa mga ‘VIPs’ (very important persons).”

Ito ang sabi diumano ng isang health worker na nagtatrabaho sa laboratoryo ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa ilalim ng Department of Health (DOH), sa isang chat niya sa isang kaibigan sa Facebook messenger na siyang nagsapubliko ng kanilang pag-uusap.

Tinanong ng midya sa Viber group ng DOH ang naturang ahensiya tungkol sa screencaps ng chat na ito pero hanggang sa pagkakasulat ng artikulo, wala pa ring reaksiyon ang naturang ahensiya.

Patungkol ang pag-uusap sa mga VIP – mga senador, kongresista, mga kaanak nila, mga hukom ng Korte Suprema, opisyal ng Philippine National Police (PNP) at iba pang pulitiko – na gumamit ng test kits para malaman kung mayroon silang coronovirus disease-2019 (Covid-19).

Isa sa screencaps na lumaganap, chat diumano ng isang health worker na nagtatrabaho sa RITM ng DOH, nagtetest para sa Covid-19, at isang kaibigan.

Isa sa screencaps na lumaganap, chat diumano ng isang health worker na nagtatrabaho sa RITM ng DOH, nagtetest para sa Covid-19, at isang kaibigan.

Sa kabila ito ng pag-amin ng DOH sa kasalatan ng Covid-19 test kits ngayon. Ayon sa nasabing health worker , “(A)ng kapal ng mukha ng isang senador na magdemand ng ‘repeat test; to (en)sure na negative sila…Mga demonyo,” sabi niya sa chat.

Bilang patunay, nagpadala ang naturang health worker ng litrato ng sinasabing listahan ng mga VIP na nagpasailalim sa Covid-19 testing. Nasa naturang listahan sina Sen. Richard Gordon at asawa niyang si Katherine Gordon, Sen. Grace Poe, Sen. Mar. Pilar “Pia” Cayetano, Sen. Maria Imelda “Imee” Marcos, Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta, isang Hernandez L. Peralta, at PNP Chief Justie Archie Francisco Gamboa at asawa niyang si Rozanne C. Gamboa.

“Hindi makapagreklamo yung mga nasa lab, kasi ayaw din naming madamay yung testing pagnagkataon,” sabi pa ng naturang health worker.

“(N)agsesend lang sila ng samples dito sa RITM, at may instructions na iprioritize sila over sa samples ng mga may malalalang symptoms,” sabi pa niya.

Ibinunyag pa niya na sa bawat VIP na nagpapasagawa ng testing, nilalagyan ng “E” sa dulo ang testing code – para matukoy na VIP umano ang nagpapasagawa ng test at kailangang unahin.

Pero sinabi pa ng naturang health worker na noong gabing nagkaroon na siya ng duty sa laboratoryo, “wala na yung mga special codes, wala na raw kasing VIP treatment kasi nga nagreklamo na mga tao. Pero nakahalo pa rin yung samples nila sa normal samples.”

“The fact na nandun pa rin sila kahit hindi sila pasok sa algorithim ay malaking panggagago sa amin sa lab,” aniya.

Screencap ng FB post ni Sen. Francis Tolentino, bago ito binura.

Screencap ng FB post ni Sen. Francis Tolentino, bago ito binura.

Ang ibig sabihin umano ng “hindi pasok sa algorithim” ng RITM ay wala silang sintomas, hindi sila PUIs o kahit PUMs. Ibig sabihin, hindi sila kailangang ipa-test para sa impeksiyon sa Covid-19.

“Ang katwiran ni (DOH Sec. Francisco) Duque (III), marami naman daw kits na parating. Almost 80K. Pero ang sa amin, nasasayang lang yung opportunity cost na we’re testing for the PUIs instead na sa kanila. Buti sana kung isa lang sila, pero no—buong pamilya. Paano na yung mga taong in need na malaman yung resulta. Sobrang nakakasuka na talaga,” sabi pa ng naturang health worker.

Nauna nang kumalat ang larawan ng common law wife ni Duterte na sina Cielita “Honeylet” Avancena at Veronica “Kitty” Duterte na nagpasailalim sa Covid-19 test.

Nauna ring nagpaskil ng larawan sa kanyang Facebook page si Sen. Francis Tolentino, alyado ni Duterte, na nagpasailalim sa Covid-19 test sa kanyang bahay. Binura na ni Tolentino ang naturang post.