Aksaya sa pera. Ilegal na pagpipinta. Masakit sa mata. Ano pa?
Maraming puwedeng sabihin para kondenahin ang mga nakapintang pulitikal na mensahe sa ilang pader sa Maynila, lalo na sa Lagusnilad underpass. Hindi kasi nagpaalam ang mga gumawa nito. Sa kaso ng Lagusnilad, nasira raw ang maaliwalas na paligid. Ginagamit nga ang salita sa wikang Ingles na “eyesore” para batikusin ang mga produkto ng patagong pagpipinta.
Ano-ano po ba ang mga nakasulat sa mga pader? Isa-isahin natin ang walong mensahe: Aktibista, hindi terorista! Ano ang gagawin ‘pag mismong militar ang terorista? Ano ang gagawin ‘pag pulis mismo ang kriminal? Atin ang Pinas, US-China layas! Digmang bayan, sagot sa Martial Law! Imperyalismo, ibagsak! Makatwiran ang maghimagsik! Presyo ibaba, sahod itaas!
Matatapang na salita, hindi ba? Halatang galing sa mga aktibista, tama ba? Ito kaya ang pinanggagalingan ng galit ng mga lokal na opisyal, pati na ang ibang mamamayang may “disenteng” disposisyon sa buhay?
Siyempre, walang aaming galit lang sila sa aktibistang kabataan, lalo na sa grupong Panday Sining na umaming nagsagawa ng pagpipinta. Ang kadalasang argumento ay hindi dapat dungisan ang mga pampublikong lugar at kailangang magbigay ng respeto sa mga pampublikong espasyo. Ang ginawa raw ng mga aktibista ay pag-abuso sa kalayaang ibinibigay sa kanila ng batas.
Kahit ang ilang dominanteng midya, walang patawad sa kanila. Napanood ko pa nga ang komentaryo ng isang TV anchor na karamihan daw ng mga mamamayan ay hindi sang-ayon sa ginawa ng Panday Sining. Pero hindi naman niya binanggit kung saan nakuha ang impormasyong ito. May survey bang ginawa ang network na ito? O baka naman iniisip ng TV anchor na ang opinyon niya ay sentimyento ng nakararami? Kailangan niyang mag-aral ng peryodismo kung sa tingin niya’y tama ang ganitong klaseng komentaryo.
Sa mga ulat ng ilang dominanteng midya, kapansin-pansin ang paulit-ulit na paggamit ng salitang “vandalism” o bandalismo. Kailangan ding paalalahanan ang ilang kaibigan sa midya na ito ay nangangahulugang “the act of deliberately destroying or damaging property” at “willful or malicious destruction or defacement of public or private property.” (Merriam-Webster app)
Kung may patagong pagpipintang ginagawa ang mga aktibista, mayroon bang aktwal na nasisira bukod sa pintura? Sa kaso ng mga pader ng Lagusnilad, may natanggal bang tiles o natiktik na semento? Batay sa ilang ulat ng midya, ang plano ng lokal na pamahalaan ay pinturahang muli ang mga pader na sinulatan ng Panday Sining. Napakalaking abala ba nito para magalit nang wagas ang ilang nasa kapangyarihan, gayundin ang mga taga-suporta ng galit na galit na alkalde?
Siyempre’y kailangan din nating pagnilayan ang isa pang mahalagang punto: Nasaan ang malisyosong paninira sa pagpipintura ng mga pulitikal na mensaheng nananawagan ng makabuluhang pagbabago, kung hindi man nagrerehistro ng mahahalagang tanong tungkol sa mga pulis at sundalo?
“Naghahanap kayo ng matinong pamahalaan, naghahanap kayo ng matinong tao sa pamahalaan. I’m not saying I’m one of those. We are really trying to clean up and revive, making Manila […] vibrant. We don’t deserve this. The people of Manila don’t deserve this […] Huwag kayong pahuhuli sa akin. Sige, human rights […] ‘pag nahuli ko kayo, padidila ko sa inyo ‘to. Buburahin niyo ‘to ng dila niyo,” sabi ng alkalde ng Maynila batay sa isang ulat sa midya.
Hindi ko na masyadong papansinin pa ang bantang padidilaan sa mga mahuhuling aktibista ang anumang isinulat nila sa pader. Bruskong pag-uugali lang ang implikasyon ng ganitong retorika. Sino kaya ang ginagaya niya? Ah, tila may pinaghahandaan na siya sa darating na halalan!
Ang retorika ng kasalukuyang mukha ng Maynila ay hindi kakaiba sa retorika ng ilang dominanteng midya. Bandalismo ang pagtingin kahit na walang ebidensya ng malisyosong paninira. Binabatikos ang patagong pagpipinta pero tahimik sa mga mensaheng nananawagan ng pagbabago. Pinagpipilitang bandalismo ang tamang salita kahit na mayroong higit na mas akma.
Graffiti. Hindi hamak na mas patas ang kahulugan nito: “pictures or words painted or drawn on a wall, building, etc.” at “unusually unauthorized writing or drawing on a public surface.” (Merriam-Webster app) Ito ang
magpapaliwanag kung bakit Graffiesta ang tawag sa aktibidad ng Panday Sining.
Para sa mga tagapagtaguod ng “disenteng pamumuhay,” madaling singilin ang Panday Sining sa hindi nito paghingi ng permiso sa lokal na pamahalaan. Kung normal ang kalakaran ng lipunan, may punto sila. Pero sa panahon ng panlipunang krisis na basta-basta na lang kinikitil ang buhay, at basta-basta na lang ibinebenta ng mismong Pangulo ang soberanya ng bansa, ano pa ang puwedeng gawin ng Panday Sining? Inaasahan ba itong tumalima sa burukrasya sa sitwasyong ang mismong burukrasya ang problema?
“Simpleng permit lang, hindi pa magawa!” Puwedeng ito ang sagot ng iba. Simple rin naman ang sagot dito: May permit o wala, hindi dapat na pinipigilan ng mga tunay na makataong opisyal ng gobyerno ang pagrerehistro ng dapat ay katanggap-tanggap na mensahe. Kung kailangang burahin ang mga mensaheng ito sa susunod na hinaharap, nasa desisyon ito ng mga nasa kapangyarihan. At nasa desisyon naman ng mga katulad ng Panday Sining kung uulitin ba o hindi ang pagsusulat ng mga pulitikal na mensahe sa mga pampublikong lugar.
Bandalismo o graffiti? Makatao o hindi? Sadyang mahuhuli sa mismong salita ang mga nagtataguyod ng maling retorika para pagtakpan ang pagiging mapanupil nila.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
The post Retorika ng “bandalismo” appeared first on Bulatlat.