Sa Alaala ng Payatas X

0
194

Malakas ang ulan noong hapong iyun, katulad ng mga naunang araw. Tagbagyo, at sa mataong lobby ng mayor na gusali sa kampus, may mesa ang mga aktibistang organisasyon, nangangalap ng donasyon para sa mga nasalanta.

Nasa booth si Toti kasama ang ilang kapwa-aktibista nang pumasok ang balita sa text: sa Payatas, kilalang dumpsite, may gumuhong bundok ng basura dahil sa malakas na pag-ulan. Maraming bahay ang natabunan, daan-daan ang pinapangambahang namatay, at maraming nawawala.

Ang balita sa binuksang radyong AM, kinumpirma ng text ng mga kapwa-aktibistang nag-oorganisa sa lugar. Marami raw residente – mahihirap, mangangalahig ng basura – ang nag-iiyakan, tulala, at naghahanap ng mga kaanak.

Sa isip nila Toti, parang malakas na ulan ang balita at ang isyu – naglinis ng mga kalat at bara. Ang Payatas noon, parang ang Smokey Mountain ng naunang panahon, simbolo ng kahirapan sa bansang “social volcano.”

Ilang taon nang aktibista noon si Toti, at nakakuha na ng ilang pag-aaral. Nang mangyari ang “Payatas,” nagsilbi iyung lalong kumpirmasyon na may malalim na problema talaga ang sistema sa bansa, at kailangan ng pagbabago. “Lupang Pangako” ang pangalan ng mismong pinangyarihan ng trahedya.

Ilandaang katao, namatay sa pagguho ng basura. May bahagi, nagliyab dahil sa naipong methane, kahit pa umuulan. “Eksenang Gabriel Garcia Marquez,” sabi ng isang kasama ni Toti, at “banana republic” din ang bansa.

Mahalaga kay Toti ang mga pagpunta sa Payatas, kahit maiksi. Noong gabing iyun, Hulyo 10, kahit maulan, nakarating siya at mga kasamahan. Ang pansin agad, naglipana ang mga pulis at sundalo, tensyonado, parang gera.

Sa mga sumunod na araw, nadalaw ni Toti ang mga barung-barong, kalsadang putik, tuyong balon. Totoo pala ang mga kwento tungkol sa pagkalap at pagkain ng “pagpag.” Lahat ng residenteng nakausap, may istorya ng kahirapan sa ibang lugar, relokasyon o bukid, bago nagbakasakali sa pera sa basura.

Nakapanayam niya ang ilang kaanak ng mga biktima sa isang day-care center sa lugar. Ang tumatak sa kanya, ang magagandang drowing na nakapaskil sa paaralang iyun – ang iba, guhit ng mga batang namatay.

Napasulat siya sa publikasyon ng kolehiyo. Nasipi niya si Norman Mailer, kung sino ang napapanatag sa presensya ng pulis at sundalo. At isang pilosopong Serbian, sa mga mapanlikhang kakayahan ng tao na pinapatay ng kapitalismo.

Maulan hanggang State of the Nation Address ni Pangulong Erap noon. Ang martsa-protesta, hinarang sa Central sa Commonwealth – sintomas siguro ng pagkapraning, malapit na ang pagkakapatalsik noong Enero 2001.

Nagsalita ang mga taga-Payatas, nanawagan ng hustisya at nangako ng pagpapatuloy ng laban. Nagsalita ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay, na noo’y magdadalawang-taon pa lang nang maitatag. Noong nagtaas sila ng kamao, awtomatiko rin ang pagsunod ng hanay ng nakikinig.

Si Toti, nakasama sa “kompo,” depensa sa hanay. Isa iyun sa una niya, at nahiya siya dahil marami ang bago sa mga kakapit-bisig. Marami sa mga nasa hanay, tumungo paglaon sa kanayunan at batayang masa para mag-organisa.

Noon, tulad ngayon, ang tugon ng gobyerno: sisihin ang maralita sa masamang nangyari sa kanila. Daluyan ang midya ng malaking kapitalista, kahit ang palabas sa telebisyon na “Mare at Pare,” alaala ng kasabayan ni Toti.

Ngayon, 20 taon pagkatapos, lumabas ang hatol ng isang korte: lokal na pamahalaan ng Quezon City – sa ilalim ni Ismael Mathay, Jr., alyado ng mga Marcos – ang maysala, dahil sa pagmantine sa tambakan. May danyos na P6 milyon sa mga nagsampa ng kaso, malayo sa P188.1 milyon na inilaban nila.

Tagumpay: sa wakas, pahayag na hindi mga maralita ang maysala, hatol na pwedeng magamit sa mga kasong katulad, at halagang magbibigay ng ng kaunting ginhawa. Pero kahit sa panalo, usad-pagong ang sistema ng hustisya at barya-barya ang buhay ng maralita. Maliit na halaga sa maysala; buhay sa mga biktima.

Ngayon, kapag tumingin sa Internet tungkol sa naganap, malapit sa 200 ang bangkay na narekober, at ang opisyal na bilang ng namatay, nasa 200-300. Pero may mga tantya na umabot ng mahigit 700, kung hindi man 1,000.

Kakatwa, sobrang magkalayo ang bilang. Ang sabi noon, maraming nagsasamantala sa sitwasyon, nagpapakilalang namatayan para makakuha ng tulong pinansyal. Isa pang nakakarimarim na sintomas ng nabubulok na lipunan.

Pero kilala natin ang gobyerno, nagpapaliit ng bilang ng dumalo sa protesta at namatay sa trahedya – lalo na kung kahihiyan para rito. At tatak nito ang pagbalewala, pagturing na basura, sa buhay ng maralita.

Gunitain natin ang nangyari, sa alaala ng Payatas X, para sa lahat ng maralita.