Si Einstein at ang dalawang araw ng lagim sa Hiroshima at Nagasaki

0
175

Tuwing buwan ng Agosto ginugunita ng daigdig ang trahedya ng pagpapasabog ng bomba atomika sa dalawang lungsod ng Hiroshima at Nagasaki sa bansang Hapon. Noong ika-6 ng Agosto 1945, nagpasabog ng bomba nukleyar ang Amerika sa lungsod ng Hiroshima. Halos 140,000 tao ang namatay sa lungsod. Sa Nagasaki naman, pinasabog ng Amerika ang bomba nukleyar noong ika-9 ng Agosto na ikinamatay ng halos 80,000 katao. Sa dalawang lungsod, halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga namatay ang agad pumanaw sa unang araw matapos ang pagpapasabog ng bomba atomika. Namayapa ang mga natitirang bilang ng mga namatay sa loob ng sumunod na apat na buwan – marami sa mga sunog na katawan, sakit bunga ng radiation, at iba pang pagkakasakit na direktang dulot ng bomba. Ilan din ang namayapa sanhi ng paglubha ng sakit at dinulot na kagutuman at kawalan ng atensyong medikal matapos ang pagsabog.

Ang nabanggit na dalawang pagsabog ang natatanging karanasan ng sangkatauhan sa lagim ng bomba atomika. Sa banta ng Pangulong Harry S. Truman sa Hapon na ‘umasa na uulan ng pagkawasak ng kapaligiran mula sa langit na hindi pa nararanasan ng sinuman sa sansinukob’. Sa dalawang lungsod, mga sibilyan ang higit na nakararami sa mga naging biktima ng bomba nukleyar. Anim na araw matapos ang pagpapasabog ng bomba atomika sa Nagasaki, sumuko ang Hapon sa mga pwersa ng mga Allies noong ika-15 ng Agosto. Pinirmahan ang kasunduan ng pagsuko noong ika-2 ng Setyembre 1945, na siyang nagwakas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Matapos ang pagsuko, epektibong sasakupin ng Amerika ang Hapon sa pamamagitan ng pamamahala ng USAFFE sa pamumuno ni Douglas MacArthur. Magsisimula ang pananakop at sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang kasaysayan, pamumunuan ng isang banyagang bayan ang Hapon – ang isa sa dalawang bayan lamang sa Asya (ang Siam/Thailand ang isa pa) na hindi tuwirang nasakop ng ibang bayan sa panahon ng kolonyalismo. Isang kabalintunaan ang magaganap sa panahong ito sa kasaysayan dahil sa panahong ito ng pagsisimula ng pananakop ng Amerika sa Hapon, magsisimula naman ang dekolonisasyon o ang pagtiwalag ng pananakop sa iba’t ibang bahagi ng Asya. Dahil na rin sa pananakop ng Amerika sa Hapon, mapipilitan ang Hapon na magkaroon ng makabuluhang pagbabago sa kanyang pamahalaan – kagaya ng pagbabago sa tingin sa Emperador hindi bilang Diyos sa lupa kundi isang pinuno; at ang pagkakaroon ng limitasyong konstitusyonal sa pagpapaunlad ng institusyong militar nito sa hinaharap ayon sa pacifist na katangian ng kanyang saligang batas.

Dalawang pananaw ang maihahayag ng mga historyador sa karanasan ng trahedya sa Hiroshima at Nagasaki. Ang unang pananaw ang nagpapahayag na kinakailangan ang pagpapasabog ng bomba atomika sa Hapon upang mapadali ang pagsuko ng Hapon at mapigilan pa ang kasiraan ng digmaan sanhi ng pagtagal ng labanan sa pagitan ng Hapon at ng mga Allies. Sa pagsuko ng Alemanya noong ika-8 ng Mayo 1945, umaasa ang nakararaming kakampi ng mga Allies na susunod na susuko ang Hapon, lalo na matapos ang deklarasyon ng mga Aleman at Italyano. Hindi pinansin ng Hapon ang pahayag ng mga kalaban nitong dapat na silang sumuko nang walang kondisyon sa pamamagitan ng Deklarasyon sa Potsdam noong ika-26 ng Hulyo 1945.

Sa kabilang banda, marami pa rin ang nagpahayag ng pagtutol sa pagpapasabog ng bomba atomika sa Hapon bilang pamamaraan ng pagsuko. Maraming nagsasabi na imoral ang pagpapasabog ng bomba atomika dahil maraming sibilyan ang madadamay sa pagpapasabog ng bomba atomika. Isang krimen ng digmaan na nagpapakita ng terorismo ng estado at pananagumpay ng imperyalismong kanluranin ang tingin ng ilan sa paggamit ng bomba atomika. Higit sa lahat, ilang mga historyador din ang nagsabi na sa halip na tapusin nito ang digmaan, nagbigay daan lamang ito sa susunod na yugto ng tunggalian ng mga bayan sa panahong nukleyar. Hindi napigilan ng pagpapasabog ang pagpapaunlad ng ibang bayan sa bomba atomika bagkus nagpasimula ito ng panahon ng karerahan ng iba’t ibang bayan upang magkaroon ng sariling bomba atomika.

Tiningnan ang kakanyahan ng isang bayan na magkaroon ng bomba atomika bilang indikasyon ng kapangyarihang igiit ang sariling interes at takutin ang ibang bayang walang bomba atomika na sumunod sa kanila. Sa pamamagitan ng Hiroshima at Nagasaki, nagsimula ang tinatawag na Cold War na may katangiang nukleyar na kayang lipulin ang sangkatauhan at lahat ng nabubuhay sa daigdig nang ilang ulit. Lalong magiging laganap ang ganitong pananaw dahil sa ilang araw bago ang pagpapasabog ng bomba atomika ay nagmamartsa na ang mga sundalong Soviet patungong mga teritoryo ng Hapon at noong ika-9 ng Agosto naganap ang deklarasyon ng digmaan sa pagitan ng dalawang bayan. Sa ganitong pananaw, ginamit ang pagpapasabog ng bomba atomika bilang pamamaraan para maiwasan ng Estados Unidos na maging kasali sa pananakop ng Hapon ang Soviet Union – isang bagay na hindi mapipigilan kung magmamartsa ang mga tropang Soviet sa Hapon matapos nitong sakupin ang teritoryo ng Hapon sa Manchuria ilang araw bago ang pagsuko ng Hapon.

Mahalaga ang papel na ginampanan ng pamayanang siyentipiko sa pagpapaunlad ng bomba atomika. Sa pamamagitan ng mga siyentipiko naganap ang ilang mga eksperimento at pagpapaunlad ng bomba. Sa lahat ng mga sikat na siyentipiko, kalimitan nang nababanggit ang pangalan ni Albert Einstein bilang isa sa mga kasangkot sa pagpapaunlad ng bomba atomika. Ang kanyang sikat na equation na ang nagpaliwanag na maaaring makapaglabas ng enerhiya sa isang posibleng bomba atomika, pero hindi ito ang nagpaliwanag kung paano gumawa ng isang bomba. Nang mapag-alaman niya ang posibilidad na maaaring gamitin ng mga Nazi ang kanyang equation sa pagpapaunlad ng isang bomba atomika, sumulat siya kay Pangulong Roosevelt na nagpapayong unahan dapat ng Amerika ang pagpapaunlad ng bomba bago pa ito mapasakamay sa mga Aleman. Ito ang dahilan sa pagpapaunlad ng tinatawag na Manhattan Project, ang proyektong nagpaunlad ng naturang bomba. Kahit na hindi tuwirang kasangkot si Einstein sa proyektong ito, marami pa ring tumuturing sa kanya bilang kritikal na siyentipikong nagpaunlad ng bomba. Dahil sa kanyang pacifistang pananaw na may bahid ng sosyalismo, hindi pinagkatiwalaan ng awtoridad ng Amerika na maging kasangkot si Einstein sa Manhattan Project bagkus itinuring pa itong security risk.

Hanggang sa pagtatapos ng digmaan at sa pagsisimula ng Nuclear Age, kritikal pa rin ang paninindigan ni Einstein sa bomba atomika. Sa paglilinaw ng kanyang papel sa pagpapaunlad ng bomba atomika, sinabi niya noong 1952 na:

My participation in the production of the atom bomb consisted in a single act: I signed a letter to President Roosevelt. This letter stressed the necessity of large scale experimentation to ascertain the possibility of producing an atom bomb.

I was well aware of the dreadful danger for all mankind, if these experiments would succeed. But the probability that the Germans might work on that very problem with good chance of success prompted me to take that step. I did not see any other way out, although I always was a convinced pacifist. To kill in war time, it seems to me, is in no ways better than common murder.

As long however, as nations are ready to abolish war by common action and to solve their conflicts in a peaceful way on a legal basis. they feel compelled to prepare for war. They feel moreover compelled to prepare the most abominable means, in order not to be left behind in the general armaments race. Such procedure leads inevitable to war, which, in turn, under today’s conditions, spells universal destruction.

Under such circumstances there is no hope in combating the production of specific weapons or means of destruction. Only radical abolition of war and of danger of war can help. Toward this goal one should strive; in fact nobody should allow himself to be forced into actions contrary to this goal. This is a harsh demand for anyone who is aware of his social inter-relatedness; but it can be followed.

Gandhi, the greatest political genius of our time has shown the way, and has demonstrated the sacrifices man is willing to bring if only he has found the right way. His work for the liberation of India is a living example that man’s will, sustained by an indomitable conviction is stronger than apparently invincible material power.

(mula sa AtomicArchive.com http://www.atomicarchive.com/Docs/Hiroshima/EinsteinResponse.shtml)

Sa digmaang kinakikitaan ng sandatang magbubunga ng malawakang kamatayan ng mga di kasangkot sa pakikidigma, isang makabuluhang babala ang sinabi ni Einstein sa sangkatauhan. Hindi ang mga sandata ang makakapagtapos sa panganib ng digmaan at ang kasiraang idudulot nito. Sa katunayan, ang pagkakaroon ng mga mapamuksang sandata ng mga bansang naglalayong makapigil sa digmaan ang siyang nagbubunga ng karerahan upang makaangat sa iba sa posibleng digmaan sa hinaharap. Hindi ang pagkakaroon ng malawakang sandata kundi ang pag-aalis ng mga kalagayang nagdudulot sa mga tao at lipunan na makidigma sa isa’t isa ang makapagtatapos sa panganib ng digmaan. (https://www.bulatlat.com)

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Si Einstein at ang dalawang araw ng lagim sa Hiroshima at Nagasaki appeared first on Bulatlat.