Si Joker at ang kanyang ‘kilusan’

0
207

Minsan, kailangan nating manood ng pelikula nang bukas ang pag-iisip pero tumataas ang kilay. Bakit kaya?

Sa pangkalahatan, magaganda ang rebyu tungkol sa pelikulang Joker (2019). Ngayon pa lang, posible raw na maghakot ito ng mga parangal sa Estados Unidos. Kung sabagay, magaling na aktor si Joaquin Phoenix at mahusay na direktor si Todd Phillips. Hindi rin matatawaran ang papel ng beterano’t premyadong aktor na si Robert de Niro sa pelikulang iyon.

Pero huwag sanang magulat o magalit sa aking ikukumpisal: Hindi ko masyadong nagustuhan ang pelikula. Bagama’t maraming kalakasan ito sa iba’t ibang bahagi ng paggawa ng pelikula (e.g., editing, cinematography), pinakamalaking problema para sa akin ang istoryang nagpapalabnaw sa mensahe.

Napanood mo na ba ito? Kung hindi pa’t may plano ka, saka mo na lang basahin ito. May ilang “spoilers” kasing mababanggit. Pero kung napanood mo na, simulan na natin ang pagsusuri.

Kahit na binanggit ni Todd Phillips sa ilang panayam na walang pulitika ang kanyang obra, kapansin-pansin ang kritisismo sa kapitalismo. Ramdam na ramdam ang galit ni Arthur Fleck (Joaquin Phoenix) sa mga mayaman at makapangyarihan. Ang kahirapang pinagdaraanan niya sa lungsod ng Gotham ay malinaw na bunga ng isang sistemang nagpapahirap sa mga katulad niya. Dumating na nga sa puntong pati ang kapwa niya naghihirap ay nagkakanya-kanya na at wala nang pakialam kahit na literal na naaapakan ang mga literal na nasa ibaba.

Sa pelikula, literal na bumagsak si Fleck habang binubugbog: una ng grupo ng kapwa niya mahihirap; at ikalawa ng grupo ng mga mayaman at makapangyarihan. Tila napagkatuwaan lang siya dahil sa trabaho niya bilang payaso. Naging dahilan ang unang insidente para pumayag siyang kunin ang baril na inabot sa kanya ni Randall (Glenn Fleshler), isang katrabaho. At ang baril na ito ang dahilan kung bakit nawalan siya ng trabaho dahil sa reklamo ng isang kliyente. Ito rin ang baril na ginamit niya para patayin ang ikalawang grupong nambugbog sa kanya sa loob ng tren.

At nasundan pa ang mga pinatay niya, pati na ang may sakit na inang si Penny Fleck (Frances Conroy) sa loob mismo ng ospital. Aba, pinatay na rin niya si Randall sa pamamagitan ng gunting. Pero ang nakakagulat siguro sa lahat ay ang pagpatay niya sa TV host na si Murray Franklin (Robert de Niro) habang live siyang iniinterbyu sa studio.

Kung sa sahig bumagsak si Arthur Fleck noon, sa sahig din naman dumaloy ang napakaraming dugo ng mga nabiktima niya. Para sa mga katulad niyang nasa laylayan ng lipunan, nagkaroon siya ng ilusyon ng kapangyarihan dahil sa baril na hawak niya. Naniniwala na siya ngayong puwede nang tapusin ang walang kuwentang buhay ng mga walang kuwenta sa kanyang buhay.

Ang Arthur Fleck noon, Joker na ngayon. Literal na ipinakilala siya sa publiko sa pamamagitan ng midya. Kung tutuusin, midya rin ang dahilan kung bakit naunang sumikat ang hindi pa noong kilalang payasong pumatay sa tatlong empleyado ng Wayne Enterprises sa loob ng tren. Lihim na ikinatuwa ni Arthur Fleck ang kanyang “nakatagong kasikatan” at, sa kanyang imahinasyon, tama ang ginawa niya. Tama lang diumano ang pumatay ng mga kinasusuklamang mayaman at makapangyarihan.

Pero dahil wala naman siyang pulitika (at inamin niya ito sa panayam kay Murray Franklin bago niya pinatay ang huli), nagmistulang personal na paghihiganti lang ang naging serye ng pagpatay na ginawa niya. Ito ang magpapaliwanag kung bakit hindi niya pinatay si Gary (Leigh Gill) kahit na nasaksihan niya ang pagpatay kay Randall. Naging mabait naman daw kasi si Gary sa kanya.

Dito nagkakaroon ng kontradiksyon sa mensahe ng pelikula. Hindi niya ineendorso ang mga kilos-protesta ng mga nakasuot ng payaso laban sa mga mayaman at makapangyarihan pero tila tinatanggap niya ang pagiging “lider” nito.
Sa isang eksena, may magandang linya si Joker: “Do I look like the kind of clown that can start a movement?” Malinaw na ang sagot ay oo, bagama’t ito ay kagagawan ng midya. Nagmistulang bayani ang dapat ay ituring sa isang lipunang normal na kriminal. Pero dahil malayo sa normalidad ang urbanidad ng Gotham, naging pulitikal na inspirasyon ang personal na desperasyon.

Totoong may kaugnayan ang mapanupil na sistema sa pagtahak ni Arthur Fleck sa “madugong landas” papuntang Joker. Isang kalakasan ng pelikula ang pagsasakonteksto ng personal na pinagdaanan ng pangunahing karakter. Pero malaking kahinaan para sa akin ang pagkakahon ng indibidwal bilang dapat na hiwalay sa isang malawakang pagkilos.

Hindi man intensyon ng pelikula, lumalabas na indibidwal pa rin ang mapagpasya sa anumang panlipunang pagbabagong nais na mangyari. Hindi rin nakatulong na walang malinaw na pulitikal na direksyon ang mga panawagan ng mga nagpoprotesta sa Gotham. Basta lang “We are all Clowns” at “Kill the Rich!” ang ilang kapansin-pansin. Yung una, malabong pagsasalarawan ng kalagayan. Yung ikalawa, delikadong pagtahak sa anarkiya at gangsterismo.
Sana’y pangatawanan ng mga nasa likod ng pelikulang Joker (2019) na hindi na ito masusundan pa. Malamang kasing anarkiya at gangsterismo ang magiging tema, habang binibigyan ng simpatya ang kriminalidad. Sa panahong katulad nito, dapat na may malinaw na komentaryo ang pelikula sa panlipunang kalagayan.

Kung iisiping mabuti, ang Gotham ay pinagsamang New York at Maynila. Patong-patong na problema ang kinakaharap ng mga naghihirap habang nagpapasasa ang mga mayaman at makapangyarihan. Bagama’t may konteksto ang nangyayaring kriminalidad, hindi tayo naghahanap ng indibidwal na magsasalba sa ating kinasasadlakan. Kailangan natin ang tunay na kilusang magtatanggol sa mamamayan at magtatanggal sa kabulukan.

Bahala na si Batman? Hindi ngayon, hindi kailanman.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Si Joker at ang kanyang ‘kilusan’ appeared first on Bulatlat.