Si Lorena Barros at ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan

0
322
Street art ng Ugatlahi nitong Marso 8, 2020 sa Maynila.

francis gealogo icon Ginugunita tuwing ika-8 ng Marso ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, at ang buwan ng Marso ang kinikilala bilang pandaigdigang buwan ng kababaihan. Maraming kababaihan ang kasangkot sa ganitong paggunita hindi lamang para ipagdiwang ang mga natamo ng mga kababaihan sa nakaraang isandaang taon, kundi para gunitain din ang mga sakripisyo ng mga kababaihan upang makatanggap ng pagkilala – sa tinuturing na siyang mga “mayhawak ng kalahati ng kalangitan.”

Sa kasalukuyan, parang ordinaryo na lamang na makilala ang mga babae sa iba’t ibang larangan. Mababanggit ang mga pangalan nina Sirimavo Bandaranaike, Margaret Thatcher, Golda Meir, Corazon Aquino, Indira Gandhi, Angela Merkel at iba pang mga naging unang babaeng pinuno ng kani kanilang mga bayan. Nakarating na ang mga kababaihan hanggang sa buwan. Lahat ng mga larangang dati ay kinikilalang panlalaki – sa militar, siyensiya, akademya, negosyo, politika, at kultura – may mababanggit na pangalan ng babaeng nanguna sa larangan.

Subalit mas malalim kaysa sa pagkuha ng pagkilala mula sa mga lalaki sa iba’t ibang larangan ang paggunita ng Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan. Simula ng 1908 nang unang magkaroon ng Araw ng mga Kababaihan, kasangkot na ang paggunita sa pagkilala ng kakanyahan ng mga babae na manguna sa pagbabagong panlipunan. Hindi lamang nila tinatapatan kung ano ang kaya ng mga lalaki, ang paggunita ng araw ng kababaihan ay paggunita din sa pagkakasangkot ng mga babae sa mga kilusang panlipunan na naglalayong baguhin ang kaayusan ng istruktura ng lipunan.

Sa una pa lamang, konektado na ang araw sa pagkakasangkot ng mga kababaihan sa welga ng mga manggagawa sa New York noong 1908 na nagpoprotesta para sa higit na maayos na kalagayan sa pabrika at katumbas na sahod ayon sa gawain.

Noong 1910, nagkaroon ng kauna unahang Pandaigdigang Kumperensya ng mga Kababaihan kung saan ang mga radikal na gaya nina Clara Setkin at Luise Zietz ang nagpanukala ng taun-taong pagkilala sa araw ng kababaihan. Iniugnay ang naging taunang araw sa mga kilos protesta ng mga kababaihan naggigiit ng karapatan na makaboto at mahalal sa mga tanggapang publiko. Iprinotesta din nila ang di pantay na sahod na natatanggap ng mga kababaihan at mga kabataan sa mga pabrika at pagawaan. May pagkilala rin na dapat buksan ang mga trabaho at kurso sa mga kababaihan, at bigyan ng buhay sa labas ng bahay ang mga babae.

Ang kilusang suffragist ang naging isa sa mga tampok na kilusang pangkababaihan. Sa mahabang panahon, hindi pinapayagang mahalal o maghalal ang mga babae. Walang karapatang bumoto sa nakararaming mga bansa, itinatag nila ang kilusang suffragist sa iba ibang hanay, lipunan at kultura sa daigdig. Dahil dito, nagkaroon ng karapatang bumoto para sa mga kababaihan ng New Zealand (1893), Australia (1895), Britanya (1918), at Estados Unidos (1920).

Mahaba ang kasaysayan ng kilusang suffragist sa Pilipinas, at inabot pa ng 1937, sa panahon ng Commonwealth, bago pa nagkaroon ng karapatan sa pagboto ang mga kababaihan, gayong 1902 pa nagkaroon ng pambayang halalan na eksklusibo lang sa mga lalaking Pilipino ng kapuluan sa ilalim ng mga Amerikano.

Ayon kay Judy Taguiwalo, habang ikinakampanya ng mga mayayamang babae ang karapatang bumoto, marami ring mga kababaihan sa mga pabrika at pagawaan ang kasangkot sa mga welga at kilos protesta hindi lamang para sa karapatang bumoto kundi para sa kapakanan ng mga manggagawa at sa pagpapalaya mula sa pananakop ng dayuhan. Ang unang naitalang paggunita ng pandaigdigang araw ng mga kababaihan ay noong 1934 sa isang indoor forum na inorganisa ng mga Liga ng Kababaihang Pilipina. Matapos ang 1930s, hindi natahimik ang mga kababaihan sa pakikisangkot sa usaping panlipunan. Maraming babaeng gerilyera na kasama sa kilusan laban sa mga Hapones. Nagkaroon din ng mga babaeng kumander sa kilusang Hukbalahap. Hanggang sa panahon ng radikalisasyon ng mga kabataan bago ang pagtatatag ng batas militar, naitatag ang MAKIBAKA o Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan.

Sa pamumuno ni Lorena Barros, inilunsad ng MAKIBAKA ang maraming protesta laban sa kahirapan at para sa demokratisasyon ng lipunan. Tiningnan nilang hindi pa malaya ang sambayanan at dominante pa rin ang mga dayuhan at mayayaman sa lipunan. Higit pa roon, binigyang diin niil na hindi magiging ganap ang kalayaan hangga’t hindi pa napalalaya ang lipunan.

Ang MAKIBAKA din ang nanguna sa unang protesta ng Marso 8 noong 1971 (kaiba sa indoor forum noong 1934) na naglalayong bigyan ng atensyon ang lumalalang kahirapan at ang kalagayan ng mga kababaihan sa lipunan. Bukod pa rito, maraming ginawa ang MAKIBAKA na nakapukaw ng atensyon sa madla. Ilan dito ang piket sa isinasagawang mga beauty contests bago ang batas militar sa kadahilanang naglalagay ito sa mga babae sa kalagayan na parang kalakal na itinitinda; ilang pagkilos kasama ang mga maralitang kababaihan sa Tondo; mga pakikisalamuha sa mga babaeng nasalanta ng bagyo at baha; at pakikipamuhay sa mga babaeng magsasaka ng kanayunan sa iba ibang bahagi ng bansa.

Si Lorena Barros ang kinikilalang tagapagtatag at pinuno ng MAKIBAKA bago ang batas militar. Nagtapos ng Antropolohiya bilang cum laude sa Unibersidad ng Pilipinas, nagturo din siya sa maikling panahon sa nasabing pamantasan. Bilang kasapi ng UP Writers’ Club at Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK), pinagsama ni Barros ang kakanyahan sa pagsusulat, pagtuturo at ang radikal na pakikisangkot para sa kababaihan at sambayanan.

Nang ideklara ang Martial Law, napilitang mag-underground si Barros kasama ng ilang mga taga-MAKIBAKA na itinuring ding isa sa pangunahing underground organization na kumalaban sa martial law.

Maraming kasulatan si Barros ang nalathala sa Philippine Collegian. Bilang manunulat, kinilala ang ilan sa kanyang mga akda bilang natatangi sa pagsalamin ng katotohanan ng kalagayan ng lipunan. Nasa wikang Ingles ang nakararami sa mga ito na unang nalathala nang kasangkot pa siya sa kilusan bilang mag-aaral sa unibersidad. Magkagayunman, naisulat ang ilan sa pinakamakabagbag damdaming kasulatan ni Barros nang nasa underground na siya. Sa pagitan ng pag-oorganisa ng mga mamamayan, nagawa ni Barros na sumulat ng mga personal na liham na naglalaman ng kanyang pagsusuri sa kalagayan ng lipunan, ng ilang personal na pagtingin sa kahirapan, at ilang mga pananaw sa kanyang mga mahal sa buhay na naiwan sa lungsod nang magdesisyon siyang mapasangkot sa underground. Madamdamin ang sulat, subalit kasabay nito ang rasyonal na pagsusuring panlipunan at pagsisiyasat sa kalagayan ng karaniwang mamamayan. Isa na rito ang liham na kanyang sinulat para sa kanyang ina, na may pangalang panulat na Luz at nalathala sa Muog, isang kompilasyon ng mga sulatin sa underground.

MAHAL KONG INA,

Maalab na pagbati sa inyong lahat nitong kapaskuhan at para sa iyo’y maligayang pagsalubong sa ika-pitong taon ng ating Partido. Hindi ako nakapagpalabas ng sulat bago magpasko, pagkat mahirap ang biyahe (maalon ang dagat). Subalit lagi at lagi kayong nasa ala-ala ko. Nagpasko ako sa piling ng masa rito na bagaman bagong dating ako kung tutuusin ay parang anak na rin ang turing sa akin. Napakahirap nila. Nitong Pasko’t Bagong Taon ay kamote ang kanin pagkat walang bigas. Mataas ang presyo ng bigas, gaas at iba pang bilihin subalit ang presyo ng kanilang mga produkto ay napakababa. P1.50 ang isandaang saging, P1.80 ang kilo ng copra, ang kamote’y P3.00 isang balde. Ang pasahe nama’y mataas rin. Ngunit masaya ang Paskong ito para sa kanila kahit dahop pagka’t sa kauna-unahang pagkakataon ay matibay ang kanilang pagkakaisa. Sama-sama ang selebrasyon. Ambagan ng kung ano ang madadala, kaya’t marami-rami ring naihanda. Bukod dito’y may hinaharap na taong di magiging malungkot pagkat sama-samang babalikatin ang gawain. Kaingin at pagtotroso, bukod sa pangingisda kung lantap ang dagat, ang hanapbuhay ng mga tao. Napakahirap ng pagkakaingin. Iilang linggo pa lang akong lumalahok sa gawaing paggamas ay sugatan na ang aking kamay at paa. Di nuubusan ng sugat, may bago at bago. At ito’y paggagamas lang. Paglilinis lang ng nahawan na. Lalo pa ang paghapay ng kahoy, pagsusunog, pagsusuleb, at unang paghawan. Ang pagtotroso ay ganoon rin, buhay ang puhunan. Malalaki ang mga puno at bago maibaba sa dagat ay halos mabali ang katawan sa pag-aaspike (levering) ng magtotroso. Pagdating sa baba ay maglalagay sa concession guard upang huwag makumpiska ang troso. Pagdating ng troso sa bayan ay maglalagay uli sa tao pa rin ng concession doon upang maipasok sa sawmill at pag naipagbili na ang troso’y aawasin na ang nautang habang ito’y hinihintay. Kakaunti ang natitira. Patong-patong ang pagsasamantala sa mga taong banat sa gawain ang katawan. Kulang na pambili ng gamot kung magkasakit, kapos pa sa pag-aaral. Kaya naman buong puso ang pagyakap nila sa rebolusyon. Di magtatagal ay puputok na rin ang sandatahang pakikibaka rito.

Naisip ko lagi ang paghihirap ninyo pag nakikita ko ang masa rito. Kumusta ang pasko ng mga bata? Balitaan mo ako at pasulatin mo rin sila. May task ka ba ngayon? Patuloy ba ang pag-unlad ng kamulatan ng Tito Aling at ni Rodrigo? Ikaw na ang bahala sa kanila.

Hanggang dito na lang muna. Alagaan mo ang iyong sarili. Huwag kang magpapabaya. Mahal na mahal ko kayong lahat.

Ihalik mo ako kay Emil at balitaan tungkol sa kanyang ama. Nakadalaw ba kayo? Ang pasiya ko nga pala hinggil sa aming relasyon ay ito: Kung sa pag-aaral ng komiteng pang-rehiyon ay kontra-rebolusyonaryo siya sa kanyang ginawa, automatiko ang aming diborsyo. Huwag kang mag-alala sa aking kalagayang pang-emosyon. Minsan lang ako naiyak, ulang patak pa, at said na. Nagugulat nga ako’t halos di ako natinag. Siguro’y dahil isang taon na kaming hiwalay, madali-dali nang matanggap ang final.

Nagagawa ko pang umunawa hinggil sa kung paano nangyari iyon sa kanya. Hindi ako bitter. Magaan ang aking isipan at hindi ako nagiging bagahe. Nakatutulong ang mga kasamang nakakaalam. Ang inaalala ko alang ay ang pinsala sa gawain, laluna sa Sorsogon. Halos isang legend na siya roon.

O sige na talaga. Sumulat ka.

Sa tagumpay,

Luz

Nahuli siya ng mga militar noong Oktubre 1973 subalit nakatakas sa bilangguan noong Nobyembre 1975. Muli siyang sumali sa mga kilusang nakikipaglaban sa batas militar at nagtungo sa kanayunan sa kabundukan ng Quezon. Noong Marso 1976, nasukol ang kampo ni Barros at doon na siya sa mga napaslang.

Maraming mga tula, awit, dula at produksong teatro ang naisulat bilang pagkilala kay Lorena Barros. Ang Lorena Barros Hall, isang activity center ng mga estudyante sa UP Diliman, ay itinayo at ipinangalan sa kanyang alaala. Gayunpaman, gaya ng ilang mga kababaihan sa kasaysayan, iilan lamang ang nakakakilala kay Lorena Barros sa labas ng sirkulo ng kanyang mga organisasyong kinilusan. Marami pang pangangailangan na muling balikan ang mga liham ng mga kababaihan sa iba ibang panahon, at kilalanin ang kani -anilang mga buhay at kabayanihan sa gitna ng mga pangkaraniwan at di pangakaraniwang panahon na kanilang ginalawan. (https://www.bulatlat.com)

*The author is a professor and former chair of the Department of History, Ateneo de Manila University; former commissioner of the National Historical Commission; convenor of Tanggol Kasaysayan; member of the Alliance of Concerned Teachers. He finished his AB History, MA in History and PhD in Philippine Studies at University of the Philippines Diliman.

The post Si Lorena Barros at ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan appeared first on Bulatlat.