‘Sosyalistang’ pangulo sa US, posible?

0
192

Kung noong nakaraang buwan, malinaw na nangungunang nominado ng Democratic Party sa US ang progresibong kandidato na si Sen. Bernie Sanders, tila gitgitan na sila ngayon ng dating Bise Pres. Joe Biden. Katunayan, bahagyang lamang pa si Biden.

Sino ba sina Sanders at Biden? At ano ang halaga ng eleksiyong pampangulo ng US sa Pilipinas?

Ilan dekada nang independiyenteng senador si Sanders. Progresibo ang kanyang posisyon sa maraming isyung panlipunan. Noong 2016 nang una siyang tumakbo para sa nominasyon ng Democratic Party para labanan si Hillary Clinton, at gayundin ngayon, isa sa pangunahin niyang mga panukalang polisiya ang pagkakaroon ng Medicare of All, o unibersal na sistemang medikal. Naniniwala siyang karapatan at hindi prebilehiyo na para lang sa iilang maykaya ang edukasyon sa kolehiyo.

Kasama rin niya si Rep. Alexandria Ocasio-Ortez na nagtutulak na maipasa sa Kongreso ang isang “Green New Deal,” isang pakete ng mga polisiya na naglalayong mabawasan ang carbon emissions o ibinubugang maruming usok na nagpapalala sa climate change o pagbabago sa klima ng mundo. US kasi ang isa sa mga pangunahing polyuter ng mundo.

Matagal na rin si Sanders na nanindigan kontra sa mga giyerang agresyon ng US. Isa sa pinakatampok na paninindigan niya ang pagboto kontra sa giyera ng US sa Iraq noong 2003. Panahong iyon, iilan lang silang tumindig laban sa giyera at di naniwala sa mga kasinungalingan ng administrasyon ni George W. Bush kaugnay ng weapons of mass destruction ng Iraq noon.

Nagpapakilala rin si Sanders bilang sosyalista, bagamat “demokratang sosyalista” ang tawag niya sa sarili niya, katulad ni Ocasio-Cortez. Ang pagpapakahulugan nila nito, hindi ang “diktadura ng proletaryado” na dating itinaguyod nina Lenin sa Rusya at Mao Zedong sa China, kundi ang mala-sosyal-demokratikong mga polisiya ng welfare countries tulad ng ilang bansa sa Europa na may malakas na mga sistema sa panlipunang serbisyo (edukasyon, kalusugan, atbp.).

Sino naman si Biden? Siya ang dating bise-presidente ni Barack Obama. Pero bago nito, isa siya sa mga konserbatibong miyembro ng Democratic Party: kontra sa Medicare for All at bumoto noong 2003 na pabor sa madugong giyera kontra Iraq si Biden. Kilala siyang chuwariwap lang ni Obama, at sinuportahan ang ilan sa pinakamasamang polisiya ng huli, tulad ng pakikidigma sa Middle East gamit ang drones (pagbomba ng drones sa sibilyang mga target). Sinuportahan din niya ang pagsagip ng administrasyong Obama sa mga bilyonaryo at malalaking bangko na halos nagpabagsak sa sistemang pampinansiya ng US noong 2008.

Noong nakaraang buwan, nangunguna pa si Sanders. Popular sa kabataan at ordinaryong mga Amerikano ang kanyang mga panukala. Kahit ang salitang “sosyalista” at sosyalismo, naging positibo ang pagtingin ng maraming Amerikano.

Pero nang sumapit ang “Super Tuesday” (isang Martes kung kailan maraming US states ay nagbotohan para sa nominasyon sa Democratic Party), biglang nag-atrasan ang iba pang kalaban nina Sanders at Biden para suportahan si Biden. Lahat ng boto ng mga ito, napunta kay Biden.

Halatang pagmamaniobra ito ng mga konserbatibo at bilyonaryong mga miyembro ng Democratic Party at nasa naghaharing uri ng US para ipagkait kay Sanders ang nominasyon. Grabe ang takot nila na maging kandidato ng partido si Sanders, na lamang pa nga sa mga sarbey kay Donald Trump. Takot silang isang nagpapakilalang sosyalista ang magiging presidente ng US.

Ano ang kahulugan nito para sa mga Pilipino? Nangungunang imperyalistang bansa rito ang US, at ang galaw ng pulitika dito’y may implikasyon sa pagpapanatili ng imperyalistang paghahari ng US sa bansa. Siyempre, hinahadlangan ng mga imperyalista ang isang tulad ni Sanders dahil gusto ng mga ito ipagpatuloy ang imperyalistang paghahari ng US sa Pilipinas at sa maraming iba pang malakolonya nito.

Ibang usapin pa kung maipagtatagumpay talaga ni Sanders ang mga plano niya kung magwawagi siya bilang nominado ng Democratic Party at, possible, bilang presidente ng US. Para sa mga progresibo sa Pilipinas, anumang nagtutulak ng progresibong pagbabago at nagpapalaganap ng progresibong mga posisyon at pulitika sa US at saanmang bansa ay dapat suportahan.