Sunod: bagong henerasyon ng genre ng gulantang at kilabot

0
167
Screen grabbed from Sunod movie trailer

Swak ang tagpuang pampanahunan ng Sunod. Nakapeg ang epekto ng pagbabawal sa pagsasalita ng Wikang Filipino sa araw-araw na danas sa kasalukuyang modernidad ng mga bagets, senior citizen at burgis na estadong tagapangasiwa ng lipunang Pilipino. Lingid sa dilim ng pelikula ang kaugnayan nito sa nakaprogramang pabukakà na kabuhayan ng 13 milyong transnasyonalisadong OFW. Sa kabilang banda, angkop sa kamalayan ng Ingleserong patriyarka ang transnasyonal na katransaksiyong imbestor ng LGO.

Ni ABET UMIL
Bulatlat.com

Nadawit ang mag-inang Liv (Villaroel) at Annelle (Brimmer) sa sambulat ng sinupil na lihim, bahagi ng talambuhay ng ama (Webb) ni Karen Liboro (Dizon). Ang detalyeng ito ng kasaysayan ng patriyarka at natipong ari-ariang realty ay dahan-dahang makapanghihimasok sa kalingàan ng bulnerableng mag-ina. Angkop na angkop sa sino mang bihasang magsalita ng Wikang Ingles, milenyal at nakababatang henerasyon ang uri ng negosyong pinangangasiwaan ni Karen. Nakabase ang ofisina nito sa lumang bilding na pag-aari din nilang mag-ama. Ano kaya kung may ligalíg na kaluluwang nakahimpil dito at makisalamuha sa isa sa mga panggabing empleyado? Ang pelikulang Sunod ay lahok sa Metro Manila Film Festival 2019.

Nag-iisang magulang lamang si Liv na nagpalaki kay Annelle. Malumanay magsalita at kumilos dahil iyon ang pakikitungong kailangan ng anak na may sakit sa puso. Madaling mapagkakamalang kakomunidad ng mayayaman kapag nakabihis. Bihasang magsalita ng Ingles. May talentong tumugtog ng gitara at magsulat ng liriks si Annelle. Lamang, solong nakakompayn at sinusubaybayan ng espesyalista ang kanyang kondisyon sa isang kuwarto ng pribadong ospital. May pagkalalaki ang asta’t determinado ang tono kung makipag-usap sa Ingles si Karen. Halata ang tiwala sa sarili’t mapagmalasakit ang aura ni Lance (Santos) nang magbigay ng oryentasyon at direksyon, sa Wikang Ingles din, sa mga empleyadong napamumunuan.

Asiwà ang katayuan sa buhay ni Liv. Maselan kasi ang pinakahuling balita sa kanya ng doktor tungkol sa kasalukuyang kondisyon ng anak. Hindi pangkaraniwan ang sitwasyon at proseso pag-aplay niya ng trabaho, at dito magsasalasabid ang kanilang mga landas. Hahantong iyon sa LGO (Liboro Group Outsourcing), ang call center na nag-oopereyt sa bilding na dating ospital may kung ilang dekada na ang nakalipas.

Sa unang gabi ng treyning, ipapakilala ni Lance ang sarili sa mga kaempleyado bilang team leader. Makikipagkaibigan si Mimi (Alejandrino) kay Liv. Mababanggit ni Lance kay Liv, sa isang eksena, ang patakaran ni Karen na hindi maaaring magsalita ng Filipino sa ofisyal na oras ng trabaho.

Maagap ang babalâ ni Lance sa mga tauhan na mag-ingat sa pag-akyat-babâ sa ika-4 na palapag. Tanging iyon lamang ang gumagana para sa call center. Bukod ang itaas na residensiyang kinararatayan ng patriyarkang Liboro. Sa pamamagitan ng elevator, isang gabi, sasagad si Liv sa basement na dapat iwasan. Simula ito ng pagsubida ng kilabot at gulantáng na magpapadaop-palad sa kanila ng musmos na si Nerissa (Bustamante). Magiging sanhi ito ng pagbibigay-payo ng doktor upang pauwiin na ang pasyenteng anak.

Sa tahanan ng mag-inang Liv at Annelle, unang magpaparamdam ang ipinahihiwatig ng pamagat. Sisidhi ang sahol ng asiwàng humihidwà sa loob ni Liv pagkatapos ng masinsinang maniyobra ng malasakit sa kanya ni Lance. Bagay na mag-uugnay sa gitnang uring pamumuhay nina Liv at Annelle sa kung tawagin dati ay “iskwater”, kinapadparan ni Perla (Africa), ina ni Nerissa. Bubungaran ng alinlangan si Perla ngunit magtitiwala rin sa sandaling maramdaman kay Annelle ang matagal nang “nawalay” na “anak”.

Sa sukdulan, may kung anong pangyayari sa elevator ng LGO ang hihila sa mga paa ni Lance upang di sinasadyang usisain ang isang pintong ipininid ng magkakaekis na lumang tablang ipinako sa balangkas ng hamba. Ang pangyayari dito, na maisasalarawan ng sunod-sunod na lagutok at kalansing, ay magtutulak sa pagpapahayag ng katiwala sa pasya ng patriyarka upang pansamantalang itigil ang operasyon ng call center. Malalantad din ang paghubad ng Ingleserong patriyarka sa oxygen mask. Tatayo mula sa pagkakaratay upang isalaysay kay Karen ang mga agam-agam habang totohanan nang sumasambulat ang malagim na gunita.

Paiigtingin ng nabanggit na mga motibasyon ang makapanindig-balahibong rebelasyon ng patriyarka at kaugnayan nito sa: mahiwagang pagsunod ni Nerissa kay Liv; pagpauwi ng doktor kay Annelle; pagtatagpo ng mag-inang Perla at “Nerissa”; tangka at pagtatanggol ng mga katawan sa isa’t isa; ritwal sa pulang bolang sinulid-gantsilyo sa basement ng bilding; muling pagkakompayn ni Annelle; at muling paglitaw ng pulang bolang sinulid-panggantsilyo sa pasilyo sa harap ng papasarang elevator ng ospital na pinasok nina Liv at Karen.

Bukod-tangi ang Sunod sa karaniwang pangkatatakutan na mga pelikulang gumagamit ng tauhang elemental, halimaw, aswang. Pundasyon nito ang mga sangkap ng kondisyong sikolohikal ng tauhan at ugat ng karakterisasyon nila sa kasaysayan bilang mohon ng pag-agwat.

Ito pa lamang ang napanood ko sa MMFF 2019. Hindi manakanakâ ang mga napapasigaw sa sinehan sa mall na pinanooran namin ng kasama ko. Sinusundan iyon ng hagikghikang pampaluwag sa danas ng gulantang, saka inaantabayanan ang kabá sa susunod na mga eksena. Kahanga-hanga ang masining na pailaw ng potograpiya. Pinaghirapan ang pagpapanatili ng atmospera ng mise es scene. Mabuti at nagresulta sa panalo ng Best Photography. Ang mabutil na imahen sa paulit-ulit na panaginip ni Liv ay nakapagset ng nagbi-build up na pakiramdam ng hilakbot habang umiinit ang puwet namin sa mga hanay ng upuang halos kalahati lamang ng maximum na kapasidad ng sinehan ang okupado.

Kumbaga, ang pakiramdam ng manonood sa pelikulang ito, ay parang manlalakbay na nataon sa takipsilim ang muling lusong ng mga hakbang tungo sa pusikit na kung saan. Subalit paano lalakad kung hindi pa nakababawi ng: tinô ang isip, lakas ang katawan, sampalataya ang kaluluwa? Nakahihikayat ng alinlangan ang maasul-asul na timplada ng kulimlim sa iskrin. Kadalasang kulay ito ng naipapalabas na mga pelikula Europeo.

Nakatukso pa sana ng pampaduwag sa damá ng manonood kung naangkupan ng montage ng mga inaagiw na detalyeng makamumungkahi ng nakatatakot na datíng ng lumang bilding ang mahahalagang transisyon. Gayon man, napunan ito ng mahusay na scoring ng musika. Lalo na ng akting. Walang sapaw, kinakailangan lamang ang mahiwatig na ganap ng bawat aktor. Wagas sa genre ng gulantang at kilabot ang disenyo ng produksiyon. Titingkad ito sa eksenang interyor ng isang tiyan. Sulit ang busisì ng departamento ng sining sa panalo ng Best Production Design. Sa kabuuan, bahagya lamang ang kiling ng mga imaheng pinagtagni at binabalanse ng gaan ng dialogo.

Kalakasan ng pelikula ang pagtatapat-tapat ng mga tauhan sa antas ng kasarian. Bagaman karaniwang empleyado lamang si Liv, tampok ang kanyang pagiging magiliw ngunit hindi hinuhupaan ng sigasig sa kabila ng mag-isang pagtataguyod sa kapakanan ng anak. “Child Of the Owner” si Karen, elitista, ngunit may konsiderasyon sa oras ng pagtatasa sa regularisasyon ng empleyado.

Gayon man, suspetsa ang asta niya sa impluwensiya ng patriyarkiya. Iskwater si Perla, nakakailang ang dating ng daskol ng kunsimidong malahuklubang hitsura, obligado ang pakay sa kanya ni Liv. Sa bulusok ng aksiyon ng iskrip, malalahad ang kaalaman ng partikular na tauhang ito sa tradisyonal na dunong na posibleng babaylan lamang ang nagtataglay. Sa isang banda, ang kasarian sa representasyon ni Lance ay umusli ang karera bilang kabiláng mukha ng gitnang uring dispatsador ng propesyonalismong nakapailalim sa gahum ng elitismo’t patriyarkiya.

Subalit, sa palindayag (denouement), ipinahiwatig lamang ang kabuuan ng talambuhay at kasaysayan ng natipong ari-arian ang ipinagtapat ng patriyarka sa anak. Nagtakip lamang ito ng patlang sa mga ipinasimunong nagbuyo ng paglihis na nauwi sa walang humpay na makapigil-hiningang rubdob ng gulantang at kilabot. Kundangan kasing sa perspektiba lamang ni Liv pinadaloy ang naratibo. Bagaman neurosis ng patriyarka ang sanhi ng palag at resolba ng mga ahensiya ng bawat tauhan sa sandaling rumurok ang igting ng higanti sa kaganapan ng “ano kaya kung” na dinadalumat ng pelikula.

Swak ang tagpuang pampanahunan ng Sunod. Nakapeg ang epekto ng pagbabawal sa pagsasalita ng Wikang Filipino sa araw-araw na danas sa kasalukuyang modernidad ng mga bagets, senior citizen at burgis na estadong tagapangasiwa ng lipunang Pilipino. Lingid sa dilim ng pelikula ang kaugnayan nito sa nakaprogramang pabukakà na kabuhayan ng 13 milyong transnasyonalisadong OFW. Sa kabilang banda, angkop sa kamalayan ng Ingleserong patriyarka ang transnasyonal na katransaksiyong imbestor ng LGO.

Mas bagay ang casting kung magkapalit sana ang papel nina Villaroel at Dizon dahil na rin sa Caucasian na hitsura ni Webb, hindi sumakto sa morenang karakter ng kanyang anak. Napalampas ng Best screenplay ang masasabing kahinaan ng pelikula na may kinalaman sa abilidad at motibasyon ni Perla. Kinakaladkad nito sa kalituhan ang interpretasyon ng manonood sa sangkap na sinasagisag ng pulang bola ng sinulid bilang argumentong tumutunton sa tradisyon ng isinalaylayang kapangyarihan ng babaylanismo.

Kabinataan pa lamang at premyado ng kilalang kilalang Cannes Film Festival ang direktor na si Ledesma. Posibleng ang transnasyonal ding pagka-Pinoy niya, at mahusay sa teknik na kanyang pananaw sa daigdig, ang hindi nakapansin sa maladaptibong resolusyon ng pagsasadula ni David sa naratibo? Kapanipaniwalang nagbabantayog ang pelikulang ito ng bagong henerasyon ng genre ng gulantang at kilabot. Subalit, hindi pa rin kinayang paalpasin ng estetika ang mapagkapwa-taong anak ng patriyarka sa klasikong Electra complex na nakalukob. (https://www.bulatlat.com)

The post Sunod: bagong henerasyon ng genre ng gulantang at kilabot appeared first on Bulatlat.