Suntok-hangin sa oligarkiya

0
200

Magandang taktika itong ginagawa ni Pangulong Duterte na panduduro sa mga water concessionaire tulad ng Maynilad at Manila Water.

Una, kaliwa’t kanan naman talaga ang kontrobersyang kinasasangkutan ng mga ito, kasama na ang hindi maresolba na kakulangan sa tubig. Ikalawa, nanunumbalik ang imahe niyang matapang at walang niyuyukuran (na sa totoo, namantsahan ng pagkamaamo niya sa Tsina). At diyan na nga nagkakatalo. Maganda itong taktika, hindi para sa mga konsyumer na nangangailangan ng tubig, kung hindi para sa kanyang imahe, at higit kailangang bantayan, para sa kanyang mga kakampi.

Sa bisa ng utos ni Duterte, sinilip ng Department of Justice (DOJ) ang concession agreements (CA) o kasunduan sa dalawang kompanya. Dito na nga nakita ng DOJ ang ilang maanomalyang probisyon tulad ng kataka-takang ekstensyon ng kontrata at kawalan ng gobyerno ng kapangyarihan sa takdang singil sa mga konsyumer. Ilan ito sa mga puna na ilang taon na nilalaban ng iba’t ibang grupo tulad ng Water for the People Network. At kahit ngayong binabanatan na ni Duterte ang dalawang kompanya, hindi pa rin panatag ang mga progresibong grupo. Hindi ito usapin ng sinong unang nagreklamo. Usapin ito ng tunguhin ng reklamo at ng nakikitang solusyon.

Sa taktika na ito, nagmumukhang matapang si Duterte kahit kaharap niya ang naglalakihang mga oligarkiya tulad ng mga Ayala at mga Lopez. Kapuna-puna nga lang na hindi naman pinupuntirya ng pangulo ang mismong pribatisasyon ng tubig. Kung ang tanging pupuntahan ng lahat ng ito ay ang kaunting pagkalabit sa CA o paglipat ng pagmamay-ari sa ibang oligarkiya tulad na lamang ng mga Villar, hindi rin ito ikauunlad ng konsyumer. Nakita na natin ito noong pribatisasyon ang ihaing solusyon ni dating pangulong Fidel Ramos sa krisis sa tubig. Dekada na ang lumipas at may krisis pa rin sa tubig.

Kailangang matandaan ng pangulo na hindi siya inihalal para mag-astang bata, kakampi (na oligarkiya) dito, kaaway naman doon. Kung ipapanawagan niyang ibalik sa pagmamay-ari ng gobyerno ang tubig para hindi na ito pagkakitaan pa, tiyaka lamang pwede makahinga nang mas maluwag ang sambayanan. Pero hangga’t suntok-hangin lang ang ibinabato niya, malinaw na hindi ito para sa masa.