Lumikha ng ingay sa internet, sa pamamagitan ng social media sites, kamakailan ang balitang may reunion shows ang Rage Against The Machine sa 2020. Malaking balita ito para sa industriya ng musika dahil matapos ang diumano’y final show sa L.A. Rising Festival sa Los Angeles, California noong 2011, tutugtog muli ang isa sa mga pinakasikat na modern rock group na nagkamit ng malaking mainstream success habang dinadala ang maka-kaliwang pampulitikang paninindigan ng banda.
Nagsimula ang usap-usapan ng reunion nina Zach Dela Rocha (boses), Tom Morello (gitara), Tim Commerford (bass) at Brad Wilk (drums) bilang RATM nang lumabas noong Nobyembre 2 ang isang post sa Instagram, ng account na rageagainstthemachine, ng isang imahe ng malaking kilos protesta sa Chile kasama ang caption na nagsasaad ng tour dates diumano sa 2020. Batay sa nasabing post, tutugtog ang grupo sa piling mga petsa sa pagitan ng Marso hanggang Abril 2020 sa Texas, New Mexico, Arizona at maging sa Coachella festival sa California. Mabilis naman kinumpirma ni Wayne Kamemoto, isang malapit na kakilala ng RATM, sa media outfits ang nasabing reunion tour at kalauna’y inanunsyo din sa opisyal na Twitter account (@RATM) ng nasabing grupo. Ito na ang ikalawang beses na maglulunsad ng reunion ng RATM mula nang umalis sa grupo si Zack taong 2000 at nang huli silang tumugtog noong 2011.
Halo-halo ang reaksyon sa nasabing reunion ng grupo – marami ang natuwa at nasabik pero siyempre, mayroon din mga skeptical at mga tumuligsa.
Isa sa ispekulasyon sa kung ano’ng dahilan ng reunion ng RATM ang nalalapit na eleksyon sa Estados Unidos sa 2020 upang labanan at hadlangan ang re-election bilang presidente ni Donald Trump at iba pang alipores nitong nagtataguyod ng rasismo, pasismo at iba pang kontra-mamamayang polisiya.
May ilang tumutuligsa sa pagtugtog ng RATM sa dalawang petsa ng Coachella sa 2020 na anila’y taliwas sa mga isinusulong at ipinaglalaban ng grupo. Subsidyaryo ang Goldenvoice (organisador ng Caoachella) ng AEG Presents na nasa ilalim ng Anschutz Group of Companies na pag-aari ni Philip Anschutz. Si Anschutz ay isang kilalang far-right at konserbatibong kristyano na nagdonate ng miyong dolyar sa kampanya ng mga pulitikong Republican at hate groups na may adbokasiyang pagtatatwa sa climate change at pagkontra sa LGBTQIA+. Ngunit hindi ito ang una kundi ikatlong beses, kung sakali, na tutugtog ang grupo sa Coachella. Ayon pa sa iba, pera na lang ang habol ng grupo kaya ito maglulunsad ng reunion shows.
Hindi dapat kalimutan na ang naging gawi ng RATM na tumutugtog sa Coachella at sa mga kahalintulad na malalaking konsiyerto o festival at pagpasok sa malalaking record label tulad ng Epic Records at Sony Music ay upang gamitin ang mga rekurso at network ng mga ito upang maabot ng mensahe ng kanilang mga kanta ang mas malawak na audience. Ayon nga sa Facebook post ng Hate5Six.com, isang prominenteng US-based dokumentador ng underground na eksena, “hina-highjack nila (RATM) ang stage at bawat cellphone na nakatutok sa kanila para ipalaganap ang isang targeted na mensahe na nakatuon sa mismong mga tao na kailangan iyon marinig, katulad ng kung paano nila na-highjack ang radyo at MTV para abutin ako sa aming bahay.”
Bukod sa aktuwal na paglahok ng mga miyembro ng grupo sa mga social movements kaugnay ng kanilang mga advocacy, sinusuportahan din ng grupo sa pamamagitan ng pagdodonate ng bahagi, kung hindi man ang signipikanteng bahagi o buo, ng kanilang kinikita sa mga konsiyerto at record sales sa mga sinusuportahan nilang mga indibidwal at organisasyon o cause ng Zapatista Army of National Liberation o EZLN sa Mexico at mga unyon o iba pang organisasyong nagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawa, migrante at iba pang inaaping mamamayan.
Balido pa rin ang pangalang Rage Against The Machine at ang lyrics ng mga kanta nito sa kasalukuyang panahon. Naririyan pa rin ang kinaiinugang sirkumstansya nang magsimula ang grupo noong 1991 hanggang sa nagdisband noong 2000, at nang unang reunion noong 2007-2011 – pananalasa ng neoliberalismo, mga imperyalistang gera at redibisyon ng mga teritoryo sa mundo, cold war at pagguho ng mga rebisyunistang rehimen sa Unyong Sobyet, global financial and economic crisis at iba pang senyales ng terminal stage ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo. Ngunit mas mainam kung lilikha ng materyal para sa bagong album ang grupo para maging napapanahon din ang lyrics at ‘di manatiling ang mga ito bilang islogan at retorika lang.
Kakatwa ang pananabik at pagsali sa bandwagon ng mga Pilipino, maging ang mga hardcore DDS, sa balita ng RATM reunion. Kanya-kanya sila ng pagsasambit ng kanilang mga paboritong kanta at mga linya sa mga kanta ng grupo ngunit tahimik naman sa kawalan ng hustisyang panlipunan, pagsasamantala ng iilang naghaharing uri sa mamamayan – mga mismong bagay na pinapatungkulan ng mga kanta ng RATM – na nagaganap sa bansa sa kamay ni Duterte at sa iba pang nagdaang rehimen. Ayon nga kay Jerros Dolino, drummer ng Lady I, Megumi Acorda, The Axel Pinpin Propaganda Machine at marami pang banda, sa kanyang Facebook post na umani ng 446 likes at 532 shares, “Galit ka sa mga activist at rallyists pero tuwang-tuwa ka ngayon na nag reunion ang RATM. Do you really understand what the band is about?”
Mainam at napapanahon ang reunion ng RATM sa konteksto ng pagtalas ng tunggalian sa loob ng US at sa iba pang mauunlad na bansa at ang papalakas na kilusang masa sa iba’t-ibang bansa laban sa rasismo, pasismo, kagutuman at kahirapan. Ika nga sa kanilang kantang Guerrilla Radio: “It has to start somewhere/It has to start sometime/What better place than here?/What better time than now?”