Umabot sa 60 na mga lider at kasapi ng progresibong mga organisasyon ang naaresto kamakailan sa magkakasunod na reyd sa kanilang mga opisina at kabahayan. Isinagawa ito ng mga elemento ng Philippine National Police (PNP), sa Bacolod at Escalante sa isla ng Negros at sa Maynila, mula katapusan ng Oktubre hanggang Nobyembre 5.
Matapos maghalughog sa naturang mga opisina at kabahayan, natagpuan ang diumano’y mga armas at “subersibong” mga dokumento, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP. Kinasuhan ang kalakhan ng mga inaresto ng illegal possession of firearms and explosives habang ang ilan ay kinasuhan ng human trafficking.
Pero inalmahan ito ng progresibong mga organisasyon. Anila, “nagtanim-ebidensiya” ang mga pulis na nagsagawa ng panghahalughog at gawa-gawa lang ang kasong isinampa laban sa mga inaresto. Ayon pa sa kanila, bahagi ito ng crackdown o pag-aresto sa mga aktibista, human rights defenders at mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Duterte.
Lumalabas, padron na ng mga operasyong ganito ng PNP ang “tanim-ebidensiya” para ikulong ang mga kritiko ng rehimeng Duterte, ayon sa mga grupong pangkarapatang pantao.
Ginawang krimen ang protesta
Ayon sa Karapatan, isang organisasyong nagtataguyod ng karapatang pantao, may pagtaas ng mga insidente ng ilegal na inaresto batay sa mga gawa-gawang kaso o trumped-up charges.
“Nagiging mas palasak ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista, human rights defenders, at sibilyan para ipintang kriminal ang mga tao o grupong nagtataguyod ng karapatang pantao,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Para naman kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso ay bahagi ng “criminalization of dissent” o pagturing ng Estado na krimen ang pagtutol sa pamahalaan at sistema – diumano’y tinatanggalan ng pagiging lehitimo ang mga aktibista at mga rebolusyonaryo, at nilalatag ang legal na batayan para sila ay arestuhin at ipakulong.
Sa tala ng Karapatan, umabot sa 2,059 ang ilegal na inaresto bunsod ng gawa-gawang kaso sa ilalim ng administrasyong Gloria Macapagal Arroyo (2001- 2010) habang may 1,817 naman sa panahon ni Pang. Benigno Aquino III (2010- 2016). Sa kasalukuyan, lumaki pa ang bilang ng ganitong insidente tungong 3,130 kaso sa loob ng tatlo at kalahating taon pa lang ng panunungkulan ni Pangulong Duterte.
Nagsimulang lumobo ang mga insidente ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso at ilegal na mga pag-aresto nang itatag ni Arroyo, sa pamamagitan ng Executive Order 493 noong 2006, ang Inter-agency Legal Affairs Group (Ialag) hanggang sa pagbuwag dito noong 2012. Binuhay muli ng administrasyong Duterte ang kahalintulad na pormasyon sa anyo ng Inter-Agency Committee on Legal Action (Iacla) na itinatag noong 2017.
Ibinahagi ni Palabay na pinakamadalas umano sa mga kasong isinampa ay mga kasong non-bailable (o di maaaring magpiyansa) tulad ng illegal possession of firearms and explosives, murder, frustrated murder, arson, o robbery in band. “Ang mga kasong ito ay nailulusot sa legal na mga proseso sa pamamagitan ng pagtatanim ng ebidensiya at paglulubid ng istorya o kasinungalingan ng mga pulis at militar.”
Ilan sa tampok na naitala ng Karapatan na gawa-gawang mga kaso ang isinampang kaso ng rebelyon at insureksiyon sa mga tinaguriang Batasan 5 o mga representante ng party-list sa ilalim ng blokeng Makabayan nang magdeklara ng State of Emergency si dating pangulong Arroyo noong 2006 at ang tangkang muling buhayin ito nito lang nakaraang taon; kaso ng multiple murder, kaugnay ng diumano’y mass graves ng New People’s Army (NPA) laban kay dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at ilang peace consultants tulad nina Vicente Ladlad at Rafael Baylosis na tinaguriang “case of travelling skeletons” dahil sa pare-parehas na kalansay bilang ebidensiyang diumano’y natagpuan sa Hilongos, Baybay at Inopacan sa Leyte.
Laban sa mga ‘kaaway’ ng estado
Sa pagsusuri ng Karapatan, kasama bilang taktika ng estado, ang pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista at iba pang kritiko, sa kanilang kampanya kontra-insurhensiya. Anila, ito’y mga opensiba sa legal na mga organisasyon na pinaparatangang prenteng mga grupo ng Communist Party of the Philippines (CPP) at NPA. Nakasaad diumano ito sa mga dokumento at plano ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Ayon sa opisyal na pahayag ni Secretary Martin Andanar, tagapagsalita ng NTF-Elcac, tinitindigan nito na mga kasapi o tagasuporta diumano ng CPP at NPA ang pinakahuling mga naaresto sa magkakahiwalay na mga reyd ng PNP sa mga opisina ng progresibong mga grupo at kabahayan ng mga lider at kasapi nito.
Dagdag pa ni Reyes, sistematiko diumano ang trumped-up charges sa panahon ni Duterte dahil sa NTF-Elcac. Aniya, ginagawang polisiya ang pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso at may mga ahensiya na nagiging instrumento nito alunsunod sa “whole-of-nation approach” ng Estado.
Tinitingnan ng Karapatan at Bayan na habang walang Anti-Subversion Law, ang pagsampa ng gawa-gawang mga kaso ang paraan ng gobyerno, para supilin ang mga aktibista at iba pang kritiko. Kasong kriminal diumano ang ikinakaso kahit pa malinaw na pulitikal ang kalikasan ng kaso.
Ginagamit at minamaniobra diumano ng administrasyon ang lahat ng legal na paraan at proseso para madakip at makasuhan ang mga aktibista sa bisa ng mga search warrant at pagtatanim ng mga ebidensiya.
“Hindi lang ito atake sa mga aktibista kung hindi sa lahat ng mga kritiko ng administrasyon mula sa pulitikal na oposisyon at maging mga ordinaryong sibilyan. Lahat ay maaaring taniman ng ebidensiya, kasuhan ng gawa-gawang kaso, o kaya ay paratangang ‘terorista’ kapag nangahas kang magsalita laban sa mga pang-aabuso ng pamahalaan.” ani Palabay.