Tanong ni Jacinto: Qualified ba ang pinuno?

0
185

Marami na namang usapin sa mga nai-appoint na mga pinuno, at sa mga pinunong nasangkot sa iba’t ibang usapin – kung kwalipikado nga ba talaga ang mga itinatalagang mamuno sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Sa ideyal na panahon, ang integridad sa pamumuno; ang katapatan sa paggampan ng gawain; ang kahandaan at kasanayan sa mga trabahong gagawin; ang pagmamahal sa paglilingkurang tanggapan at bayan; at walang bahid ng kurapsyon sa mga nakaraang tungkulin ang kailangang isaalang alang kung ilalagay sa pwesto ang isang administrador.

Subalit paano kung isasantabi na ito at ang bulag na pagsunod at walang tanong na katapatan na lamang sa nagbigay ng appointment ang batayan ng pamumuno sa mga tanggapan? Ano ang mangyayari kung sakaling sila ang maupo sa mga opisinang tutugon dapat sa mga pangangailangan ng mamamayan?

Mahigit isandaang taon na ang nakakaraan, napansin na ito ni Emilio Jacinto, ang binansagang Utak ng Katipunan. Sa kanyang mga sulatin, ginamit ni Jacinto ang pangalang Dimasilaw habang Pingkian naman ang kanyang pangalan sa lihim na kilusan ng Katipunan. Bilang Pingkian, naging tagaingat si Jacinto ng mga dokumento ng himagiskan, at tumulong sa mga pagkilos na inilunsad ng kilusan mula Pugadlawin hanggang sa paglawak ng kilusan sa mga lalawigan. Hanggang sa panahong pumunta si Andres Bonifacio sa Cavite kung saan nakatapat nina Bonifacio ang tunggaliang nagbunga ng kamatayan ng magkakapatid na Andres, Ciriaco at Procopio, ipinagpatuloy ni Pingkian ang pagkilos laban sa mga Kastila hanggang sa Laguna kung saan siya dinapuan ng sakit na nagbunga ng ‘di inaasahang maagang kamatayan.

Maraming mga gawain si Dimasilaw bilang Utak ng Katipunan. Kasama sina Andres Bonifacio, sila ang naglinaw ng ilang mga pangunahing sulatin at paninidigan ng reblousyon at ang pagpapalawig ng mga kaisipan ng paghihimagsik. Isa siya sa mga pangunahing manunulat sa pahayagang Kalayaan, at tagapag-ingat ng mga naimprentang kopya nito. Sa kanyang pinakasikat na sanaysay na Liwanag at Dilim, nilinaw ni Jacinto ang iba ibang aspekto ng kaisipan ng himagsikan, mula sa pilosopiya ng Kaliwanagan (Enlightenment) at ang pagtingin ng mga Katipunero dito; ang pagpapalawig sa usapin ng Kalayaan, Pagkakapantay-pantay, Kapatiran, Pag-ibig at Batayan ng Pamumuno.

Isa sa pinakamalaking bahagi ng Liwanag at Dilim ang subheto ng Pamamahala. Sa simula, nagbigay ng panawagan si Jacinto sa mga mamamayan para makilala nila ang tamang batayan sa pagpili ng mga pinuno. Ayon sa kanya, ang pinuno ang dapat na maglilingkod sa mga tao, at hindi ang tao ang maglilingkod sa mga pinuno – ang pinuno ang dapat na mag iisip sa kapakanan ng nakararami bago ang sarili. Tungkulin ng pinuno ang umakay sa mga tao para makamit nito ang magandang buhay, at maituturing na kasalanan ng pinuno kapag naganap ang paghihirap at pagdurusa ng mga mamamayan. Sa paglilingkod para makamit ang kapakanan ng bayan dapat nakasalalay ang kapangyarihan ng mga pinuno ng bayan. Sa bayan makukuha ng mga pinuno ang kanyang kapangyarihan at ang kabuuan ng pinagsama samang kapangyarihan ng bayan ang batayan ng pamumuno. Hindi mataas ang posisyon ng pinuno dahil nakatataas siya sa mga mamamayan. Bagkus, mataas ang posisyon ng pinuno dahil sa kapangyarihang ibinigay ng taumbayan sa kanya. Malinaw kung gayon, ayon kay Jacinto, na ang karaniwang mga mamamayan ang tunay na nakatataas sa lipunan at ang kataasan ng gobyerno ay matatamo lamang kung magbibigay ang taumbayan ng basbas sa kanila para mamahala.

Ilang bahagi ng Liwanag at Dilim ang nagsasabi ng mga sumusunod:

Maaaring mamahala ang mga hangal at lilong Pinuno, na mag-akala ng sa sarili bago ng sa iyo, at salawin ka sa ningning ng kanilang kataasan at mga piling pangungusap na nakalalamuyot. Kinakailangan ngang matalastas mo’t mabuksang tuluyan ang iyong pag-iisip, nang makilala mo ang masama at mabuting Pinuno, at nang huwag masayang ang di-masukat mong mga pinuhunan.

Ang kadahilanan nga ng mga Pinuno ay ang Bayan, at ang kagalingan at kaginhawaan nito ay siyang tanging dapat tunguhin ng lahat nilang gawa at kautusan.

Ano pa mang mangyayari, ang mga Pinuno ay siyang mananagot.

Tungkol nila ang umakay sa Bayan sa ikagiginhawa. Kailan pa ma’t maghirap at maligaw ay kasalanan nila.

At kung ang nagkakasala sa isang tao ay pinarusahan, ano kaya ang nararapat sa nagkakasala sa Bayan, sa yuta’t yutang mga kapwa? Sakali’t ang pagkaligaw ay dahil di nababatid ang daan, ano’t hindi pinabayaang mag-akay ang isang nakaaalam?

Lisanin na natin ang pag-uugaling dinadala ang dating pani-niwala na ang mga Pinuno ay panginoon ng Bayan at magaling ang kaginhawahan ng lahat ay siya nilang tungkol upang huwag nilang makalimutan.

Kaya nga’t ang alinmang kapangyarihan upang maging tunay at matwid ay sa Bayan lamang at sa kanyang mga tunay na Pinakakatawan dapat na manggaling.

Sa madaling salita, di dapat nating kilalanin ang pagkatao ng mga Pinuno na mataas kaysa madla. Ang pagsunod at pagkilala sa kanila ay dahil sa kapangyarihang ipinagkaloob ng Bayan, sumakatwid, ang kabuuan ng mga kapangyarihan ng bawat isa.

Sa bagay na ito, ang sumusunod sa mga pinunong inilagay ng Bayan ay dito sumusunod, at sa paraang ito’y nakikipag-isa sa kalahatan. At ang pakikipag-isang ito ay siyang daang tangi ng kaasyusang kinakailangan ng kabuhayan ng Bayan.

Ito’y siyang paraan lamang upang ang malupit at marayang kaliluhan na ngayo’y lumagpak na ay huwag na muling magbangon at magdamit-bayani o tagapagtanggol kaya ng Bayan at kalayaan. Na kung magkaganito ma’y kanyang ililihis ang katwiran, iinisin ang Bayan at sasakalin ang kalayaan sa dahilang hango din kunwari sa tatlong bagay na ito at kawili-wiling dinggin.

Wala na ngang makapangangalaga sa sarili na gaya ng tunay na may katawan. Gayundin naman ang Bayan. Upang huwag magaga, huwag maapi, kinakailangang magkaloob ito na kuilala at tumakwil sa mga lilong may balatkayo.

Sa katahimikan ng bawat panig ng Bayan at kaalwanan ay hindi maaaring di pamagitanan ng isang kataas-taasang kapangyarihang hango sa kabuuan at laan sa laging pagkakaisang binhi ng lakas at kabuhayan.

Magbuhat nga sa lalong mataas na pinuno hanggang sa kahu-lihulihang mamamayan ay dapat na gumamit ng lubos na pitagan at pagtupad sa mga pasiya ng kataas-taasang kapangyarihang ito na hinahango sa kabuuan at ginaganap sa kaparaanan ng kapisanan ng mga Pinakakatawan ng Bayan o Kongreso.

Ay! Ngunit ang tunay na nararapat at ang katwiran ay madalas na guluhin at takpan ng malabis na paghahangad ng karangalan, ng lampas na pag-iimpok sa sarili, at ng gumigiit na gawing masasama.

Ang kapangyarihan ng mga Pinuno ay dapat na iasa lamang sa pag-ibig at pagmamahal ng Bayan, na dili mangyayaring makamtan kundi sa maganda’t matwid na pagpapasunod.

Anung laking kamalian ng mga pusong maisip na nagpupumilit magpasikat ng kapangyarihan sa kaparaanan ng lakas ng baril! Mga pikit na mata! Aayaw kumuhang halimbawa sa mga nangyaring kakilakilabot sa mga nagdaang panahon!
Wala nang magaang akayin na gaya ng mga loob na tapat; datapwat wala namang napopoot na gaya nila laban sa di matwid at mararahas na paraan at sa hamak na pagpapakumbaba.

Ang kaginhawahan, wala na kundi ang kaginhawahan ng Bayan, ang siyang talagang katwiran at kadahilanan, ang simula’t katapusan, ang hulo’t wakas ng lahat ng katungkulan ng mga tagapamahala.

Ngunit ang kaginhawahang ito’y madalas agawin at hatiin kung ang mga karangalan ay kinakamtan ng mga sukab na mapagmapuri, kung ang mga pala at katwiran ay ibinibigay sa udyok ng suhol at pagkapit sa malalaki. Siya nang pagyaman ng masasama at paglitaw ng mga palalo.

Umasa na ang masasamang ito’y bumago at kusang bumuti ay malaking kamalian. Ang mga ito’y katulad ng hunyango na bumabagay sa kulay ng kahoy na dinadapuan. Ang lunas na kinakailangan upang huwag mangyari at masunod ang papaganitong kasamaan ay wala kundi ang pagliliwanag ng isip ng Bayan at ang bagong pag-uugali.

Ang mga kautusan nga, dahil nagbubuhat sa loob ng Bayan, ay unang dapat na igalang at sundin bago ang mga Pinuno pagkat ito’y mga katiwala lamang ng pagpapatupad ng kautusang ito. Ang dating masamang ugali na ang pagkahukom ng hukom ay siyang kauna-unahang binibigyang halaga ay pinanggagalingan ng malalaking kasamaan pagkat napupuwing ang katwiran, at ang mga kautusan.

Dapwat baguhin ang ugali, samakatwid, pahalagahan ang mga kautusan na una sa lahat, palibhasa’y bunga ng nais ng kalahatan; at ang mga hukom, kung ibig na manatili sa pagkahukom ay pilit na gaganap ng wastong katwiran, at sa aba nila!

Kung ang nalalaban dito ang siyang aakalain.

Wala na kundi ang kaginhawahan ng Bayan ang tunay na sanhi ng alinmang kapangyarihan sa ibabaw ng lupa. Pagkat ang Bayan ay siyang lahat: dugo at buhay, yaman at lakas, lahat ay sa Bayan. Ang mga kawal na naghahandog ng buhay ay sa pagta-tanggol ng buhay ng lahat ay taganas na Anak ng Bayan.

Ang kayamanan ng Gobyerno ay nanggagaling sa mga Anak ng Bayan; ang laki at tibay ng kapangyarihan ay sa pagkilala’t pagsunod ng sa Bayan nagbubuhat; at ang tungkol ikinabubuhay ay ibinibigay na lahat ng Anak nh Bayan na nagpapabunga ng lupa, nag-aalaga ng mga hayop, at gumagawa ng mga sangkap at gamit na lahat sa kabuhayan.

Sapagkat ang Bayan nga, upang manatili at mabuhay, ay nakita na nating nangangailangan ng isang pinakaulo o Gobyerno, nauukol din naman ang magkaloob dito ng mga ambag na kinakailangan, na kung wala ay hindi maaari, bagama’t ang mga buwis o ambag ng Bayan ay sa tangi at lubos na kapakinabangan ng lahat dapat na gamitin.

Ang batayan ng pagiging lehitimo ng gobyerno ay hindi dahil nakatataas ang mga nasa pamahalaan. Hindi rin ito batay sa bulag na pagsunod o pagdakila sa pinuno. Kailangang punahin ang pinuno kung may kamalian, at bahagi ito ng pagtingin na ang kabutihan ng nakararami at hindi ng iilan ang puno at dulo ng pamumuno. Nagiging lehitimo ang pinuno kapag natutugunan ang kaginhawahan ng bayan. At malaking kasalanan sa pinuno ang maganap na pagdurusa at paghihirap ng bayan. Sa malawakang katiwalian, kahirapan at pagsasamantala sa mga mamamayan, tinatalikuran na ng pinuno ang pagiging makatwiran ng kanyang pamunuan. Mahigit isandaang taon na ang nakaraan, pinagbibilin na ni Jacinto ang dapat na pagtingin sa pagpili ng mga pinuno!

The post Tanong ni Jacinto: Qualified ba ang pinuno? appeared first on Bulatlat.