Dahil sa tatlong lindol sa Mindanao na hindi bumababa sa level six na magnitude nitong Oktubre, libu-libong pamilya at residente ang nalalagay sa peligro. Oktubre 16, 29, at 31, ang tatlong petsa na hindi muna malilimutan ng mga taga-Mindanao. Para sa progresibong mga grupo, dapat ring tumatak ang dagdag na hirap na dinaranas ng mga apektado dahil sa gobyerno.
Higit 36,000 pamilya ang apektado o aabot sa 178,000 indibidwal, kung saan 80 porsiyento ang sa North Cotabato. Sa pinakuhling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC) noong Nobyembre 3, wala pang isang kapat ng mga apektado ang naseserbisyuhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon pa kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, humantong na sa “humanitarian crisis” ang lahat. May 22 katao na ang natatalang patay, habang higit 400 naman ang sugatan. Sa mga barangay ng Tual, Damakling, at Poblacion sa Bangsamoro, binabaha pa dahil sa pagkakasira ng dike malapit sa Ilog Buluan- Panglat. Sa Makilala, Cotabato naman, gumuho ang gym sa Brgy. Batasan at naging dahilan pa ng pagkamatay ng isang residente.
Pinipigilan ang iba
Bilang tugon sa krisis, pinirmahan ni Lorenzana na siyang Martial Law administrator ng Mindanao ang ML Instruction No. 2 ang pagtalaga ng mga checkpoint para masusing mabantayan ang pagpasok at paglabas ng mga tao sa mga apektadong lungsod. Bukod pa rito, sisiguraduhin raw ng militar na tanging lehitimo at awtorisadong mga relief worker lang ang maaaring makatulong.
“Magdadala lang ng higit na kaguluhan sa mga lungsod na apektado ng lindol itong sobrang paggamit ng kapangyarihan ni Lorenzana at pagmimilitarisa ng relief efforts,” giit ni Anakpawis Partylist President at dating Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano. Dagdag pa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), tumitindi lang ang kagutuman ng mga nakaligtas sa lindol dahil sa kupad ng pagresponde ng gobyerno.
“Sa Makilala, bago makapasok ang humanitarian workers, kelangan muna mag-checkin sa operations center nila,” paliwanag ni Hanna mula sa Citizen’s Disaster Response Center. Mabusisi ang proseso at siniguro nilang nasusunod lahat para makaabot sa mga tao pero hindi ibigsabihin nito sang-ayon sila sa ML Instructions 2.
“Gusto namin umapela sa gobyerno na unahin ang interest ng mga nakaligtas sa lindol bago ang mga interes sa pagpapatupad ng batas militar.”
Sa pagtatala naman ng DSWD, mayroong sapat na suplay ng pagkain at iba pang kagamitan para sa mga biktima ng lindol. Iba’t ibang organisasyon na rin mula sa mga LGU ng Metro Manila hanggang sa United Nations ang nag-ambag sa pagbangon ng mga apektado.
Hindi naman nito mapaliwanag ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga pamilya sa Cotabato na namamalimos ng tulong sa haywey. Dala ang tagpi-tagping mga karatula na may mga salitang “tulong”, “tubig”, at iba pa, kumakaway ang mga residente sa mga nagdadaang kotse.
Desperado
“Tingin nila, kailangan nilang gawin iyan para makuha ang atensiyon ng local at national government. Nagsusumamo na sila,” giit ni Mariano.
Ayon naman sa ulat ng grupo ng alternatibong midya na Kilab Multimedia, nagbanta pa si North Cotabato Police Chief Colonel Maximo Layugan na arestuhin ang mga namamalimos sa haywey dahil sa gulong maidudulot daw nito sa mga pamilya at mga motorista, bukod pa sa napapabalitang nakawan sa lugar.
Sa ngayon, lalagpas lang nang kaunti sa 10 porsiyento ng mga apektado sa North Cotabato ang naseserbisyuhan na ng DSWD sa loob at labas ng mga evacuation center. Para sa mga nakaligtas, hindi lang banta sa panibagong pagyanig ang katakut-takot, kundi ang patuloy na pagkaputol ng kuryente, tubig, at kawalan ng maayos na tirahan.