Tato on My Mind

0
201

Nitong Marso 10 ang ika-100 kaarawan ni Renato Constantino — progresibo at makabayang historyador at kritikong panlipunan, at awtor ng maraming mahalagang sanaysay at libro. Bilang paggunita, maraming aktibista ang nag-post, kalakhan sa Facebook, tungkol sa kanyang mga sulatin at sa papel ng mga ito sa kanilang pagkamulat at paninindigan.

Kapag sinabing kaisipang makabayan at anti-imperyalista sa Pilipinas, lalo na matapos ang World War II, isa ang pangalan ni Constantino sa mga laging mababanggit — kasama ang senador na si Claro M. Recto, ang historyador at manunulat na si Teodoro A. Agoncillo, at ang lider-Komunista na si Jose Maria Sison. Guro siya, sila, ng ilang henerasyon ng mga makabayan at aktibista at ng kilusan ng mga ito.

Isa sa pinakahuling nagbanggit ang manunuring pampulitikang si Temario C. Rivera, sa kanyang presentasyong “The FQS (1970) in Philippine History: Impact on Politics” na pinost ng Arkibong Bayan sa Facebook. Mahalaga aniya ang kaisipan ng apat sa pag-alab ng nasyunalismo at kilusang masa noong dekada 60 — na nag-ambag naman sa mga dambuhalang protesta na binungkos sa tawag na First Quarter Storm ng 1970.

Maraming nailathalang sulatin sa kanyang mahaba at produktibong buhay si Constantino. Ang mahahabang sanaysay pa lang niya, panandang-bato na sa iba’t ibang usapin, may mga titulong malakas ang dating: “Veneration Without Understanding” (1969) tungkol sa pagiging pambansang bayani ni Jose Rizal, “The Miseducation of the Filipino” (1959), tungkol sa kolonyal na edukasyon sa bansa, “Parents and Activists” (1971) tungkol sa ugnayan ng mga aktibista at kanilang magulang.

Ngayon, mas kilala siya sa dalawang-tomong kasaysayan ng Pilipinas, co-author ang asawa at kapwa-makabayan niyang si Letizia R. Constantino: ang A Past Revisited (1975), saklaw ang pananakop ng Espanya hanggang bago ang World War II at The Continuing Past (1978), saklaw naman ang World War II hanggang bago ang diktadurang US-Marcos.

Marami rin siyang librong koleksyon ng sanaysay. Matatandaan ang Dissent and Counter-consciousness (1970), na ang titulo’y nagpapahaging ng paniniwalang madalas sabihin ni Constantino, tinatanganan niya, at pinapatunayan mismo ng mga sulatin niya: mahalaga, kung hindi man susi, ang kamalayan sa pagbago o pagpapanatili ng sistemang panlipunan.

Noong dekada 90, pinapabasa na sa klase — ng mga propesor na naging aktibista, saglit o matagalan — ang A Past Revisited at The Continuing Past. Puno ng highlight, salungguhit, bilog, at magugulong sulat ng mga nag-aaway na mambabasa ang mga kopya nito na pinapa-Xerox nang walang humpay. Ang mas masipag na estudyante, magbabasa ng iba pang sulatin ni Constantino — mas payapa ang mga pahina, pero magulo pa rin.

Sa panahong iyun, may mga estante sa National Book Store na puno ng iba’t ibang akda ng mag-asawa, kasama ang maninipis na libro at mga booklet na tila laan talaga sa mga guro at estudyante. May kolum din si Constantino noon sa diyaryong Manila Bulletin — kung saan pinagsusulat ang mga iginagalang ng lipunan pero hindi naman binabasa.

Mahusay na introduksyon sa makabayang kasaysayan, at makabayang kaisipan sa kabuuan, si Constantino. Maipagpapalagay na karaniwang Pilipinong mambabasa ng Ingles ang gusto niyang paliwanagan. Hakbang-hakbang siyang maglatag ng datos at argumento bago tumumbok sa kongklusyon. Nagsisimula siya sa kung nasaan ang mga mambabasa, hindi sa kung saan niya gustong dalhin sila. Tinitimpi ang isip sa pag-aaral dahil mula rito lumalabas ang suklam sa dulo kadalasan, at ang kagustuhang kumilos.

Pero higit sa lahat, nakakayanig ng isipan ang laman ng mga sulatin niya. Ang mga hiwa-hiwalay na pangyayari, naipapaloob sa kabuuan ng isang naratibo. Ang mga bida, nagiging kontra-bida; at ang kontra-bida, nagiging bida. Ang karaniwan, biglang nagiging makabuluhan; ang banal, nasasadlak sa imburnal. Ang sambayanan, na laging binabanggit sa kasaysayan sa elementarya at hayskul pero hindi naikukwento, sinikap buuin ang kwento.

Kapag nabasa mo si Constantino, hindi ka magdadalawang-isip na sabihing Marxista siya. Pero hindi siya iyung maya’t maya ang pagsipi sa mga akda nina Marx. Kapag may prinsipyong Marxista siyang kailangan — halimbawa, ang pagkaugat ng mga pangyayari sa moda ng produksyon, o ang papel ng mga lider at bayani kumpara sa papel ng masa sa kasaysayan — matiyaga niya itong ipinapaliwanag sa simpleng wika. Sapul niya ang esensya, at makakatindig ito, hindi kailangan ng pangalan o sipi.

Sa mga estudyanteng papasok sa mga unibersidad na kilala sa mga protesta, laging may nagsasabing “Huwag kang mag-aaktibista ah.” Sa mga akda ni Constantino, makikita ang dahilan, ang mga batayan para maging aktibista. Napakalakas naman pala! Hindi iilan ang nagbaba ng libro niya at ngitngit na nagtanong tungkol sa iba’t ibang inhustisya: Bakit ngayon ko lang ito nalaman? Bakit hindi ito alam ng karamihan?

Kung babasahin ang mga libro sa kasaysayan ni Constantino, madaling makitang hindi karaniwan, istandard, akademiko o “obhetibo” na kasaysayan ang isinusulat niya. Malinaw siya sa gusto niyang gawin: mag-ambag sa pagbubuo ng “kasaysayan ng sambayanan” o “people’s history,” partikular iyung naghahanap, nagpapatampok at nagsusuri sa pagkilos at paglaban ng masa.

At hindi lang para makita ang huli, kundi para “tuklasin ang nakaraan para gawin itong magagamit muli.” Kailangan ng “pangkabuuang tanaw” sa kasaysayan para ito ay “masuma at masuri. Ang gayung kasaysayan ay maaaring magsilbing gabay sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon sa nagpapatuloy na pakikibaka para sa pagbabago.”

Hindi nagpapanggap na “obhetibo” ang kasaysayan ni Constantino, pero tumatatak at impluwensyal dahil sa husay ng pagbubuo at pag-aanalisa. Ang itinatanghal niya, higit sa lahat, ay ang pagiging kaakit-akit at kapaki-pakinabang ng isang makabayan at makamasang pagbasa sa buong kasaysayan ng Pilipinas.

Kaya naman noong nagkaroon ng palusot, isang proyekto sa klase, kinapanayam ni Obet at mga kagrupo si Constantino. Pinuntahan nila ang bahay nito sa 38 Panay Avenue, address ng noo’y Foundation for Nationalist Studies — lugar na lagi niyang hahanapin para silipin tuwing mapapadaan. Nilabas sila ng may-edad na historyador, nakapolo at naka-slacks, nagsisigarilyo sa pipa.

Sa loob ng ilang oras hanggang gumabi, matiyagang sinagot nito ang mga napaka-batayang tanong nina Obet at mga kagrupo sa harap ng tape recorder. May isa nang aktibista sa grupo, pero hindi sa grupong pambansa-demokratiko, kaya matalas ang mga tanong. Ano ang kailangang pagbabago ng bansa? Pagkakaroon yata ng makabayang pamunuan ang pinasimpleng paliwanag.

Bakit makabayan siya pero sa wikang Ingles nagsusulat? Produkto rin daw siya ng kolonyal na mis-edukasyon na tinutuligsa niya. Manunuri ng kultura si Constantino, at sa isang bahagi, kinondena niya ang malaganap na komersyalismo. “Kaya ako, hindi na ako gumagamit ng toothpaste. Ang silbi lang naman niyan ay gawing kaaya-aya ang pagsesepilyo.” Palihim at saglit na nagkatinginan si Obet at mga kagrupo; pagkatapos ng panayam, nagpasya silang kalimutan ang bahaging ito.

Pagkatapos, lahat, nagpa-autograph ng libro sa awtor, maliban kay Obet. Isang booklet lang tungkol sa mga korporasyong multinasyunal ang napapirmahan niya, kulay maroon. Pero alam niya na hindi lang iyun ang mahalagang babaunin niya galing sa pagtatagpong iyun, at hindi na nga niya mahanap ang kopyang may autograph ngayon.

Syempre pa, marami rin ang tumutuligsa kay Constantino. Kapag may gustong bumatikos sa makabayang tingin at tindig sa iba’t ibang usapin, kasama ang mga sulatin niya sa pupuntiryahin. Partikular na kontrobersyal ang suri niya sa tatlong bantog na bayani ng bansa — Rizal, Andres Bonifacio, at Emilio Aguinaldo — gayundin sa pagsilang ng sambayang Pilipino at pagsisimula ng paglaban sa kolonyalismong Espanyol.

May mga tumutuligsa na para bang mas masama kaysa mabuti ang mga ambag niya, na para bang mas mainam bumalik sa panahon bago niya, sa panahon ng tahas na kolonyal, elitista at makitid na kasaysayan — na hindi katanggap-tanggap at malinaw na hakbang paurong. Pinakamaingay sa mga ito ang anti-makabayan o anti-Kaliwa.

Mayroon din namang mga tumutuligsa dahil gustong ilinaw ang katotohanan sa kasaysayan, at ang maka-Pilipinong pagtingin. Dito maihahanay kahit ang manunulat na si Nick Joaquin, na halatang dumedebate at tumataliwas sa mga pananaw ni Constantino kahit hindi ito pinangalanan sa mahusay niyang A Question of Heroes (1977). Sabi ni Joaquin, nang ang ibig sabihin ay si Karl Marx, may mga sumusulat ng kasaysayan na “gustong gumawa ng botang Aleman mula sa bakyang Pinoy.”

Pero hindi maaalis ng mga tuligsang ito ang mahahalagang ambag ni Constantino sa pagbubuo, kahit bilang panimula, ng progresibo at makabayang kasaysayan ng Pilipinas at pagsusuri sa lipunan — na pawang nagpapaunlad sa progresibo at makabayang kontra-kamalayan, kontra-edukasyon, at kontra-kultura. Mas maunlad ang kilusan at pakikibakang makabayan dahil sa mga ambag niya.

Kakambal ng pangalan ni Constantino ang nasyunalismo. At sa isang bansang neo-kolonyal, mapanganib ang nasyunalismo. Ibig sabihin, hindi sapat na gunitain si Constantino na para bang alaala na lang siya sa nakaraan. Hamon sa mga mag-aaral niya na gawin siya, katulad ng nasyunalismo, na makabuluhan sa kasalukuyan at mapanganib sa mga naghahari-harian.

>> Nitong nakaraang mga araw, naglabas ang rehimeng Duterte ng poster na nagyayabang-nananakot ng pagpatay sa mga kabataang naging kasapi ng New People’s Army o NPA — mula kay Wendell Gumban hanggang kay Guiller Martin Cadano, mula kay Recca Noelle Monte hanggang kay Rendell Cagula. Ganito rin ang dinanas ng maraming bayaning pinatampok ni Constantino — silang sinundan at tinularan ng mga nabanggit — sa kamay ng mga dayuhang mananakop at mga kasapakat na naghaharing uri.

>> Nitong nakaraang mga buwan, naglagay ang rehimen ng malaking karatula sa labas ng Kampo Aguinaldo laban sa mga laging nagpoprotesta doon at sa ibang lugar. Ang sabi: “Di ka bayad buwis, wala ka trabaho, gusto mo sunod sa ‘yo gobyerno?” Sa insultong ito, lumalabas ang pag-etsapwera ng gobyernong nagpapakilalang “demokratiko” sa maraming kababayang dapat pinapakinggan nito. Ganito rin ang ipinapakita ng kasaysayan ni Constantino — at tama ang kilusang makabayan sa pag-oorganisa sa mga pinapatungkulan.

>> Nitong nakaraang mga taon, tumitindi ang sentimyentong anti-Tsino sa bansa, dahil sa pagiging sunud-sunuran ni Duterte sa China. May panayam noon kay Constantino na nagpapahaging na tumataas ang presyon niya kapag nakakakita ng Amerikano. Noon pa man, inililinaw na niya ang kinamumuhian ng mga makabayan: ang mga gobyernong imperyalista at mga uri sa Pilipinas na sunud-sunuran sa kanila, hindi ang mga karaniwang mamamayan nila.

Tampok na katangian ng sitwasyong pandaigdig ngayon ang paghina at paggiray ng US, pinakamalakas na kapangyarihang imperyalista. Pinapatampok pa itong higit ng paglakas ng China at kakampi nitong Russia. Makikita ang pagiging magkaribal ng dalawang kapangyarihan sa maraming usapin sa mundo.

At makikita itong lalo sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Rodrigo Duterte. Sunud-sunuran si Duterte sa US — pero sa China rin, taliwas sa mga nauna. At kabigkis niya ang paksyon ng mga Marcos at Macapagal-Arroyo sa pagsunod sa China, taliwas sa paksyon ng mga Aquino at kakampi nila. Sa ganitong pagpihit o “pivot” ng rehimen sa bansa, kung saan maraming interes ang natatapakan, kailangan ang matinding panunupil at panlilinlang — at iyan na nga ang naging marka ng rehimeng Duterte.

May mga perspektiba o punto-de-bista na lalong ginagawang posible ang ganitong kalagayan. Mahalagang sintomas: may seksyon ng populasyon na dating kumukutya sa pormulasyon ng Kaliwa na rehimeng US-Quezon hanggang rehimeng US-Aquino 2, pero naggigiit ngayon sa tawag na rehimeng China-Duterte. Tahas man o di-tahas, kinikilala nila na naghahari ang US sa bansa, na sunud-sunuran sa US ang mga dating pangulo, at pumapasok ang bagong paghahari ng China.

Dahil nakikita ang hangganan ng kapangyarihan ng US, natatanaw ang kapangyarihan nito mismo. Nakikita ang saklaw ng kapangyarihan ng US, gayundin ng China, at ang pagsasalikop nila. Noon, parang hangin para sa tao o tubig para sa isda ang paghahari ng US — hindi kapansin-pansin at natural, at kung matukoy man ay itinuturing na rasyunal at ideyal. Mula sa gitna ng sinapupunan — ng halimaw, kumbaga — noon, natutulak tayo ngayon sa pader ng sinapupunan at nakikita ang mga hangganan.

Mula rin sa perspektiba ng hangganan-dugtungan ng mga dayuhang kapangyarihan mapapahalagahan ang talas ng maraming sulatin ni Constantino. Sa pangunahin, mahusay siyang kritiko ng imperyalismong US sa Pilipinas. Sa panahong hindi ito nakikita nang malinaw ng marami, masinsin niya itong nasusuri. At posibleng isang dahilan ang pagkasaksi niya sa pagpapalitan ng mga dayuhang kapangyarihang kumokontrol sa bansa.

Sabi sa isang website na humalaw umano sa Bantayog ng mga Bayani, “Natutunan ng batang Renato Constantino ang patriotismo sa kanyang lola, na nagsabi sa kanya ng mga walang-katapusang kwento ng pang-aabuso ng mga prayle at mga pagdurusa ng pamilya niya sa ilalim ng paghaharing Amerikano, at sa kanyang abogadong ama, na kritikal sa mga lider na hindi lumaban para sa kalayaan ng bansa.”

Pero malamang, mas napatalas ang paggagap niya sa kolonyalismo at neokolonyalismo sa karanasan niya rito, sa pagitan ng mga yugto nito sa Pilipinas. Nabuhay siya sa ilalim ng kolonyalismong Amerikano, dumanas ng 1942 nang gawing kolonya ng Japan ang bansa, at dumanas ng 1945 nang gawin naman itong neokolonya ng US. Ang edad niya sa dalawang hugpungan na ito, kasibulang 23 at 25.

Hinangad niya ang kalayaan ng bansa; lumaban siya sa mananakop na Hapon, sa Bataan at bilang ahenteng paniktik. Sinasabing ang Pilipinas lang sa Asya ang bansang yumakap sa dating mananakop, sa US, nang bumalik ito matapos ang World War II. Matalas ang pandama niya sa kawalang-kalayaan pagbalik ng US dahil nakipaglaban siya para sa kalayaan sa ilalim ng Japan.

Sa hindi pagkamit ng inasam at ipinaglabang kalayaan, maaaring totoo rin kay Constantino ang sinabi umano ng Komunistang historyador na Ingles na si Eric Hobsbawm: “Ang mga talunan ang mahuhusay na historyador.” Dagdag pa niya, “Walang nakakapagpatalas sa isip ng historyador nang higit sa pagkatalo.”

Ipinapaalala nito ang isang tesis ng Marxistang si Walter Benjamin: “Ang historyador lamang ang may kakayahang paypayan ang mga ningas ng pag-asa sa nakaraan, na punung-puno nito: hindi ligtas sa kaaway kahit ang mga patay kapag ito’y nagtagumpay. At ang kaaway na ito ay hindi pa tumitigil sa pananagumpay.”

Kakatwang pumanaw si Constantino noong 1999, hindi umabot nang dalawang taon sa 2001, taong itinuturing na panandang-bato ng pagkakalantad ng paghina ng ekonomiya ng US. Kahit naganap na noong 1997 ang Asian Financial Crisis, maingay at malakas pa noon ng mga retorikang neoliberal, nag-aasam ng “Philippines 2000.” Pero hanggang kanyang kamatayan, nasaksihan niya, at nasuri, ang malaki at kasagsagang bahagi ng ng neokolonyal na paghahari ng US sa bansa.

Madaling makabisado ang tinawag ni Constantino na “batayang balangkas” ng kasaysayan ng Pilipinas: “Ang paglaban ng mga Pilipino sa pang-aaping kolonyal ang sinulid na nagbibigkis sa kasaysayan ng Pilipinas (Filipino resistance to colonial oppression is the unifying thread of Philippine history).” Huling pangungusap ito ng unang kabanata ng A Past Revisited.

Pagkakahati at tunggalian: sa isang banda, ang sambayanang Pilipino; sa kabilang banda, ang dayuhang kapangyarihan at mga naghaharing uri na sunud-sunuran sa kanila. Maraming nagpapatampok ng iba’t ibang bago sa Pilipinas, pero nananatiling totoo ang batayang kalagayan.

Matatandaan ang mga pahayag ni Constantino tungkol sa nakaraang pwedeng gamitin, o usable past. Gayundin ang pahayag ni Benjamin tungkol sa katotohanan bilang “isang hindi maibabalik na larawan ng nakaraan na nanganganib mawala sa bawat kasalukuyang hindi nakikilala ang sarili nito sa larawang ito [Hinggil sa Konsepto ng Kasaysayan, 2013].”

Bantog ang mga kasaysayan ni Constantino sa paglantad sa mga pagtataksil ng mga naghaharing uri sa sambayanan, at kolaborasyon nila sa mga dayuhang kapangyarihan. Sa paghina ng US at paglakas ng China, matatandaan ang mga naghaharing uri noong dumating ang US sa dulo ng pananakop ng Espanyol, at noong dumating ang Japan sa dulo ng pananakop ng US.

Kasuklam-suklam ang kolaborasyunismo sa mga bagong dayuhang kapangyarihan. Pero si Aguinaldo, na binigyan ng espesyal na araw ni Duterte, ay makakapagsabing nakipagsabwatan sa US para makaalis ang Pilipinas sa pananakop ng Espanya. Si Jose P. Laurel, makakapagsabing nakipagsabwatan sa Japan sa harap ng banta at aktwalidad ng gera at pandarahas.

Totoo, US pa rin ang dominanteng kapangyarihan sa bansa at pumapasok pa lang ang China. Pero si Duterte, itinatali na ang Pilipinas sa relasyong neokolonyal sa China. Purong oportunismo: para sa pampulitikang pagtawid-buhay ng rehimen niya at pagbabalik sa kapangyarihan ng mga pinakapusakal na paksyon ng naghaharing uri — ang mga Marcos at Macapagal-Arroyo. Malinaw ang mga pahayag niya: China ang may pondo para tumulong sa gobyerno niya, at ginagarantiya nito na hindi siya mapapatalsik, at iba pa.

Sa harap ng lahat ng ito, makabuluhan pa rin ang mga sinabi ni Constantino. Sa dulo ng The Continuing Past, aniya, “Hindi makakamit ang tunay na kalayaan nang walang pakikisangkot ng masa ng sambayanan dahil sila ang dumadanas ng pang-aaping panlipunan at pang-ekonomiya, mga resulta ng neokolonyal na kontrol… [D]apat isulong ng Ikatlong Daigdig ang pangmasang nasyunalismo.”

Napapanahon pa ring basahin si Renato Constantino.

12 Mayo 2019