“Ito ay pambansang martial law na iwawasiwas sa mga kritiko at kumokontra sa administrasyon.”
Ganito inilarawan ng pambansang sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang Anti-Terrorism Act of 2020 o Senate Bill No. 1083 (SB1083) na ipinasa ng Senado nitong Pebrero 26.
Sa botong 19-2, inaprubahan ng Senado ang panukalang batas ni Sen. Panfilo Lacson na nagpapawalang-bisa at pinapalitan ang Human Security Act of 2007 na ayon sa Senado ay mas magbibigay ng ngipin sa batas laban sa terorismo.
Bibigyan din umano nito ng matibay na legal na gulugod ang sistema ng hustisya ng bansa laban sa terorismo at ng sapat na kasangkapan ang mga alagad ng batas para protektahan ang taumbayan sa mga banta ng terorsimo. Pero pinoprotektahan naman daw nito ang karapatan ng mga akusado.
Pero pangamba ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, isa sa mga kumontra sa pagpaasa ng SB 1083, ang malabong depinisyon ng terorismo ay maaaring maging bukas sa pang-aabuso. Aniya, kahit mga simpleng krimen ay maaaring maipagkamaling gamitin ng mga alagad ng batas bilang gawaing terorismo.
Tutol din siya sa pinahabang detensiyon ng mga suspek na walang nakasampang kaso ay paglabag sa mga karapatan at kalayaan.
“Bakit 14 na araw? Kung ginagawa ng mga alagad ng batas ang kanilang trabaho, aabot ba ng ganoon katagal bago sila makapagsampa ng kaso? O ang gawaing hulihin ngayon at mag-imbento ng ebidensiya pagkatapos ba ay talamak pa rin ngayon gaya ng kung paanong ang lider ng oposisyon na si Jovito Salonga ay inaresto, ikinulong at kinasuhan noong 1981?” tanong ni Pangilinan.
Nakakabahala din umano ang mga amyenda sa HSA dahil maaari itong gamitin bilang “kasangkapan sa panunupil imbes na pagpigil sa mga terorista”.
Sandata sa panunupil
Para sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL), ang SB 1083, kung maisasabatas, ay magiging pinakamabisang sandata ng gobyerno para supilin ang pagtutol ng mga mamamayan.
Sa kamay kasi umano ng isang administrasyon na kilala sa paggamit sa batas para “patahimikin at parusahan ang mga kritiko” at sa paglabag sa mga karapatang pantao, magsisilbi lang umano ang SB 1083 bilang legal na balangkas para sa crackdown ng progresibong mga organisasyon, grupong civil society, mga aktibista, alagad ng midya, at mga indibidwal na mababansagang “kaaway ng Estado”.
Ang masama pa, ayon sa NUPL, ipinapasakamay ng SB 1083 sa pagtatasa ng militar, mga alagad ng batas, mga taga-usig o piskal at mga husgado ang pagtukoy kung aling mga aktibidad ang maituturing na “terorismo”.
Nagbibigay ang naturang batas ng dagdag na kapangyarihan sa kapulisan, militar, at iba pang ahensiya ng gobyerno. Pero bukod dito, pinalalawig din ng SB 1083 ang dati nang malabong depinisyon ng terorismo na walang malinaw na sukatan na maglilimita sana sa aplikasyon nito.
Itinuturing din umano nitong kriminal ang lehitimong mga karapatan para sa malayang pamamahayag, sa mapayapang pagtitipon at sa malayang pagoorganisa.
Halimbawa nito, ayon sa NUPL ang pagpataw ng SB 1083 ng parusang 12-taong pagkakabilanggo sa sinumang “nanghihikayat” ng teroristang hakbang, sa pamamagitan ng pagsasalita o pagsusulat. Maaaring mabilanggo kahit pa ang nagsabi o nagsulat ay walang direktang ginawang aksiyong terorista at walang pagsaalang-alang sa konteksto ng kanyang sinabi o sinulat.
Ganito rin umano ang parusa sa isang indibidwal para lang sa pagiging kasapi ng organisasyong itinuturing ng gobyerno bilang “terorista”. Habang ang mga taong makitang nanghihikayat ng pagsapi sa mga organisasyon ito ay ituturing namang mga “rekruter” at papatawan ng habang buhay na pagkabilango.
Unyonista terorista?
Nangangamba ngayon ang mga manggagawa na kung tuluyang maging batas ay gamitin lang ang SB 1083 laban sa mga welga at protesta nila na nagsusulong ng makabuluhang dagdag-sahod, regular na trabaho at kanilang mga batayang karapatan.
Sa bisa kasi ng SB 1083, puwedeng ituring na terorismo ang mga welga at protesta kung ang mga ito ay makitang nagdudulot ng “matinding pagsagka sa mga kritikal na imprastraktura”.
“Madalas nang binabansagang economic sabotage ang mga welga kahit ito ay lehitimong pagsasabuhay lang ng karapatan ng manggagawa para maghayag ng hinaing,” ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
Matatandaang matagal nang binabansagan ng militar, pulis at mga ahensiya ng gobyerno (at maging si Pangulong Duterte mismo) ang KMU at iba pang legal na mga organisasyong progresibo bilang mga terorista sa balangkas ng Executive Order No. 70 at ng binuong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Pinaigting pa ng Philippine National Police at ng Armed Forces of the Philippines ang red-tagging at pagbansag sa mga unyonista bilang terorista sa pamamagitan ng Joint Industrial Peace and Concern Office o Jipco na nakikipagtulungan sa mga kapitalista sa special economic zones para pigilan ang lehitimong pag-uunyon at pagoorganisa ng mga manggagawa.
Iginiit ng KMU na di pa man naisasabatas ang SB 1083, matagal nang gawain ng gobyerno ang pag-aresto at pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga unyonista at aktibista. Ayon pa kay Labog, ang SB 1083 ay magbibigay lang ng “legal na tabing sa kanilang matagal nang talamak na paglabag sa karapatang pantao”.
Kaya sa huling National Council meeting ng KMU nitong Marso 1, nagresolusyon ang kasapian nito sa buong bansa na “tutulan sa anumang paraan” ang pagsasabatas ng SB 1083.
Humiling din ang mga lider ng iba’t ibang pederasyon, unyon at tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa ng pakikipagtalakayan sa mga kinatawan ng Kamara para talakayin mga panukalang amyenda dito sa HSA.
Sa ngayon, may anim pang nakabimbin na panukalang batas na katulad ng SB 1083 sa House Committee on Public Order and Safety.