Tigil-pasada laban sa tuluyang pagpapatigil-pasada ng gobyerno sa mga jeepney

0
196

Matagumpay na inilunsad ng iba’t ibang grupo sa sektor ng transportasyon ang pambansang transport strike o tigil-pasada noong Setyembre 30. Paglaban sa planong phase-out ng public utility vehicles (PUV) tulad ng jeepney, sasakyang UV Express at traysikel; at pagtaas ng presyo ng langis. Pinangunahan ang naturang tigil-pasada ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Stop and GO at No To Jeepney Phaseout Coalition.

Ayon sa Piston, umabot diumano sa 90 hanggang 100 porsiyento ang tinatayang naparalisa ang pampublikong transportasyon sa tinukoy na choke points o pinaglunsaran ng tigil-pasada sa buong bansa. Dagdag pa ng grupo, tinatayang aabot ng 95-100 porsiyento paralisasyon sa mga lugar sa Kalakhang Maynila tulad ng Monumento, Sangandaan, Alabang, Taguig, Navotas, Cubao, Marikina, Pasig, Commonwealth, Zapote, Las Pinas, at Baclaran.

Naidaos ng mga grupo mula sa sektor-transportasyon ang tigil-pasada sa kabila ng pagbabanta ng Land Transportation Regulatory and Franchising Board (LTFRB) na tatanggalan ng prangkisa ang mga lalahok; paglalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa tigil-pasada at iba pang porma ng pananakot ng gobyerno.

Infographic: Priscilla Pamintuan

Infographic: Priscilla Pamintuan, mula sa tala ng Piston

Napipintong phase-out

Tutol ang Piston at No To Jeepney Phaseout Coalition sa planong phase-out ng gobyerno sa mga PUV.

Ayon sa kanila, kung matutuloy ang plano, aalisin ng gobyerno mula sa mga mananakay ang pangunahing moda transportasyon na mura at maalwan. Bukod pa, mawawalan diumano ang milyun-milyong drayber, operator at iba pang nakasalalay ang hanapbuhay sa biyahe ng mga PUV.

Napipinto ang pagpawi ng gobyerno sa mga jeep. Batay sa plano nitong modernisasyon ng pampublikong transportasyon, uumpisahan na ngayong 2020 ang phaseout sa mga PUV na 15 taon-pataas nang tumatakbo sa kalsada na hindi na kayang maging compliant sa mga istandard na itinatakda ng gobyerno. Sa ilalim ng planong ito, aabot sa tinatayang 240,000 jeep at 80,000 sasakyang UV Express ang apektado.

Papalitan ang mga jeep ng mga sasakyang Euro 4, de-kuryente, solar, o hybrid. Tinatayang aabot ng P1.6-P1.8 Milyon ang halaga ng mga Class 1 and 2 ng nasabing tipo ng mga sasakyan. Ipapautang ito ng gobyerno sa mga drayber at opereytor na dapat mabayaran sa loob ng pitong taon na may anim na porsiyentong interes. Ngunit sa antas ng arawang kita, hindi ito kakayanin ng mga drayber at opereytor. Sa pag-aaral ng NPR.org, tinatayang P500 hanggang P600 lang ang kinikita ng mga drayber at opereytor kada araw o P15,000 hanggang P18,000 kada buwan.

“Walang tsuper ang nais na kakarag-karag ang kanyang jeep. Walang tsuper ang gustong bumubuga ng maitim na usok ang kanyang sasakyan.  Pero sa kasalukyang plano ng “modernisasyon” ng DoTr, magiging halos imposible para sa maliliit na tsuper/operator na mabayaran ang mga bagong units,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.

Modernisasyon para kanino?

Sa mga pahayag ng Piston at iba pang grupong tumututol sa phase-out ng mga PUV, hindi sila tutol sa modernisasyon ng sistema ng transportasyon. Ayon sa kanila, tinutulan nila ang modernisasyon na ang iilan lang ang makikinabang habang ang mga drayber, opereytor at komyuter ay nananatiling mahirap.

“Hangad natin ang totoong modernisasyon ng transportasyon. Pero dapat ito ay sumasaalang-alang sa kabuhayan at kapakanan ng mga tsuper at maliliit na operators. Hindi ito dapat magresulta sa pagkawala ng kabuhayan o pagkabaon sa utang,” ani Reyes.

Ayon kay Mody Floranda, pambansang tagapangulo ng Piston, ang pagsasapribado diumano ng mga PUV ay magbibigay ng malaking tubo para sa mga monopolyong nagmamay-ari ng pampublikong sistema ng transportasyon sa bansa. Kasama sa planong phase-out ang pag alinsunod sa bagong Omnibus Franchising Guidelines na nagtatanggal ng single unit at individual operator na prangkisa tungo sa corporate o consolidated na parangkisa.

Ayon naman sa Makô, isang kolektiba ng mga artista, papabor diumano ang planong phase-out sa iilang kapitalista at mga dambuhala’t dayuhang korporasyon na lumilikha ng sasakyan tulad ng Hyundai, Toyota, Mitsubishi, at Chrysler.

Sa talumpati ng drayber na si Cerilo Latoreno, dapat diumanong proteksyunan (laban sa monopolyo ng malalaking kompanya) ni Pangulong Duterte ang mga mga lokal na gumagagawa ng jeep – mga latero, taga-pintura at “body builder”.

Mga alternatibo

Ayon kay Reyes, marapat umanong may social responsibility kaugnay ng modernisasyon sa pamamagitan ng mas malaking state subsidy.

Ito aniya ang paraan para maging makatao ang gagawing modernisasyon. “Hangad ng mga tsuper na simulan ang modernisasyon sa mga umiiral na units na roadworthy o puwede pang magamit. Maaaring mag-upgrade ng mga ito, subsidized ng gobyerno. Kung hindi na kakayanin ang upgrades, dapat mas maging abot-kaya ang mga bagong units. Hindi dapat ito gawing negosyo,” sabi pa niya.

Dagdag pa ni Reyes, maaaring magpababa ng presyo ang lokal na manupaktura ng mga units at makalikha pa ng dagdag na trabaho sa bansa. Kaakibat nito, nag-abante ng suhestyon ang  Makô ng murang alternatibo – isang lokal na gumagawa ng jeepney sa Libmanan, Camarines Sur, na diumano’y nakabuo ng isang modelo na pasok sa pamantayan ng Department Of Transportation (seating capacity, smoke-test, taas atbp.) na nagkakahalaga lang ng P300,000 hanggang P400,000.

“Bilang mga komyuter, ang gusto natin ay ligtas, maaasahan, at abot-kayang transportasyon. Bilang mga manggagawa na kakarampot ang sahod, malaking tulong sa atin ang pampublikong transportasyon na hindi kontrolado o hawak ng mga dambuhalang korporasyon at dayuhang mamumuhunan.  Ayaw nating  maging gatasan ng mga negosyante ang dapat ay isang public service. Ayaw nating mawalan ng kabuhayan ang mga drayber at operator na sa mahabang panahon ay nagsilbi sa atin.

Sa mahabang panahon, ang mga PUV tulad ng jeepney  ang pumuno sa kakulangan ng gobyerno sa paghatid ng serbisyong transportasyon,” pagtatapos ni Lito Ustarez, executive vice-chair ng Kilusang Mayo Uno o KMU.