uSAP-usapan

0
170

Ni RICHARD R. GAPPI 

Sanay na kami.
Ang tawaging kilikili ng lungsod
at libag ng lansangang umaalingasaw.
Amoy-kanal?
Sa estero kami naka-bahay.

Mga tamad. Hindi nagbabayad ng tax. Pero unang nakinabang sa SAP.

O e ano?
Hindi natutong mag-ipon?

Nang bumili kami ng 3-in-1, kape’t sabon, nagbayad ng kuryente at ilaw
wala ba dung value-added tax?

Yung butas na tubo ng tubig, kanino kinukuha ang bayad? Wala ba kaming surcharge sa bill ng tubig at ilaw?

Nang sumabit kami sa jeep na punuan, para makahabol nang oras sa construction site, wala bang excise tax ang langis
na tiningi ng drayber sa Petron o Caltex?

Yung dalawa kong anak,
bumili ng juice para magkalasa
ang tinapay na baon na kasingtabang ng papel, wala bang sin tax dun?

Oo, nagyoyosi ako, umiinom
ng gin panghagod sa maghapong pagod
wala bang sin tax dun?

Isuma natin ang sumatotal:

Sa sweldo kong paextra-extra
at kontrakwal, may natira ba
Para pang-ipon man lang kung magkasakit mag-iina ko?
Kahit wag na ko.

Nang matapos at ilunsad ng palakpakan ang gusaling nagkaporma sa lakas ko’t kamay, naimbitan ba man lang kami?
Nabigyan ba kami ng bonus?
Kung maningil kami, magkano kaya ang lakas-paggawa naming nawala o hindi binayaran dahil wala sa minimum ang sweldong tinanggap?

Tamad?
Sinong nagtayo ng mga gusaling may sash na PROJECT OF GOVERNOR, MAYOR, CONGRESSMAN MULA SA PORK BARREL na ang 20% e pinabank-transfer ng amo ko sa akin sa account ng mga kagalang-galang nating opisyal,
hindi pa natutuyo ang tinta ng bolpen pagkapirma sa kontrata?

Annual tax?
Sino ba gumawa ng batas ba exempted ang suweldo P30,000 pababa?
Kung P350 daily minimum wage sa Calabarzon, i-times natin sa 20 araw kung walang no work no pay, kasalanan bang ang suweldo mamin e exempted sa tax?

O e ano kung una at prayoriti kami sa SAP?
Oo, ngayong panahon ng COVID, magkaiba ang tunog at kalam ng aming sikmura at tiyan na matagal nang pinagkaitan ng sistemang supertubo habang tinatapunan kami ng mumo.

Ngapala, may nakatabi ko sa pay out, de-semento ang bahay at may sariling lupa. Malapít sa gusi, matibay ang kinakapitan.

Sinong ayaw ang umahon? Bigyan n’yo kami ng pagkakataon.
Kaming gulugod at muhon,
taga-tindig ng sibilisasyon.
Kahapon. Ngayon.
At sa dako pa roon.

(https://www.bulatlat.com)

The post uSAP-usapan appeared first on Bulatlat.