Sa natitirang kalahating panahon ng termino ng administrasyong Duterte, haharap ito sa malalaking pagsubok sa kanyang tibay. Pangunahin na rito ang tuloy-tuloy na pagbagal ng ekonomiya sa nagdaang tatlong taon sa kabila ng pagsusumikap ng administrasyon na pagandahin ang mga numero sa pamamagitan ng mataas na paggastos ng gobyerno. Pangalawa rito, subalit may kaparehas na bigat sa nauna, ay ang tumitinding panlipunang ligalig at hamon sa pananatili sa poder ni Duterte.
Sa mahabang panahon, nakasandig ang gobyerno ng Pilipinas sa panlabas na mga salik para sa paglago ng ekonomiya. Nasa matagalang krisis ngayon ang pandaigdigang kapitalismo, at apektado ang Pilipinas. Pinatitindi ito ng kawalan ng matibay na sektor ng lokal na agrikultura at industriya, at kitang-kita ang epekto nito sa mamamayan. Inabot ang pinakamalaking kawalan ng trabaho at di-pagkakapantay-pantay sa ilalim ni Duterte. Dito na rin naranasan ang pinakamatinding pagtatakip at pagbubulid ng kasinungalingan hinggil sa lawak ng kondisyon ng kahirapan.