Usapin sa retirement: magkano ba talaga

0
152

Si Carissa ay nagtuturo sa isang kilalang pamantasan sa Cebu. Isa siyang full time college instructor.

Umabot siya nang labing anim (16) na taon sa kanyang pagtuturo sa nasabing paaralan.

Sa edad na 42 taon, naisipan niyang mag-apply ng retirement.

Ito ay sa dahilang nakalagay sa Faculty Manual ng paaralan na ang sinumang empleyado na umabot na sa edad na 55 o hindi kaya ay nakapagtrabaho na nang 15 taon sa paaralan ay maaari nang mag-apply ng optional retirement.

Nakalagay din sa Faculty Manual na babayaran ng eskwelahan ang nasabing empleyado ng retirement fee at ito ay magkakahalaga ng 15 araw na sahod sa bawat taon ng kanyang pagseserbisyo.

Dahil sa nakapatrabaho na nga itong si Carissa ng 15 taon ay kuwalipikado na nga siya sa optional retirement at ito ang kanyang inaplayan.

Ngunit pagdating sa tanong kung magkano ang babayaran na retirement fee dito kay Carissa ay dito na sila nagkaroon ng hidwaan ng paaralan.

Ginigiit ng pamantasan na ang dapat nilang bayaran dahil sa pagreretiro ni Carissa ay 15 araw na sahod lamang sa bawat taon ng kanyang pagseserbisyo ayon sa Faculty Manual.

Ngunit ayon kay Carissa, ang dapat na bayaran ng pamantasan sa kanya dahil sa kanyang pagreretiro ay nasa halagang 22.5 na araw sa bawat taon ng kanyang pagtatrabaho.

Ito umano ang nakasaad sa Art. 287 ng ating Labor Code.

Hindi pumayag ang paaralan at napilitang magsampa ng kaso tungkol sa retirement pay itong si Carissa sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Ipinananalo naman ng Labor Arbiter itong si Carissa at ang naging hatol ay dapat mangibabaw ang Labor Code kaysa Faculty Manual ng paaralan.

Nag-apela ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC) at binaliktad naman ng huli ang desisyon. Sinabi ng NLRC na dapat sundin ang Faculty Manual na nagbibigay ng mas maliit na retirement pay kay Carissa.

Sinang-ayunan ng Court of Appeals ang desisyon na ito ng NLRC. Napilitan si Carissa na iakyat ang usaping ito sa Korte Suprema.

Nilinaw ng Korte Suprema na ang retirement plan ng paaralan na matatagpuan sa Faculty Manual nito ay isang kontratang maaaring repasuhin ng Korte Suprema kung ito ay mapatunayang lumalabag sa batas o pampublikong patakaran ng gobyerno.

Ayon sa Korte Suprema, malinawag sa Article 287 ng Labor Code na ang retirement pay ng isang empleyado ay hindi dapat bumaba sa kanyang 22.5 araw na sahod sa bawat taon ng kanyang nanunungkulan.

Dahil sa lumalabag sa Labor Code ang retirement plan ng eskwelahan, wala silang magagawa kundi pawalan ito ng bisa at sundin ang Labor Code.

Dinagdag pa ng Korte Suprema na kung sakaling may pag-aalinlangan sa interpretasyon ng ebidensya sa pagitan ng empleyado at kumpanya, ang pag-aalinlangang ito ay dapat lutasin sa panig ng empleyado.

Kaya’t inutos ng Korte Suprema ang pagbayad ng eskwelahan ng mas mataas na retirement pay dito kay Carissa na naaayon sa Article 287 ng Labor Code (Carissa Santo vs. University of Cebu, GR No. 232522; August 28, 2019).

Nawa’y makatulong sa mga empleyado o manggagawang gusto nang magretiro sa kanilang mga trabaho ang kasong ito.