World Habitat Day, ginunita ng protesta ng Kadamay

0
184

Ligtas at abot-kayang pabahay, hindi ebiksiyon o pagpapalikas.

Ito ang panawagan ni Gloria Arellano, tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kaalinsabay ng pagdiriwang ng World Habitat Day.

Nagtipon at nagsagawa ng kilos-protesta ang iba’t ibang maralita sa iba’t ibang lugar ng bansa noong Oktubre 7, na dineklara rin ng Kadamay na “Zero Eviction Day.” Sa Quezon City, nagtipon ang mga miyembro ng Kadamay na mula sa Sityo San Roque sa harap ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC).

Bitbit nila ang mga panawagang itigil ang mga demolisyon sa pagpapatupad ng programang pang-imprastraktura ng rehimeng Duterte na Build, Build, Build.

Sa Pasay City, tinututulan ng mga maralita ang pagtatayo ng mga komersiyal na bilding at kasino ang malalaking kompanyang Ayala Land at Solaire Casino. Anila, tila mas pabor ang gobyerno sa kita ng malalaking negosyo kaysa sa kapakanan ng mga mamamayang Pilipino.

“Ito na ang ikatlong selebrasyon ng World Habitat Day. Mayroon kaming dinadanas na demolisyon. Ang lupa namin ay lupa ng gobyerno at ibinibigay naman ng gobyerno sa mga kapitalista. Iyon yung ayaw namin, iyon yung tinututulan namin,” ayon naman kay Ricky Indicio, tagapagsalita ng San Roque Vendors Association (SRVA).

Samantala, nagprotesta rin ang mga residente ng inokupang pampublikong pabahay sa Pandi, Bulacan. Hiniling nila sa National Housing Authority (NHA) na ipinal na ang pamamahagi ng mga bahay sa kanilang nag-okupa mahigit dalawang taon ang nakaraan.

“Ang ating mga kababayan ay pinangakuan na ng pabahay at relokasyon noong 2010 pa ng gobyerno pero napakalayo at ang laki ng bawas sa sueldo namin dahil malayo din ang kanilang hanapbuhay,” pagtatapos ni Indicio. Nina Arvin Anvil C. Parungao, Alvares O. Baltazar II at May Joy P. Caadan