Malumanay lang na nagsalita si Raoul Manuel matapos siya tawagin para magsalita sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture noong Agosto 22 hinggil sa panukalang gawing mandatory sa senior high school ang Reserved Officers Training Corps (ROTC). Pero tinira niya ang kanyang pasabog sa pagtatapos ng kanyang talumpati.
Kinuha ng tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang pagkakataong nandoon si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, isa sa mga promotor ng mandatory ROTC at malapit na alyado ni Pangulong Duterte, para bumira sa senador.
“Siguro, kung mahirapan tayo i-uphold ‘yung… law enforcement and rights awareness, magkakatalo na lang kung amongst the ranks of our public officials, ay hindi po nag-a-agree doon,” sabi ni Manuel. “Lalo na (kung may senador tayong) okay lang na makalaya at may second chance ang isang rapist na mayor habang ang mahihirap ay madaling tokhangin na lamang.”
Malinaw na patutsada ito kay Dela Rosa, na naunang nagsabing dapat bigyan ng pangalawang pagkakataon ang nahatulang manggagahasa at mamamatay-taong si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Namula ang mukha ng senador. Nanggagalaiti kay Manuel. “Ang layo naman ng sinasabi mo, Mister! Kasama ba ‘yan dito sa hearing ‘yung comment mo na ‘yon?” Marami pa siyang sinabi, pero putul-putol na. Halos mangiyak-ngiyak ang senador.
Mahigit isang linggo lang ang nagdaan bago iyon, pinangunahan ng dating heneral ng pulis at tagapanguna ng madugong giyera kontra droga ng rehimeng Duterte ang isa ring pagdinig sa Senado. Sa pagdinig na ito, inakusahan ni Dela Rosa, kasama ang pulutong ng mga “testigo,” ang mga organisasyong pangkabataan, kabilang ang organisasyon ni Manuel, ng pangingidnap at pagrerekluta raw sa mga kabataang estudyante para maging gerilya ng New People’s Army (NPA).
Paninira sa Senado
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Agosto 14, isa-isang binalandra ni Dela Rosa ang mga testigo niya laban sa Kabataan Party-list, Anakbayan, at iba pang prgresibong grupo ng kabataan.
May limang magulang silang pinrisinta. Ang isa, si Relissa Lucena, sinabing pinasok niya ang kanyang anak na si Alicia sa Far Eastern University (FEU) para umiwas sa mga aktibista—para lang marekluta ng mga ito sa naturang pribadong pamantasan. Ang isa naman, isang nagpakilalang Alvin Turero, ay nagsabing naakit siya sa aktibismo dahil pinangakuan siya ng scholarships sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Politektnikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) kung sasama raw siya sa mga rali.
Ang isa namang saksi, si Agnes Reano, sinabing noong unang taon daw niya ng pagiging aktibista noong dekada ‘80, naging estudyante aktibista siya sa umaga at NPA sa gabi.
Lahat nang ito, siyempre, malinaw na napabulaanan ng mga organisasyon ng kabataan. Sa hiwalay na press conference ng blokeng Makabayan sa Kamara noong araw ding iyon, nagsalita ang mismong anak ni Relissa Lucena, si Alicia, 18 anyos. Dito, sinabi ni Alicia na lumayas siya sa piling ng pamilya matapos dalawang beses na “isuko” sa Kampo Aguinaldo at Kampo Bagong Diwa ng kanyang nanay.
“Gusto kong mag-ambag sa anumang paraang para labanan ang mga problema (ng lipunan), lalo na sa mga estudyanteng tulad ko na nag-aaral sa mga pribadong eskuwelahan kung saan napakamahal ng matrikula,” sabi ni Alicia.
Sa kanyang pagsasalita sa publiko, gayundin sa mga pahayag niya sa mga protesta sa susunod na mga araw, pinakita ni Alicia kung papaano nanindigan ang kabataang namulat sa mga isyung panlipunan. Sa testimonya naman ni Raoul Manuel sa Senado, pinakita niya ang prinsipyadong paninindigan ng kabataan laban sa militarisasyon sa loob ng mga pamantasan at eskuwelahan.
Batas militar sa kampus?
Si Dela Rosa din ang nagpanukalang pasukin ng mga militar at pulisya ang mga pamantasan tulad ng UP at PUP. Nais daw niya sanang kontrahin ang pagrerekluta ng progresibong mga organisasyon ng mga kabataan sa naturang mga eskuwelahan. Ang ninanais niya, mabasura ang mga kasunduan sa pagitan ng kilusang kabataan at gobyerno para ipagbawal ang pagpasok ng militar at pulisya sa mga kampus nito.
Pinakatampok sa mga kasunduang ito ang Soto- Enrile Accord noong 1982. Sa naturang kasunduan, hindi maaaring pumasok sa kampus ng UP ang anumang yunit ng militar o Philippine National Police (PNP) nang walang pahintulot sa mismong administrasyon ng UP. Sa PUP naman, epektibo pa rin ang Ramos-Prudente Accord, na nagsasabing bawal ang presensiya ng militar sa loob ng PUP kampus o kahit sa loob ng 50 metro palibot nito.
Bago pa ang panukalang ito ni Dela Rosa, isinasagawa na ng AFP at PNP ang mga porum o pagtitipon sa mga estudyante. Sa porma ng “youth leadership forums” o mga kampanyang pang-impormasyon, naglelektura ang mga kinatawan ng pulisya o militar hinggil sa kasamaan diumano ng komunismo at kung papaano nagrerekluta ang mga progresibong grupo ng kabataan para sumapi sa armadong rebolusyon.
Para sa mga grupo ng kabataan, mistulang batas militar sa mga eskuwelahan ang gustong ipatupad ni Dela Rosa at ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang kahulugan nito, anila: pananakot o lantarang pagpapatahimik sa mga estudyante at aktibistang pinakamaiingay na kritiko ngayon ng rehimeng Duterte, lalo na sa mga polisyang pang-ekonomiya nito na nagpapahirap sa mga mamamayan, at sa masahol na rekord pangkarapatang pantao nito.
Sa isang unity statement na nilagdaan ng mga akademiko, administrador ng mga paaralan, propesor at istap sa akademya (kasama si UP Diliman Chancellor Michael Tan), binatikos nila ang mistulang planong batas militar sa mga pamantasan. Lantarang atake ito, anila, sa kalayaang pang-akademiko ng mga eskuwelahan na ginagarantiya ng Saligang Batas.
“Nahaharap muli ang lipunan sa daluyong ng awtoritaryanismo at diktadura. Sa mga pahayag ng mga institusyon ng militar at pamahalaan, maraming pagbabanta ang naisasakatuparan na nagbibigay panganib sa pag iral ng malayang pag aaral at mapagpalayang edukasyon,” ayon sa unity statement.
Ligtas na espasyo
Para sa Anakbayan, ginagamit lang ng AFP at PNP ang mga pagdinig sa Senado kontra sa kanilang mga organisasyon para bigyang katwiran ang presensiya nila sa loob ng mga kampus. “Mahigpit naming tinututulan ang hakbang na ito na magpataw ng batas militar sa mga eskuwelahan dahil ito’y peace zones at (dapat na) ligtas na mga espasyo para sa kabataan,” ani Alex Danday, tagapagsalita ng Anakbayan.
Noong Agosto 20, lumabas sa mga klase nila ang libu-libong kabataang estudyante para ipahayag ang pagtutol nila sa planong militarisasyon sa kanilang mga eskuwelahan.
Sa kabila ng mga paninira sa mga grupo ng kabataan nina Dela Rosa, ng PNP at AFP at pananakot sa mga estudyante hinggil sa “pagrerekluta ng Anakbayan atbp. sa armadong rebolusyon,” humigit-kumulang 5,000 estudyante ng UP Diliman ang nagtipon sa harap ng Palma Hall. Libu-libo rin ang nagsagawa ng walkout sa iba’t ibang unibersidad.
Sa araw ding iyon, napag-alaman ng Anakbayan at iba pang grupo na nagsampa na raw ng kaso ang militar at pulisya sa Department of Justice kaugnay ng “pangingidnap” diumano sa mga kabataang aktibista. Idinawit sa kaso ang nakaraan at kasalukuyang mga lider ng mga grupo, gayundin pati si Kabataan Rep. Sarah Elago, dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at maski ang walang kamalay-malay na dating kinatawan ng Akbayan na si Tom Villarin.
Sa kabila nito, tuloy ang mga protesta. Libu-libo ring estudyante ang nagprotesta sa PUP sa Sta. Mesa. Ang kanilang isyu: paglaban sa mandatory na random drug testing sa mga estudyante na nagbibigay-katwiran sa pagpasok ng mga pulis sa kanilang kampus. Noong Agosto 15, espontanyong tinaboy ng mga estudyante ang mga miyembro diumano ng PNP na magsasagawa ng random drug testing sa loob ng kampus.
“Kung madali lang pumatay ng mga mamamayan sa buong bansa ang mga militar para ipatupad ang tiranikong pamumuno ni Pangulong Duterte, sinisiguro naming dito sa loob ng pamantasan, maninindigan ang mga estudyante para sa aming demokratikong mga karapatan,” ani Caryl Jane Bequillo, miyembro ng Sandigan ng mga Mag-aaral para sa Sambayanan (Samasa-PUP).
Ipinakita ng mga kabataan na sa loob man ng kanilang mga kampus, o kahit sa mismong bulwagan ng Senado, handa silang igiit ang kanilang mga karapatan—lalo na ang karapatang batikusin ang tiranikong gobyerno.